Inday TrendingInday Trending
Pinagtitinginan ng Pasahero ang Dalagang Suot pa ang Toga nang Sumakay sa Bus; May Importanteng Tao Pala Siyang Nais Pasalamatan

Pinagtitinginan ng Pasahero ang Dalagang Suot pa ang Toga nang Sumakay sa Bus; May Importanteng Tao Pala Siyang Nais Pasalamatan

“Herra, hindi ka muna ba magbibihis? Talagang wala kang balak hubarin ang suot mong toga? At saka hindi pa natatapos ang seremonya, anak,” anang ina.

Pagkababang pagkababa kasi sa entablado ay nais na niyang umalis upang pumunta sa may highway at abangan ang bus na nais niyang sakyan. Mas mahalaga iyon kaysa sa umupo siya’t makinig sa mga anunsyo na hindi naman niya naiintindihan.

“Hindi na ‘ma,” aniya. “Gusto ko talagang isuot ito habang nakasakay sa bus,” dugtong niya.

Babalik na lamang siya sa mahalagang seremonyang iyon kapag nakita na niya ang taong nais makita at masakyan ang bus kung saan lulan ito.

“O siya! Lumakad ka na’t hihintayin ka namin dito,” nakangiting taboy ng ina.

Matamis na ngumiti si Herra at agad na ring naglakad palayo sa pwesto ng ina upang pumunta sa may highway kung saan dadaan ang hinihintay na bus.

Nang makarating sa highway ay sabik niyang hinintay ang bus. Ilang minuto rin siyang naghintay bago niya namataan ang pamilyar na bus, at kahit malayo pa’y kinakawayan niya na ito. Nang matapat sa kaniya ang bus ay agad na bumaba si Melchor, ang kaniyang nobyo na isang kundoktor at agad siyang inalalayang sumakay sa loob.

Halos lahat ng tingin ay kay Herra napunta. Siguro’y nagtataka ang mga ito sa suot niya, halata kasing kaka-graduate niya lang, o ‘di kaya’y dahil sa kung paano niya yakapin ang kundoktor ng bus.

“Graduate na ako, mahal. Nagbunga na rin ang lahat ng pinaghirapan natin,” maluha-luha niyang sambit.

Matamis na ngumiti si Melchor at walang salitang niyakap ang masayang nobya. “Congratulations, Herra, masayang-masaya ako para sa’yo,” ani Melchor.

Matamis na ngumiti si Herra. “Congratulations rin sa’yo, mahal ko. Kung hindi dahil sa tulong mo’y baka hindi ko natapos ang aking pag-aaral,” aniya.

Iyon ang totoo! Si Melchor ang nagtulak sa kaniya upang tapusin ang kolehiyo, at ito rin ang tumulong sa lahat ng gastusin niya sa paaralang pinapasukan. Nakapagtapos siya dahil sa tulong at sipag ni Melchor sa pagiging kundoktor ng bus. Hindi kalakihan ang sahod ng nobyo, pero nagawa nitong pag-aralin siya at pagtapusin ng kolehiyo.

“Masaya akong nakapagtapos ka ng pag-aaral, mahal. Alam kong hindi rin madali ang pinagdaanan mo, ilang beses na pagsusunog kilay ang ginawa mo makapagtapos ka lang at wala akong pinagsisihan sa lahat ng tulong na ginawa ko, lalo na ngayong nakikita kong graduate ka na,” ani Melchor, puno ng emosyong tinitigan ang kaniyang mga mata.

Alam niyang hindi rin madali ang pinagdaanan ni Melchor matustusan lamang ang lahat ng kailangan niya. Halos hindi na ito nagpapahinga lalo na kung may mga kailangang gastusin sa eskwelahan. Nobyo lamang niya ang binata, pero naging magulang ito para sa kaniya. Pero kahit ganoon ay hindi niya naringgan ang lalaking sumuko o kinuwentahan siya sa nga nagastos nito. Palagi nitong sinasabi na tapusin niya ang pag-aaral at pagbutihan lamang ang kaniyang ginagawa, may aanihin siya sa lahat ng hirap na naranasan balang araw. Iyon lamang ang magiging sukli niya sa lahat ng sakripisyo nito. Kaya mas lalo niyang pinagbutihan ang pag-aaral at nagsikap na makapagtapos, upang ipakita sa nobyo na hindi ito nagkamali sa pagsuporta sa kaniya.

“Salamat mahal,” aniya saka tumingkayad upang abutan ng halik ang labi nito. Wala siyang pakialam kung maraming pasahero ang nanunuod sa eksena nilang dalawa. Wala siyang dapat ikahiya at kailanman ay hindi niya ikakahiya ang nobyong si Melchor. Simpleng tao lamang si Melchor, hindi mayaman at sadyang masipag lang sa buhay at ang mas nakakabilib dito ay nagawa nitong pag-aralin siya at hindi nangamba na baka sa pagdating ng panahon ay hindi silang dalawa ang magkatuluyan.

Wala namang dapat ipag-alala ang nobyo dahil imposible namang maghanap pa siya ng iba. Sa palagay niya kasi ay wala nang mas nakahihigit pa rito.

“Suotin mo ito at magpa-picture tayo,” aniya saka hinubad ang suot na toga.

Nahihiya at natatawa na lamang na tiningnan ni Melchor ang nobyang ngayon ay sa kaniya ipinapasuot ang toga.

Matapos nitong isuot sa kaniya ang toga ay hinugot nito ang selpon at nakiusap sa isang pasahero na kuhanan sila ng litrato, na agad namang sinang-ayunan ng pasahero at nakangiting kinuhanan sila ng litrato. Nakangiti silang dalawang humarap sa kamera habang masayang-masaya.

Sabay-sabay naman na nagpalakpakan ang mga pasahero pagkatapos. Pakiramdam ni Herra at Melchor ay mga artista silang gumagawa ng palabas sa loob ng bus. Hindi nila alintana ang ingay at hiyawan ng mga taong naroroon sa loob na halatang kinikilig at humahanga sa istorya nilang dalawa. Ang tanging nasa isip lamang ni Herra sa ngayon ay kung gaano siya kaswerte dahil ipinakilala ng Panginoong Diyos sa kaniya ni Melchor, ang lalaking mamahalin niya habambuhay at alam niyang ganoon din ito sa kaniya.

“I love you,” mahinang bulong ni Herra sa nobyo.

“I love you too,” tugon naman ni Melchor saka yumuko upang gawaran ng malalim na halik ang labi ng nobya.

Hindi pa rito nagtatapos ang istorya ng pag-iibigan nilang dalawa dahil ito pa lamang ang simula. Basta ang tanging alam ni Herra ay napakasuwerte niya dahil si Melchor ang lalaking kaniyang minahal. Ang lalaking handang sumuporta sa kung anong laban ang nais niyang harapin.

Advertisement