Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakayanan ng Ginoo ang Lahat ng Problema Kaya Bumigay na nang Tuluyan ang Katinuan Nito; Paano na ang Siyam na Taong Gulang Nitong Anak?

Hindi Nakayanan ng Ginoo ang Lahat ng Problema Kaya Bumigay na nang Tuluyan ang Katinuan Nito; Paano na ang Siyam na Taong Gulang Nitong Anak?

Nagluluto ng lugaw si Bricks nang marinig niya ang malakas na katok mula sa labas ng bahay nila. Wala naman siyang inaasahang bibisita sa araw na iyon kaya hindi niya mawari kung sino ang taong kumakatok sa labas. Pinahinaan niya muna ang apoy ng niluluto bago nagdesisyong maglakad patungo sa may pintuan upang tingnan ang taong kumakatok.

“Bricks?!” hindi makapaniwalang sambit ng aleng pamilyar sa kaniya ang mukha ngunit hindi ang pangalan. “Nasaan ang papa mo?” muling tanong ng ale.

“Sino po sila?” balik tanong ng siyam na taong gulang na bata.

“Ako si Tita Lyda, ang kasama sa trabaho ng papa mo. Pinapunta ako rito ng boss namin, dahil pinapakumusta niya ang papa mo. Halos tatlong buwan na raw kasi siyang hindi nagpaparamdam sa opisina,” paliwanag ng ale.

Lumingon saglit sa loob si Bricks at muling ibinaling ang tingin sa aleng nagpapakilalang katrabaho ng ama.

“Pasok po kayo, ma’am,” aniya saka niluwagan ang awang ng pinto.

Matapos pa-upuin ang ale ay muli niyang binalikan ang nilulutang lugaw para sa ama at naglagay ng kaunti sa isang mangkok. Tiningala niya ang malaking orasan upang kumpirmahing oras na upang kumain ang ama at makainom na rin ito ng gamot.

“Sunod po kayo sa’kin, ma’am,” magalang niyang kausap sa ale, hawak-hawak ang mangkok na may lamang lugaw.

Nagtataka man si Lyda ay sinundan niya ang bata. Hindi pa nito sinasagot ang tanong niya kanina kung nasaan na ang ama nito, bagkus ay pinapasunod siya nito sa isang silid. Ang silid kung saan naroroon ang taong kaniyang hinahanap, nakatali sa kadena na para bang isang mabangis na hayop.

“A-anong nangyari sa p-papa mo, Bricks?” nauutal niyang tanong.

Marahang inilapag ni Bricks ang dala saka umupo sa tapat ng amang parehong nakatali ang mga kamay at paa.

“Bigla na lang pong nawala sa katinuan si papa,” anito saka sinubuan ang amang tila hayop na gutom. “Nagulat na lang po ako kasi noong una para siyang may kausap, pero mag-isa lang naman siya. Tapos bigla siyang nagwala at nagbasag ng kung anong kaniyang mahawakan. Ang pangatlo ay bigla siyang umalis sa bahay, mabuti na lang at may nakakakilala sa kaniya kaya ibinalik siya rito. Ang pinakamalala ay iyong kamuntikan niya na akong p*t*yin sa sakal kahit wala naman akong ginagawang masama. Bigla na lang siyang nagalit at sinakal ako, akala ko katapusan ko na… mabuti at narinig ng ibang kapitbahay ang paghingi ko ng saklolo,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Bricks.

“B-bakit daw siya biglang nagkaganyan, Bricks?”

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Lyda sa nangyari kay Xander. Walang sinuman ang mag-aakalang humantong ito sa ganitong sitwasyon. Kaya pala ito biglang nawala sa trabaho nila ay dahil nawalan na rin ito ng tamang pag-iisip. Isa si Xander sa pinakamagaling at pinakamasipag na trabahante sa kumpanya nila.

“Hindi ko masyadong naiintindihan ang nangyayari kay papa,” ani Bricks.

Patuloy nitong pinapakain ang amang wala sa tamang katinuan habang panay ang pagpapaliwanag sa kaniya. Pareho pa silang nagulat nang bigla itong sumigaw at maya maya ay umiyak.

Habag ang naramdamdaman niya para sa siyam na taong gulang lamang na bata. Gusto niyang umiyak sa awang naramdaman. Kawawala lamang ng ina nito dahil sa sakit na k*ns*r sa dibdib, tapos ngayon ay nabaliw pa ang ama nito.

“Pero ang sabi ni kapitana na siyang nagpapatingin kay papa sa ospital ay depression raw ang dahilan kaya naging ganito siya kabayolente at tuluyang nab@liw. Si kapitana at ang mga tauhan niya sa barangay na rin ang gumapos kay papa, kasi nananakit siya at nagwawala kapag hindi nakatali ng ganyan. Palagi niya akong sinasaktan kapag hindi siya nakatali,” ani Bricks.

Hindi napigilan ni Lyda ang sariling hindi yakapin ang inosenteng bata. Gusto niyang maiyak sa naging sitwasyon ng mag-ama. Alam niyang kung nasa tamang katinuan lamang si Xander ay hindi nito hahayaang maramdaman ng anak ang nararamdaman nito ngayon.

“Hayaan mo, Bricks, tutulong kami para gumaling si papa mo,” aniya.

Bago niya iniwan si Bricks ay sinigurado niyang hindi ito mahihirapan sa pag-aalaga sa ama. Tinulungan niya itong paliguan si Xander, pinakain na rin nila ito at nagluto siya ng masarap na pagkain upang hindi puro lugaw ang nakakain ni Xander na siyang tanging alam na lutuin ni Bricks.

Nangako siyang babalik upang tulungan ang mag-ama at hindi man nagsasalita ang batang si Bricks, alam niyang pinanghawakan nito ang binitawan niyang pangako.

Nang maibalita sa amo ang totoong nangyari kay Xander ay gaya niya’y naawa rin ito. Bukod pa sa amo nila’y ipinamahagi rin niya ang kwento sa iba pa nilang kasamahan kaya nagkaisa silang tulungan si Xander, pati na ang anak nito.

Makalipas ang tatlong araw ay muli silang nagbalik upang ipagamot si Xander sa totoong espesyalistang makakatulong rito upang bumalik na sa ayos ang isipan nitong nasira dahil sa hindi nakayanang problema.

Hindi naman sila nahirapang kumbinsihin ang batang si Bricks na pansamantala’y kay Lyda na muna tumira upang may mag-aalaga rito habang pinapagamot pa ang ama nitong may sakit. Nananalig sina Bricks at Lyda na sana sa lilipas na mga araw ay gagaling na si Xander at labanan nito ang naging dahilan kung bakit ito nawala sa katinuan.

Si Bricks naman ay madali lamang nasanay na buhay kasama si Lyda na naging bago nitong pamilya. Dalaga pa lamang si Lyda at walang alam kung paano magpalaki ng bata, pero hindi naman siya nahirapang kasama si Bricks, dahil totoong napakabait at maunawain nitong bata. Masakit lamang isipin na kinailangan nitong pagdaanan ang lahat ng sakit sa murang kaisipan.

“Salamat po Tita Lyda,” ani Bricks saka niyakap ang babaeng tinanggap siya nang walang alinlangan kahit hindi naman sila magkadugo.

“Magpakatatag ka, Bricks ah. Ikaw na lang ang pag-asa ni papa mo,” aniya.

“Opo, nasasabik na po ako ulit na makita ang papa ko. Sa totoo lang ay miss na miss ko na talaga siya. Sana nga po tita, gumaling na si papa. Alam kong hindi niya ginusto ang mga nangyari noon,” ani Bricks.

Muling niyakap ni Lyda ang batang si Bricks. Napakaswerte ni Xander dahil nagkaanak ito ng kagaya ni Bricks na kahit sa batang isip ay naiintindihan na nito ang naging sitwasyon ng ama. Ngayong araw ay bibisitahin nila Bricks at Lyda si Xander upang kamustahin ang lagay nito. Sana nga’y gumaling na ang lalaki upang makita nito kung gaano ito kaswerte sa anak at upang makilala na nito ang anak na walang hinangad kung ‘di ang bumalik sila sa dati.

Advertisement