Nagugustuhan Lamang Siya ng mga Lalaki Kapag may Kolorete ang Kaniyang Mukha; Mga Magaganda Lamang ba ang may Karapatang Mahalin?

Nagpupuyos sa galit para sa sariling tumayo si Kaye at humarap sa salamin upang tingnan ang sariling repleksyon. Kung nasasakal lamang ang sarili ay baka sinakal na niya ang nakikita sa salamin!

Kani-kanina lang ay nasa labas siya upang bumili ng makakain nang makasalubong niya si Bryan, ang lalaking nanliligaw sa kaniya. Ngunit imbes na ngitian siya at batiin ay iniwasan siya ng lalaki. Sa labis na pagtataka ay mataray niya itong kinumpronta at babastedin na rin sana nang agad na umurong ang kaniyang dila sa sinabi nito.

“Hindi ka pala maganda, Kaye? Ngayon ko lang nakita ang mukha mong walang kahit anong nakalagay na kolorete,” anito habang lihim na sinusuri ang kaniyang kabuuan. “Mabuti na lang pala at hindi pa opisyal na naging tayo. Kapag nagkataon ay pagsisihan ko pa pala ang panliligaw ko sa’yo,” dugtong nito.

Hindi niya nagawang sagutin ang naging pahayag nito. Sobrang pangit niya ba talaga kapag walang suot na kolorete sa mukha? Hindi lamang si Bryan ang naringgan niya nang ganoong pahayag, sa katunayan ay pang-apat na itong nagsasabi na pangit siya kapag walang make-up ang kaniyang mukha.

Sa inis na nakikitang repleksyon ay nais niyang basagin ang salamin at kung pwede na rin ay ang kaniyang mismong mukha!

“Oh! Bakit ganyan ang mukha mo habang nakatitig ka d’yan sa sarili mong repleksyon sa salamin? Magkaaway ba kayo ng sarili mo?” ani Eduard, ang kaniyang kaibigan.

“Bakit nandito ka na naman?” ismid niya rito.

“Bakit, may bago ba?” sagot nito. Sabagay, sa kapal ng mukha nito’y wala naman na talagang bago. Pakiramdam nito’y bahay na nito ang bahay nila at magulang na nito ang mga magulang niya. Kulang na nga lang ay magpaampon na ito sa kanila.

Advertisement

“Huhulaan ko… binasted mo na ba iyong si Bryan o ikaw ang binasted niya?” asar nito.

Mas lalo lamang siyang nainis sa sarili nang maalala ang ginawa ni Bryan sa kaniya. Hindi siya sumagot, bagkus ay umalis siya sa harapan ng salamin, humiga at tinitigan ang kisame.

“Eduard, ang pangit ko ba talaga sobra kapag wala akong kahit anong suot na kolorete sa mukha?” tanong niya sa kaibigan.

Pero imbes na sumagot at tinawanan lamang siya nito nang malakas. Kaya sa inis ay binato niya ito ng unan. Pakiramdam niya’y sinasabi ng tawa nito na pangit nga talaga siya.

“Bakit ka ba nagagalit kapag sinasabihan kang pangit ng mga tukmol mong manliligaw? Dapat nga’y maging masaya ka kasi habang maaga pa’y nalaman mo na agad na hindi sila ang lalaking para talaga sa’yo,” ani Eduard.

“Alam ko naman iyon, pero tama ba naman iyong makarinig ako sa kanila ng insulto? Bakit, dapat ba palagi akong naka-make-up? Dapat ba kahit tulog na ako’y may kolorete pa rin akong suot sa mukha? Hindi naman ako si Sleeping Beauty na kahit tulog e maganda. Ako si Kaye, na kapag tulog bukod sa tulo laway at nakangangang natutulog ay ang pangit-pangit pa. Kasi nasa realidad tayo ng buhay, hindi ako isang Disney princess na hindi naliligo pero perpekto pa rin. Kainis!” litanya niya.

Isang malakas na tawa lamang ang itinugon ni Eduard sa kaniya at saka maya maya ay nagsalita.

“Maganda ka, Kaye, at wala kang dapat na patunayan sa mga lalaking nagsasabi sa’yong pangit ka,” anito.

Advertisement

“Bakit? Nagagandahan ka ba sa’kin?” ani Kaye.

Agad namang umasim ang mukha ni Eduard sa sinabi niya. Kung may magkaibigang nagkaka-inlaban sa isa’t-isa, ibahin ng mga ito silang dalawa. Siguro’y sadyang ginawa sila para maging isang matalik na magkaibigan lamang, hindi talaga para sa kanila ang katagang “I fell in love with my bestfriend!”

Mahal nila ang isa’t isa, pero hanggang magkaibigan lang, hindi na lalagpas sa iba pang lebel. Hindi niya gusto si Eduard at halata namang wala ring espesyal na nararamdaman ang binata para sa kaniya.

“Hindi ka maganda, hindi ka rin naman pangit. Sakto lang,” sagot nito. “Para sa’kin, ‘yong mukha mo hindi naman nagbabago, may suot ka mang make-up o wala, ganoon pa rin. Kaya nagtataka ako kung bakit sinasabi nila iyan sa’yo.”

Inirapan niya ito. “Parang ako kapag tinitingnan ka,” aniya. “Ang sabi nila ang gwapo-gwapo mo raw. Pero para sa’kin normal lang naman, hindi pangit, hindi rin naman gwapo,” aniya.

“Kaya nga! Kaya huwag kang papaapekto sa sasabihin ng mga tukmol mong manliligaw. Talagang naghahanap lamang ng pang-display ang mga iyon, kaya gusto nila ang magiging nobya nila’y artistahin! Diyos ko! Naghahanap sila ng mala-fairytale na babae, e nasa realidad naman tayo,” ani Eduard saka tumabi sa kaniya upang makitulog.

“Makakahanap din ako ng lalaking mamahalin ako kahit ang gulo ng buhok ko, kahit wala akong toothbrush—” ani Kaye na hindi naituloy ang sasabihin ng sumingit si Eduard.

“Huwag ka nang maglagay ng kolorete sa mukha, Kaye, ayos lang! Basta huwag lang iyong hindi na mag-totoothbrush! Nakakadiri ka, baka iyon pa ang maging dahilan kung bakit maaga kang mabiyuda,” ismid ni Eduard.

Advertisement

Inis na pinalo naman ni Kaye sa balikat ang kaibigan. Kahit kailan talaga’y ang sama nito sa kaniya. Pero kahit papaano’y tama naman si Eduard. Kahit ano’ng ganda mo kung dugyutin ka sa katawan ay balewala pa rin. At tama rin ang kaibigan, darating din ang lalaking mamahalin siya sa kung ano siya, hindi dahil sa maganda siya, kung ‘di mahal siya dahil sa ugali niya at sa kung ano-ano pang magaganda sa kaniya na hindi nakikita sa panlabas na anyo.

Niyakap niya ang nakatalikod na kaibigan at ipinikit ang mga mata upang matulog na rin. Hindi lahat ng matatalik na magkaibigang babae at lalaki ay nagkakagustuhan sa isa’t isa. May mga magkaibigan talagang magkapatid ang turingan sa isa’t isa, at kasama na roon sina Kaye at Eduard.

Laking pasasalamat naman niya sa presensya ni Eduard dahil ang kaninang inis niya sa sarili ay napalitan na ng pag-asa na balang araw ay matatagpuan din niya ang tunay at wagas na pag-ibig.