Dahil sa Kagustuhang Manalo sa Paligsahan ay Nag-isip ng Ibang Paraan ang Tagaluto Upang Mapabilis ang Kaniyang Gawa; Ngunit Mali yata ang Ginawa Niyang Hakbang

Masayang-masaya ang dalagang si Trisha, isang culinary arts student. Paano kasi ay naipanalo niya ang halos lahat ng round sa nagaganap ngayong paligsahan sa kanilang eskuwelahan. Ngunit hindi na iyon ipinagtataka pa ng kaniyang mga kaklase. Paano kasi, alam naman ng lahat na isa siyang henyo pagdating sa kusina.

Noon pa man ay kinakitaan na ng husay sa pagluluto ang dalaga, lalo pa at tinuruan mismo ito ng kaniyang ama na kilala naman bilang isa sa pinakamagagaling ding chef sa buong bansa! Iyon ang ginamit ni Trisha upang sa paligsahang ito ay manguna siya.

Ngayon nga ang huling round ng nasabing paligsahan, at ang makakalaban niya ay ang kanila mismong guro. Matagal man ang naging karanasan nito pagdating sa industriya ng pagluluto, alam at tiwala si Trisha sa kaniyang sarili na kayang-kaya niyang talunin ito…

“Para sa huling round ng contest na ito, gusto kong gawing kakaiba naman ang ating tema,” panimula ng sikat na food critic na siyang nagpasimula ng paligsahang ito para sa kanila. “Gusto kong gumawa kayo ng isang putaheng simple lang at karaniwang nakikita sa hapagkainan ng maraming Pamilyang Pilipino. Iyong makamasa. Isang putaheng hindi man ganoon kamahal ang mga sangkap, ngunit talaga namang nakatatakam at nakabubuti sa bawat kakain nito. Gusto ko ring umisip kayo ng paraan upang lalo itong pasarapin bago n’yo ito ihain sa amin,” dugtong pa nito na nagpakunot ng noo ni Trisha.

Totoo ngang henyo siya pagdating sa kusina, ngunit dahil lumaki siya sa layaw ay hindi siya kailanman nakatikim ng pagkaing makamasa. Paano kasi ay mayaman naman ang kanilang pamilya at kailanman ay hindi siya hinayaan ng ama na kumain ng ibang pagkain bukod sa mga putaheng pangmayaman lang!

Dahil doon ay katakut-takot na pagsasaliksik ang ginawa ni Trisha buong gabi para lang paghandaan ang putaheng ipanlalaban niya sa kaniyang guro… hanggang sa makaisip na siya ng gagawin—sinigang!

Natatandaan niya kasing noong bata pa siya ay tinuruan siya ng kaniyang lola kung paano magluto nito, ngunit ang paraang ginagamit nito’y masiyadong matagal, gayong may oras ang paligsahang paglalabanan nila. Dahil doon ay nag-isip siya ng paraan kung papaanong mas mapapabilis ito gayong kabilin-bilinan noon ng kaniyang lola ay huwag na huwag niyang mamadaliin ang pagluluto ng anumang putahe, dahil ang lahat ng ito ay may tamang oras at panahong dapat gugulin. Bukod doon ay kailangan niya rin itong haluan ng kasipagan at pagtitiyaga, kundi ay hindi magiging pareho ang lasa ng putaheng iluluto niya.

Imbes na gumamit siya ng purong sampaloc bilang pampaasim, katulad ng nasa recipe ng kaniyang lola ay mas pinili na lamang niyang gumamit ng pinulbos na seasoning upang mas mapabilis ang kaniyang pagluluto. Binawi na lamang niya sa pagandahan at pamahalan ng mga ginamit na iba pang sangkap upang hindi mahalata ang ginawa niya.

Advertisement

Noong araw na ng paligsahan ay namangha ang lahat sa ipinakitang husay at bilis ni Trisha sa kaniyang ginagawang pagluluto. Habang ang kaniya namang guro ay ginamit ang lahat ng kaniyang oras upang tapusin ang naisip nitong putahe.

“Siguradong ako na ang mananalo,” sabi ni Trisha sa likod ng kaniyang isip. Napapangisi siya sa isiping kayang-kaya niyang talunin ang kaniyang guro, hanggang sa oras na nga upang hatulan ang kanilang mga inihain.

Unang tinikman ng mga hurado ang putaheng iniluto ni Trisha. Kitang-kita niya sa mukha ng mga ito na nasarapan sila sa kaniyang ginawa!

“Ang sarap ng lasa nito. Malambot ang karne at sariwa ang mga inilahok na gulay… ngunit may isang lasa akong hinahanap na para bang kulang sa iniluto mo. Hindi ko lang matukoy kung ano ’yon,” komento ng isa na sinang-ayunan naman agad ng iba pa.

“Tama. Masarap nga ito, ngunit may nalalasahan akong animo artipisyal na pampalasa. Siguro ay dahil hindi naman organic ang ginamit na pampaasim dito,” sabi naman ng isa pa.

Sumunod na tinikman ng mga hurado ang iniluto ng kaniyang guro na siyang Nilagang Baka! Ganoon na lang ang inis at gulat ni Trisha nang halos hindi na tigilan ng mga hurado ang pagpuri doon!

“Paano mo ginawa ito? Bakit naging ganito kasarap ang lasa ng nilaga mo? May inilagay ka bang ibang sangkap?” sunod-sunod na tanong ng isang hurado sa kaniyang guro.

“Wala,” sagot naman nito. “Ang totoo ay sinunod ko lamang ang nakaugaliang pagluluto ng nasabing putahe. Bukod doon ay sinamahan ko rin ng sipag at tiyaga ang paghahanda nito, katulad ng turo sa akin noon ng dati kong guro na siyang naging inspirasyon ko upang maging isang chef… iyon ay walang iba kundi ang lola ni Trisha,” sagot pa nito na ikinasinghap ni Trisha.

Advertisement

Dahil doon ay napagtanto niyang tama nga ang kaniyang lola. Hindi lang talino ang kailangan sa bawat ginagawa natin, kundi pati sipag at tiyaga. Bukod doon, dapat ay manatili pa ring nakaapak sa lupa ang ating mga paa kahit pa malayo na ang ating naabot.

Nang mga sandaling mapagtanto iyon ni Trisha ay hindi siya nag-atubiling lumapit sa kaniyang guro at ito’y binati. Ngayon ay mas umaasa pa siyang mas maraming matututunan pagkatapos ng kaniyang pagkatalo.