Inday TrendingInday Trending
Napakadamot ng Dalagang Ito sa Kaniyang Pamilya, May Pinaghuhugutan Pala ang Dalaga na Ngayon Lamang Mabubunyag

Napakadamot ng Dalagang Ito sa Kaniyang Pamilya, May Pinaghuhugutan Pala ang Dalaga na Ngayon Lamang Mabubunyag

“Era, ang dami mo na namang order sa shopee! Beke nemen makakahiling sa’yo ng isa,” nang-aasar na wika ni Danica, panganay na kapatid ng babae.

“Naku, ate, tigilan mo ako. Mga pasabay lang ‘yun ng katrabaho ko kasi mga tamad silang magcheck-out, isa nga lang sa akin dun e,” pagsisinungaling ni Era dito.

“Sus, ang sabihin mo barat ka talaga sa amin,” pang-aasar muli ng kaniyang kapatid.

“Luh, sa mga asawa niyo kayo humingi, kaya nga ayaw ko pa mag-asawa para naman manamnam ko pa ang sahod ko at ang pagbubuhay dalaga,” mabilis na sagot nito.

“Ibig sabihin sa’yo nga? Padala ka naman kahit para kay mama!” singit naman ni Ellah, pangalawang kapatid nito.

“Hindi nga sa’kin, kung may pera lang ako padalhan ko pa kayo. Sige na, baba ko muna ang tawag at mauubos na ang data ko. Wala kasi akong wifi katulad niyo,” pagtataray ni Ela sa kaniyang dalawang kapatid saka mabilis na tinapos ang kanilang usapan at napatingin sa mga package na tinutukoy ng mga ito.

“Pinag-ipunan ko kaya ang pinangbili ko ng mga ito tapos hihingi lang sila e sila itong may mga asawa at suportado pa,” nguso nito sabay yakap sa mga binili niya online at isa-isa itong binuksan.

Simula nang mag-asawa ang dalawa niyang kapatid ay mas pinili niyang manirahan mag-isa hanggang sa siya ay nakatapos sa kolehiyo at ngayon ay nagtratrabaho na.

Ilang araw ang lumipas at kaarawan na ng kaniyang ina kaya naman wala siyang nagawa kung ‘di ang umuwi sa kaniyang mga kapatid.

“Happy birthday, mudra!” wika ni Era sabay abot ng isang maliit na cake sa kaniyang ina.

“Grabe naman, Era! Ang liit naman ng cake na binili mo, birthday naman ni mama,napakabarat mo!” sabi ni Danica ng makita ang pagkain.

“Aba, mabuti nga nagdala ako!” singhal naman ng dalaga.

“Hay naku, puro pasarap sa buhay ang alam mo. Pagdating sa mga kapritso mo walang humpay pero pagdating sa nanay natin napakadamot mo! Hindi mo nga man lang kami maambunan! “ parinig naman muli ng kaniyang kapatid.

“Hayaan mo na ‘yan si Era, siya lang kasi nakapagtapos ng kolehiyo sa atin kaya mataas tingin niyan sa sarili,” gatong pa ni Ellah sa kaniya.

Saglit na natahimik si Era at napabuntong hininga saka hinawakan ang dalawa niyang tenga na nag-iinit na sa inis ngunit hindi talaga niya mapigilan ang sumagot.

“Bakit parang ang damot ko sa mga mata niyo e nagtitipid lang naman ako!” baling ng dalaga.

“O, bakit? Hindi ba totoo? Simula nung umalis ka rito sa amin ay hindi ka na nagbigay kahit para kay mama man lang. Ginawa mo naman kaming t@ng* para hindi malaman na malaki ang sahod mo e sa pananamit at mga gamit mo pa lang kitang-kita na. Naka-iphone ka tapos hindi mo man lang mabigyan ‘yung nanay mo kahit isang malaking cake?” dire-diretsong sabi sa kaniya ni Danica sabay tingin sa kaniya ng diretso.

“Alam niyo, hindi ko rin alam kung nakikita niyo ba pero sige. Dahil ikaw naman unang nagbukas ng usapan na ito tungkol kay mama, itotodo ko na rin!” sagot ni Era.

“Sige, magsalita ka ng magkaalaman tayo!” singit naman ni Ellah.

“Talagang nagkampihan kayo? Bakit? Simula ba nung umalis ako, nakatanggap ba ako ng suporta sa inyo? Nag-asawa kayong dalawa pero dito pa rin kayo kay mama nakatira kasama ng mga asawa at anak niyo. Bakit? Kasi wala kayong inuupahan dito, tapos pinahinto niyo si mama sa simbahan kasi ginawa niyong katulong sa mga anak niyo!”

“Pero teka lang, nasaan si Era ng mga panahon na ‘yun? Nag-aaral ako mag-isa sa Maynila, pinipilit na makatapos, naghihintay na baka sakaling may ipadala ang mga kapatid ko kasi wala pa akong sweldo pero ano naririnig ko sa inyo? “Ihinto mo na lang ‘yang pag-aaral mo, mag-aasawa ka lang din naman pagkatapos” kaya binuhay ko mag-isa ang sarili ko!” bulyaw ni Era sa dalawa.

“E sana umuwi ka rito nang hindi mo sinusumbat sa amin na nahihirapan ka mag-isa roon sa Maynila! Wala namang nagpumilit sa’yong magpaka-iskolar ka ng bayan para makapagtapos!” sagot ni Danica sa kaniya.

“Kaya nga umalis ako kasi ayaw ko ng ganitong buhay niyo! Kaya nagtiis ako, naghirap ako! Kasi gusto kong makabili ng mga gusto ko! Tapos nung nagkatrabaho ako, bigla kayong magpaparamdam, pahingi nito, pahingi niya, kahit para kay mama?! Bakit? Sino bang nakikinabang sa nanay natin? Ako ba! Ako ba?! Hindi ba’t kayong dalawa!”

“Ni hindi niyo man lang mabilhan ng bagong salamin ‘yung nanay natin, ni hindi niyo man lang mapagbigyan na magsilbi ulit ‘yan sa simbahan na alam niyo namang kasiyahan niya. Ginawa niyong katulong tapos gusto niyo ako magpapasahod? Mahiya naman kayo! Magising naman kayo! Matanda na si mama! Tumayo naman kayo sa sarili niyong paa! Hindi ako madamot kay mama pero gusto kong ipaintindi sa inyo na obligasyon niyo siya! Birthday niya ‘di ba? Bakit walang handa!? Bakit kapag mga asawa niyo at mga anak niyo may pa-party pa! Bakit kay mama wala?!” buong lakas na sinabi iyon ni Era at alam niyang naibuhos niya ang lahat ng kanyang tinatagong galit noon pa.

Hindi naman nakapagsalita si Danica at Ellah sa kanilang narinig at parang nahimasmasan bigla at labis na kahihiyan ang nararamdaman. Tama si Era, kinalimutan nila ang kanilang ina at kinalimutan din nilang maging ate sa dalaga.

Humingi ng tawad si Era sa kaniyang ina at saka ito umalis. Halos dalawang linggo na hindi nag-usap ang tatlo.

“Era, tama ka, patawarin mo kami kung hindi namin nakita ‘yun. Nagkulang kami para kay mama,” mensahe sa kaniya ni Danica.

Simula noon ay nagbago ang turing nila sa kanilang ina at mas binigyan ito ng pagpapahalaga. Habang sa kabilang banda naman ay laking gulat ng magkakapatid na may sarili palang ipon si Era para sa kanilang ina. Nariyang nabilhan na niya ang ale ng insurance at iba pang kailangan ng ale sa pagtanda nito.

Advertisement