
Nagbago ang Ugali ng Misis na Ito Pagkapanganak Niya sa Panganay na Anak; Ano Kaya ang Nangyayari sa Kaniya?
Masayang-masaya sina Jeric at Sanya nang malaman nilang magkakaroon na sila ng anak. Bagong kasal lamang sila, at makalipas lamang ang dalawang buwan, may bunga na ang kanilang pagmamahalan.
“Hindi ako makapaniwala na nagbunga na kaagad ang pagmamahalan natin, babe,” sabi ni Jeric kay Sanya habang hinahaplos-haplos nito ang tiyan ng kaniyang misis.
“Oo nga, babe. Sino kaya ang magiging kamukha? Sana ako.”
“Ha? Baka ako,” giit ni Sanya.
“Sige para hindi na lang tayo magtalo, tayo na lamang dalawa,” wika ni Sanya.
Nagkatawanan na lamang ang mag-asawa.
Talagang ginawa ni Jeric ang lahat upang maalagaan nang husto ang kaniyang misis. Hindi siya nag-aatubiling lumabas ng bahay kapag may nais kainin si Sanya. Manggang kalabaw, dalandan, at langka ang mga madalas na pinaglilihian nito at kahit na gabing-gabi ay hindi siya nangingiming lumabas upang maghanap nito sa mga palengke.
Habang dumaraan ang mga buwan ay nagiging mahirap para kay Sanya ang kaniyang pagbubuntis. Pinayuhan siya ng manggagamot na kailangan niyang manatiling nakahiga o bed rest. Nagkaroon kasi siya ng pagdurugo at mabuti na lang ay agad na naagapan.
Dahil doon, naghanap si Jeric ng kasambahay na siyang gagawa sa mga gawaing-bahay upang hindi na bumabangon-bangon pa si Sanya.
At dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng mag-asawa: ang panganganak ni Sanya. Sa normal na paraan nagsilang ng isang malusog na sanggol si Sanya.
Halos maiyak si Sanya nang ibigay na sa kaniya ng nurse ang kaniyang sanggol na ikinalong naman kaagad niya.
“Babe, ang guwapo niya… kamukha nga nating dalawa,” sabi ni Jeric sa kaniyang misis.
Makalipas ang dalawang araw ay naiuwi na nga ng mag-asawa ang kanilang malusog na sanggol.
Talagang grabe rin ang sakripisyo ni Jeric dahil kahit galing siya sa trabaho ay talaga namang hinahanapan niya ng oras na maalagaan o makarga man lamang ang kanilang anak, na binigyan na nila ng pangalan na ‘Kyle’.
Hindi iniinda ni Jeric kung mapupuyat man siya sa pag-aalaga kay Baby Jacob. Ang mahalaga sa kaniya ay nakakatulong siya sa kaniyang misis na si Sanya para sa pag-aalaga sa kanilang unang supling.
Ngunit may napapansin si Jeric kay Sanya.
Simula nang umuwi sila sa bahay ay napapansin niya na may mga sandaling napakalungkot nito. Minsan pa nga, bigla-bigla na lamang umiiyak. Kapag tinatanong naman, sasabihin nito na napuwing lamang.
Lagi rin nitong sinasabing ang pangit-pangit na niya. Pinatanggal nito ang mga salamin sa kanilang kuwarto dahil ayaw umano nitong makita ang sariling repleksyon sa salamin, kahit ang totoo ay ang ganda-ganda pa rin niya at hindi naman talaga pumangit.
Minsan naman, mainit ang ulo at kapag medyo ginabi lamang si Jeric ng uwi ay agad na itong magagalit sa kaniya. Sasabihin nito na baka may babae na siya o may ibang kalokohang ginagawa.
“Aminin mo na sa akin ang totoo, Jeric. Kaya ka madalas na umuuwi nang gabing-gabi na ay dahil may ibang babae ka na! Bakit, porke ba mukha na akong losyang ay gaganituhin mo na ‘ko?” umiiyak na pang-aaway ni Sanya kay Jeric, isang gabi na alas-onse na ng gabi nang siya ay umuwi.
“Ano ka ba naman, Sanya! Hindi ko gagawin ‘yan sa iyo dahil mahal na mahal kita.”
“Eh bakit gabing-gabi ka na umuwi eh hindi ka naman dating ganyan?”
“Nag-oovertime ako, babe, nang sa gayon ay makaipon ako para sa binyag ni Baby Jacob. Syempre ang prayoridad natin ngayon ay pag-iipon para sa kinabukasan ng anak natin. Hindi ko prayoridad at wala sa hinagap ko na ipagpalit ka sa ibang babae.”
Maya-maya, nagulat si Jeric nang bigla na lamang humagulhol si Sanya. Napaupo pa ito sa pag-iyak. Agad naman niya itong nilapitan at niyakap.
“Ano ba ang nangyayari sa ‘yo, Sanya? Hindi ka naman dating ganyan. Ano’ng problema, sabihin mo sa akin.”
“Hindi ko rin alam kung anong problema ko. Bigla-bigla na lang akong nalulungkot. Minsan nagagalit. Minsan pakiramdam ko ang bigat-bigat ng problema ko, Jeric. Hindi ko rin alam kung anong pinagdaraanan ko.”
Kaya minabuti na lamang ng mag-asawa na kumonsulta sa isang espesyalista.
“Post-partum depression ang tawag sa ganyan. Iyan ay tipikal na pinagdaraanan ng ilang mga inang kapapanganak lamang. Mas mainam kung lagi kayong bukas sa isa’t isa upang mapaglabanan mo ito, misis. Malalampasan mo rin ito.”
Makalipas ang limang taon, unti-unti ay nawala na nga ang post-partum depression na naranasan ni Sanya.
Malaki ang pasasalamat niya kay Jeric dahil hindi siya nito sinukuan, o hindi siya sinabayan.
Ipinagpatuloy nila ang pagsasama bilang isang masayang pamilya.