Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Dalaga ang Kaklaseng laging Nag-uuwi ng Pagkain mula sa Handaan, Nadurog ang Puso niya nang Makita ang Istorya sa Likod nito

Hinusgahan ng Dalaga ang Kaklaseng laging Nag-uuwi ng Pagkain mula sa Handaan, Nadurog ang Puso niya nang Makita ang Istorya sa Likod nito

“Hoy, Rita, may handaan na naman ang tropa mamaya, pustahan tayo, may dala-dala na namang plastik si Violy para makapag-uwi ng pagkain!” pabirong bungad ni Carissa sa kaniyang matalik na kaibigan, isang araw nang sunduin niya ito sa bahay bago sila magpunta sa naturang handaan.

“Naku, sigurado rin akong may ipit-ipit na plastik ‘yon sa bulsa niya at kapag uwian na, magdadali-dali ‘yon maglilimas ng pagkain!” pagsang-ayon ng kaniyang kaibigan habang nagsusuklay dahilan upang mapahagikgik siya.

“Oo nga, eh, ano? Hindi man lang siya nahihiya! Kahit kaninong kaarawan o kahit anong pagdiriwang, basta makapag-uwi lang siya ng pagkain, ayos na! Hindi naman sila ganoon kahirap, hindi ba? May trabaho naman ang tatay niya,” pagtataka niya habang pinagmamasdan ang mga litratong nakasabit sa bahay ng naturang dalaga.

“Kaya nga, eh, pero baka nais niya lang ipatikim sa pamilya niya kung anong mga kinain niya sa handaan,” tugon ng kaniyang kaibigan na ikinatawa niya.

“Kahit na! Nakakahiya ‘yon!” sambit niya habang tatawa-tawa.

“Edi, alamin na lang natin kung bakit niya ginagawa ‘yon. Deal?” yaya nito sa kaniya.

“Deal!” sagot niya saka sila nagtawanan.

Laki sa mayaman at maayos na pamilya ang dalagang si Carissa. Isang seaman ang kaniyang ama habang isang nars naman ang kaniyang ina. Mayroon silang sariling bahay at lupa, dalawang sasakyan at mga gamit na pinapangarap ng ibang kabataan katulad ng selpon, kompyuter at iba pa. Ngunit ito ang dahilan kung bakit bahagyang magyabang ang dalagang ito.

Madalas niyang hinuhusgahan ang mga tao sa paligid niya. Sa katunayan nga, muntik pa siyang hindi makapagtapos ng hayskul dahil sa ugali niyang ito. Tila nakahanap kasi siya ng katapat at ang panghuhusga niya’y pinatulan dahilan upang siya’y makabuo ng isang gulo na hindi pinalagpas ng kanilang guro noon.

Dahil nga may kaya, at isa ang kaniyang ina sa mga nirerespetong magulang sa paaralang iyon, siya’y hinayaan pa ring magmartsa.

Ngayong nasa kolehiyo na siya, hindi pa rin nawala ang ugali niyang iyon. Nahahawaan niya pa ng ganoong paningin sa ibang tao ang kaniyang matalik na kaibigan dahilan upang sabay nilang pag-usapan ang buhay ng mga tao sa paligid nila.

Kahit pa ganoon, dahil nga sa pera niya, marami pa rin ang mga taong nais pumaligid sa kaniya. Lalo na ang mga kaklase niyang mayayaman din naman pero nais siyang makapalagayan ng loob.

Ito ang dahilan kung bakit halos lahat ng pagdiriwang na nangyayari sa buhay ng bawat kaklase niya, siya’y nandoon at kitang-kita niya kung paano magsilid ng mga pagkain ang isa niyang kaklase sa baon nitong plastik. Ika niya noong unang beses niya itong nakita, “Ang kapal ng mukha, nakikain na, may baon pa! Ano ka, pat@y-gutom? Pulubi?” dahil upang matawa ang matalik niyang kaibigang nakarinig no’n.

Noong araw na ‘yon, matapos mag-ayos ang kaniyang kaibigan, nagpunta na sila sa bahay ng kanilang kaklase. Halos lumuwa ang kaniyang mata nang makita ang ganda ng disenyo at dami ng pagkaing nakahanda para sa kaarawan nito.

“Grabe! Tiyak, tiba-tiba si Violy mamaya! Maraming maiuuwing pagkain!” sigaw niya dahilan upang magtawanan ang kaniyang mga kaklase, habang ang naturang dalaga’y nakangiti lang.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na ngang natapos ang pagdiriwang dahilan upang bantayan na nila ng kaniyang kaibigan ang naturang dalaga. Katulad ng kanilang inaasahan, agad itong nagsilid ng mga pagkain sa dala nitong plastik.

“Kuhanan mo ng bidyo, dali! Tapos sundan natin siya hanggang sa makauwi!” utos niya sa kaibigan dahilan upang agad itong maglabas ng selpon.

Nang matapos magsilid ng pagkain ang naturang dalaga, agad nitong nilagay sa malaki niyang bag ang mga pagkain at umalis sa naturang lugar.

Gaya ng kanilang balak, sinundan nga nila ito at halos madurog ang matigas na puso ni Carissa nang makitang binigay nito sa mga batang kalye ang mga pagkain.

Magkahalong saya at awa ang kaniyang naramdaman nang masaksihan kung paano mag-unahan ang mga batang kalye sa parating niyang kaklase. Abot tainga ang ngiti ng mga ito habang sumisigaw ng, “Ate Violy! Salamat! Hulog ka ng langit!” dahilan upang labis siyang makonsensya.

Doon niya napagtantong ang sama pala talaga ng ugali niya dahil ang taong tumutulong sa mga pinakanangangailangan, kahit pa kapos sa buhay ay kaniyang hinuhusgahan.

Dahil doon, pinangako niya sa sariling unti-unting babaguhin ang pag-uugali. Mahirap man, sinimulan niya ito sa pagtulong sa kaklaseng si Violy sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga batang kalye kahit sa simpleng paraang kaya niya.

Advertisement