Inday TrendingInday Trending
Dahil Hindi Niya Mabigyan ng Anak ang Asawa ay Natukso Itong Mambabae; Kayanin Kaya Nitong Mawala Siya sa Kaniyang Tabi?

Dahil Hindi Niya Mabigyan ng Anak ang Asawa ay Natukso Itong Mambabae; Kayanin Kaya Nitong Mawala Siya sa Kaniyang Tabi?

Limang taon nang kasal ang mag-asawang si Jessica at Marco. Sinusubukan na nilang magkaanak ngunit hindi pa rin sila nabibiyayaan.

Ang totoo ay natatakot si Jessica na baka hanapin ni Marco sa iba ang bagay na hindi niya kayang ibigay dito. Araw-araw ay ipinagdarasal niyang sana, matupad na ang kaniyang hinihiling, na magkaroon na sila ng anak.

Naghahain si Jessica ng pagkain nang makatanggap siya ng tawag, mula ito sa kaibigan niyang si Julie.

“Hello, Julie? Bakit ka napatawag?” tanong ni Jessica sa kausap.

“Jess, may nakapag-sabi na ba sa ’yo?” Ipinagtaka naman ni Julie ang sinabing iyon ng kaibigan.

“Ano ba ’yon? May nangyari bang masama?” bakas ang pag-aalalang tugon namang muli ni Jessica sa kaibigan.

“A-ano kasi, e… si Marco. N-nakita ko siyang may kasamang ibang babae. Magka-holding hands pa sila.” Hindi na nag-alinlangan pa si Jessica kung maniniwala siya sa kaibigan, matagal na niya iyong nararamdaman mas pinili niya ʼyong balewalain.

“Sige, salamat sa pagsasabi sa ʼkin.” Matapos iyon ay tinapos na ni Jessica ang tawag.

Napaupo na lamang si Jessica sa sahig dahil hindi niya matanggap ang ginawa sa kaniya ng kaniyang asawa. Inayos niya ang sarili niya upang hindi mahalata ni Marco na galing siya sa pag-iyak. Iniisip ni Jessica na kasalanan niya kaya iyon nagagawa ni Marco. Hindi niya ito kayang bigyan ng anak.

“Umiyak ka ba?” tanong ni Marco. Hindi pa rin pala nagawang itago ni Jessica ang pamumugto ng kaniyang mga mata.

“H-hindi, bakit naman ako iiyak?” ngunit pilit pa rin namang pagtanggi niya.

“Namamaga kasi ’yang mata mo, e.” Tumaas pa ang isang kilay ni Marco.

Kahit na gusto ni Jessica na awayin ang asawa dahil sa ginawa nito, pilit niyang pinaniniwala ang sarili na siya ang may problema. Kinabukasan, nagpaalam si Marco na papasok ito sa trabaho, kahit pa noon ay araw ng linggo kung kailan wala dapat itong pasok.

“Alis na ako,” malamig ang tonong pagkakasabi ni Marco sa asawa.

“Sige, ingat ka,” sagot naman ni Jessica.

Pagkaalis ni Marco ay agad namang inihanda ni Jessica ang gamit niya upang sundan kung saan ito pupunta, at doon ay napag-alaman niyang magtutungo pala ito sa isang mall. Patago namang sinundan ito ni Jessica nang maupo ito sa isang fast-food chain.

Maya-maya pa ay dumating ang isang babae. Niyakap naman agad ito ni Marco nang makita ito. Labis ang sakit na nararamdaman ni Jessica nang mga sandaling iyon. Hindi na niya kinaya ang nakikita niya kaya nilapitan niya ang dalawa. Nagulat si Marco nang makita si Jessica.

“Matagal-tagal na din akong nagtitiis, Marco. Ngayon ay may pruweba na ako,” lumuluhang sabi ni Jessica.

“Jessica, huwag dito… magpapaliwanag ako—” Magsasalita pa sana si Marco nang sampalin siya ni Jessica bago siya tumakbo paalis.

Pagkadating sa bahay ay iniligpit na ni Jessica ang mga gamit niya. Paalis na sana siya nang maabutan siya ni Marco na agad naman siyang pinigilan. Nagmakaawa ito sa kaniyang harapan.

“Jessica, hayaan mo muna akong magpaliwanag!” pakiusap pa nito.

“Ano pa ang ipapaliwanag mo? Nakita ko naman na ang lahat!” mariin namang sagot ni Jessica.

“Sige na, please lang!” Lumuhod sa harapan ni Jessica si Marco habang umiiyak.

Dahil sa ginawa ni Marco ay natigilan si Jessica at pinakinggan ang paliwanag nito.

“I’m sorry, Jessica. Hindi ko naman ginusto na lokohin ka. Natukso lang ako! Mali ang nagawa ko, pero sanaʼy mapatawad mo pa ako. Hindi ko kayang mawala ka!” sabi pa nito.

“Gusto ko munang lumayo, Marco. Hindi muna siguro ngayon.” Pagkatapos sabihin iyon ni Jessica ay umalis ito at umuwi muna sa bahay ng kaniyang mga magulang.

Halos sa araw-araw ay pinupuntahan ni Marco si Jessica roon. Dinadalhan siya ng bulaklak at mga tsokolate. Niligawan ulit ni Marco si Jessica upang makuha ulit ang loob nito.

Hindi nagsawang umintindi si Marco sa katarayan ng kaniyang asawa, sapagkat alam niyang kasalanan niya kaya ito nangyari. Sa loob ng halos isang taong panunuyo ni Marco ay nagkaayos ulit sila ng kaniyang asawa.

Bumawi si Marco sa kaniya. Naging mas maasikaso ito hindi ʼtulad ng dati. Sobra ang naging saya ni Jessica dahil hindi naman siya nagsisi na binigyan niya ng pangalawang pagkakataon si Marco.

Makalipas ang isang taon ay nalaman ni Jessica na siya ay nagdadalantao. Sobra ang saya ni Marco dahil doon. Ipinangako ni Marco sa sarili na hindi na niya ulit sasaktan ang kaniyang asawa.

Advertisement