Inday TrendingInday Trending
Pinigilan ng Ina na Ito na Mabakunahan ang mga Anak Dahil Hindi Siya Naniniwala Rito; Tama Kaya ang Kaniyang Desisyon?

Pinigilan ng Ina na Ito na Mabakunahan ang mga Anak Dahil Hindi Siya Naniniwala Rito; Tama Kaya ang Kaniyang Desisyon?

“Mga kapitbahay! Mga kapitbahay! Lumabas na raw kayo at magpalista. Nariyan sa labasan ang tauhan mula sa munisipyo. Pumunta na kayo at huling buwan na ng bakuna!” sigaw ng isang ale na maririnig sa eskinita kung nasaan ang bahay nina Aling Sita.

Nang marinig ang anunsiyo, isa isang nagsipuntahan sa labas ang lahat upang mailista na nila ang kanilang mga sarili. Malapit na sanang matapos ngunit pinuntahan na sina Aling Sita ng kagawad upang sadyain na maipalista na ang buong mag-anak. Subalit wala silang natanggap kundi pananaboy, ni pagbuksan ng pinto ay hindi man lang ginawa ni Aling Sita.

“Tigil-tigilan ninyo ako diyan sa bakuna na ‘yan! Baka imbes na malusog kami ay lalo lamang kaming magkasakit dahil diyan sa bakunang ‘yan!” pagsusungit muli ni Aling Sita.

Kahit na pilitin siya ng kaniyang mahal na asawa, wala itong magawa dahil siya ang reyna’t hari sa loob ng kanilang tahanan. Lahat ng kaniyang tatlong anak, kahit na nasa hustong gulang na ang mga ito, malaki pa rin ang takot at respeto nito sa kaniya. Simula kasi noon pa ay si Aling Sita ang tanging nagpursigi na makapagpatapos ng kaniyang mga anak at magsustento ng lahat ng kanilang pangangailangan. Mahigit isang dekada rin siyang nagtrabaho bilang OFW sa ibang bansa. At ngayong ang anak na lamang niya ang nagtatrabaho para sa kanila, tumigil na siya sa pagtatrabaho.

Isang hapon, labis na ikinagulat ng lahat nang marinig nila ang malakas na sigaw ng kanilang ina sa loob ng kwarto ng panganay nilang si Angelita.

“Angelita! Angelitaaa!” malakas na sigaw ni Aling Sita. Ang lahat ay nataranta dahil sa boses na kanilang narinig. Nang makita nila ang ina, nakaupo ito habang hawak sa kaniyang kamay ang piraso ng papel na nagsasaad na nagpabakuna ang kaniyang panganay na anak.

“Hindi ka ba talaga nakikinig sa akin? Ano?! Dahil matanda ka na? Dahil may sarili ka nang trabaho?!” nagwala nang maigi si Aling Sita at patuloy na nagsambit ng masasakit na salita sa kaniyang panganay na anak.

“Gusto ko lang naman magpabakuna, kasi iniiwasan ako sa opisina dahil wala pa akong bakuna,” mahinahon naman ang paliwanag ni Angelita. Subalit hindi ito pinakinggan ni Aling Sita at mabilis na pinagtatapon ang mga damit ni Angelita.

“Lumayas ka na dito kung hindi mo ako papakinggan! Layas! Layas!” huling sambit ni Aling Sita sa anak. Sumunod naman ito at tuluyan na ngang umalis ng kanilang tahanan.

Sa gabi ring iyon, muling pinaalalahanan ni Aling Sita na walang sinuman sa kanilang bahay ang dapat na magpabakuna. Kung sila man ay susuway sa nais na ito ng kanilang ina, tiyak lamang na magagaya sila sa kanilang ate na pinalayas. Ang lahat ay tahimik na sumunod sa nais ng ina.

Lumipas ang mahigit isang buwan mula nang lumayas si Angelita sa bahay nila, nagpatuloy naman ang buhay ng pamilya ni Aling Sita. Ang lahat ay masunurin at hindi siya sinusuway ng kaniyang mga anak pati na asawa. Lalo lamang kasing lalaki ang galit nito kung mayroon pang papatol.

Isang umaga, nagpaalam si Aling Sita sa kaniyang mga anak at asawa na siya raw ay magbabakasyon sa bahay ng kaniyang kapatid. Pagkalipas kasi ng mahigit isang dekada, muli silang magkikita na magkakapatid. Wala namang tumutol sa kaniya dahil kung mayroon man, wala itong magagawa basta’t gusto ni Aling Sita.

Pagkalipas ng isang linggo, tuluyan na ngang bumiyahe si Aling Sita. Nag-arkila siya ng sasakyan upang ligtas na makarating sa kanilang probinsya. Mahigit walong oras din ang kaniyang binyahe at sulit na sulit naman dahil muli niyang nakita ang mga mukha ng mga kapatid. Dahil sa labis na tuwa ni Aling Sita, ang bakasyon niya na dapat ay isang linggo lamang ay tumagal ng halos isang buwan.

Pagkaraan ng isang buwan, muling bumalik si Aling Sita pa-Maynila upang sorpresahin ang pamilya sa kaniyang pagbabalik. Subalit nang marating ni Aling Sita ang kaniyang bahay ay walang ilaw at walang katao-tao dito. Ginamit niya ang kaniyang susi upang makapasok subalit wala siya nadatnan na kahit isang tao.

Lumabas siya ng bahay at doon ay nakasalubong niya ang mga kapitbahay na umiiwas sa kaniya. Kahit na lapitan pa niya ang mga iyon ay pilit itong lumalayo sa kaniya. Dahil sa inis, mabilis na nagtungo si Aling Sita sa mismong kagawad upang hanapin ang kaniyang pamilya na hindi rin niya ma-kontak.

“Nasaan ho ang asawa’t anak ko? Aba, lahat ng tao iniiwasan ako na akala mo may ketong ako!” pagrereklamo ni Aling Sita. Subalit labis niyang kinatahimik at ikinabigla ang sagot ng kagawad.

“Nagkaroon ng sakit ang buong pamilya mo, Sita. Pasensya na pero kahit gusto mo silang makita, hindi pwede dahil mahahawa ka lalo na’t hindi ka bakunado,” paliwanag sa kaniya ng kagawad.

Patuloy ang pagsisiyasat ni Aling Sita at nalamang nahawa ang bunsong anak sa kaniyang ka-opisina na mayroon palang sakit. Doon na nagsimulang magkahawa-hawa ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya.

Isang tanghali, wala nang ibang nagawa si Aling Sita kundi ang maiyak dahil sa labis na pagsisising pinigilan ang mga anak at asawa na makapagpabakuna. Habang taimtim ang kaniyang pananalangin, isang mahigpit na yakap ang kaniyang naramdaman sa kaniyang likuran- si Angelita! Nagyakapan ang mag-ina at hindi rin napigilan ang paghagulgol. Hinawakan ni Angelita ang mga kamay ng kaniyang ina at sumabay na nanalangin na gumaling na ang kanilang buong pamilya.

Advertisement