Inday TrendingInday Trending
Masama ang Pakikitungo ng Binatilyong Ito sa Isang Babae Dahil Nagtatrabaho Ito sa Bahay-Aliwan; Isang Tagpo ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Masama ang Pakikitungo ng Binatilyong Ito sa Isang Babae Dahil Nagtatrabaho Ito sa Bahay-Aliwan; Isang Tagpo ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

“Magandang gabi, Magdalena,” magiliw na bati ni Berto na isang tindero ng balot sa kanto, ʼdi kalayuan sa pinapasukang bar ng dalaga.

“Magandang gabi rin ho, Mang Berto, kumusta po kayo? Mamaya, ha? Tatlong balot po ulit. Dadaanan ko po pag-uwi ko,” ganting bati naman ni Magdalena. Bukod sa pagiging magalang ay matamis na ngiti ang iginagawad ng dalaga rito, pati na rin sa ibang bumabati sa kaniya tuwing masisilayan siya ng mga ito.

Maganda na, mabait pa. Ganyan siya kung ilarawan ng lahat. Perpekto nga raw kung ituring dahil ang kagandahan ng kaniyang kalooban ay repleksiyon mismo ng kanyang pisikal na kaanyuan. Halos gusto ngang mapalapit ng lahat sa kaniya, maliban na lang sa isa…

“Ano naman ang kaaya-aya sa pagiging isang bayarang babae?” walang prenong saad ng dose anyos na tindero ng mani na si Lucas. “Huy, ’yang bunganga mo. Baka marinig ka ni Magda! Ano ba’ng ginawa niya sa ’yo at bakit parang ang laki ng galit mo sa kaniya?” kunot-noo namang tugon ng kababata niyang si Kenneth sa kaniya. Hindi ito umimik, bagkus ay sinamaan niya pa ito ng tingin.

“Magandang gabi, Lucas at Kenneth.” Gaya kanina ay magiliw ang pagbati ni Magda sa dalawa nang madaan ito sa harap nila. Napapakamot ng ulong bumati si Kenneth pabalik habang si Lucas naman ay kunot-noong nakatitig lang dito. Naging tipid ang ngiti ni Magda nang mapansin niya iyon. Gayunpama’y nagawa pa rin nitong magpaalam sa kanila nang maayos.

“Bakit mo naman ginano’n si Magda? Nakakahiya sa tao—”

“Wala akong ginawa,” tila bagot na putol naman ni Lucas sa sasabihin ni Kenneth.

Nakasusulasok na amoy ng sigarilyo, nakaririnding ingay sa paligid at mga halakhakan na nagmumula sa mga tambay sa gilid. Ilan lang ito sa mga mararanasan sa oras na magbukas ang mga bahay-aliwan, pagpatak ng alas nuebe ng gabi. Nakapeperwisyo man kung titingnan, bukod sa nakalakihan na ito ni Lucas ay mas pipiliin na lamang niyang pagtiyagaan ang ganitong klase ng paligid kaysa ang makausap si Magdalena. Kinamumuhian niya ang ganoong klase ng tao. Kinamumuhian niya ang ganoong klase ng trabaho… dahil hangga’t nakikita niya si Magda ay hindi mabubura sa isipan niya ang pagkamuhi niya sa kaniyang ina na isa ring bayaran na mas piniling sumama sa lalaki kaysa siya ay arugain!

Napaupo siya sa tabi ng kalsada at eksaktong dumating si Tina na nakaugaliang pakyawin ang tinda niyang mani. Ito ang dahilan kung bakit nakakakain siya ng kumpleto sa isang araw dahil anuman ang matira sa tinda niya ay bibilhin nitong lahat.

Masaya na naman siya dahil naubos ang paninda niya. Hindi niya lang maiwasang isipin kung ano’ng ginagawa ng kaniyang Ate Tina sa binibiling mani araw-araw. Kaya naman nang araw na ’yon ay naisipan niyang sundan ang kaniyang Ate Tina upang malaman kung saan nito dinadala ang mga pinapakyaw nitong paninda niya…

“Heto na ’yong paninda ni Lucas, Magda. Medyo matumal yata ngayon kaya marami-rami pa itong natira sa kaniya,” anang kaniyang Ate Tina kay Magda na nagpasinghap naman kay Lucas.

“Hamo na, Tina. Ipamigay mo na lang ’yan. Naaawa kasi talaga ako r’yan kay Lucas, kahit pa hindi maganda ang tingin sa akin no’ng bata,” sagot naman ni Magda na puno ng sinseridad.

Hindi namalayan ni Lucas na maya-maya pa’y lumuluha na siya. Mabilis niya itong pinahid. Ang totoo ay hindi naman lingid sa kaalaman niya ang tungkol kay Magda… ang palagi nitong pagtulong sa iba, ang pagsagip nito sa anak ni Mang Berto nang muntik na itong mahagip ng sasakyan, na hindi inalala ang sarili kahit muntik na siyang bawian ng buhay, ang pagpakyaw nito sa paninda ng mga kakilala nitong vendor sa tuwing mayroon itong ekstra. Lahat ng iyon ay alam niya, ngunit pinaniwala niya ang sarili na pakitang tao lang ito ni Magda. Ngunit ngayon ay kumbinsido na siya kung bakit mahal ito ng lahat sa kabila ng pagiging bayarang babae nito.

Hindi makaimik si Lucas, dahil alam niya sa sarili niyang kahit gaano kasama ang pakikitungo niya kay Magda ay hindi niya lubos maisip na napakabuti pa rin nito sa kaniya. Ngayon ay ibang-iba na ang pananaw niya sa dalaga. Mula noon ay ipinangako ni Lucas sa sarili na babaguhin niya ang pakikitungo kay Magda. Hindi pala kasi dapat ibinabase sa propesyon ng isang tao kung paano natin sila gagalangin. Iyon ang leksyong natutunan niya sa nangyari.

Advertisement