Matapos Kunin ang Modules ng mga Apo sa Paaralan, Personal na Kinausap ng Lolo ang Gurong Tagapayo; Ano Kaya ang Pakay Nito?

Matapos Kunin ang Modules ng mga Apo sa Paaralan, Personal na Kinausap ng Lolo ang Gurong Tagapayo; Ano Kaya ang Pakay Nito?

InspiringStoriesSuccess

“Mga apo, pupunta lamang ako sa paaralan ninyo para kunin ang modules ninyo at makipag-usap na rin sa inyong guro. Huwag na huwag kayong aalis ng bahay at delikado, maliwanag ba?” bilin ni Lolo Pablo sa kaniyang mga apong sina Kyline at Rojhan.

“Opo Lolo Pablo, mag-iingat po kayo,” nakangiting sabi sa kaniya ni Kyline na Grade 3 na.

“Pasalubong po, Lolo Pablo!” wika naman ni Rojhan na nasa Grade 2.

Bago lumarga ay nagsuot muna ng face mask at face shield si Lolo Pablo. Dinala rin niya ang card na magpapatunay na bakunado na siya pananggalang sa virus. Nagdala rin siya ng ID upang ipakita na bagama’t matanda na siya ay wala pa siya sa edad na 60 o senior citizen. Nasa 58 anyos pa lamang siya.

Nagsimula na siyang lumabas ng bahay upang magtungo sa pampublikong paaralan kung saan naroon ang mga gurong tagapayo nina Kyline at Rojhan na namamahagi ng kanilang mga module.

Dahil parehong nagtatrabaho sa malalayong mga lugar ang mga magulang ng apo, si Lolo Pablo na ang tumayong guardian ng mga ito. Noon, siya talaga ang naghahatid-sundo sa mga ito. Ngunit nang dumating ang pandemya at nahinto rin ang pagpasok nang pisikal sa mga paaralan, mas nahirapan si Lolo Pablo dahil kailangan niyang alalayan ang dalawang bata sa kanilang pag-aaral ng module.

Mabuti na lamang at tinutulungan siya ng kanilang kapitbahay kapag kailangan ng internet ng dalawa dahil may computer shop sila. Subalit sa module, hirap na hirap siyang turuan ang mga apo dahil hindi naman siya nakatapos ng pag-aaral.

Kung tutuusin ay may angking talino si Lolo Pablo, subalit hindi niya natapos ang pormal na pag-aaral. Grade 4 lamang ang natapos niya dahil hindi siya pinagsumikapang mapatapos ng kaniyang mga magulang na parehong magsasaka.

Natatandaan pa niya ang laging sinasabi ng kaniyang ama noon.

“Mahalaga sa tao ay marunong bumasa, sumulat at magkuwenta. Magtrabaho ka na.”

Kaya nang marunong na siyang magbasa, sumulat, at magkuwenta, ipinahinto na siya sa pag-aaral. Nang mga panahong ding iyon ay talaga namang mahirap ang buhay, kaya tinanggap na lamang ni Lolo Pablo ang kinahinatnan ng kaniyang kapalaran.

Pagdating sa paaralan, nasa huling pila si Lolo Pablo. Nakuha na niya ang modules ni Rojhan. Talagang sinadya niyang huli ang pagkuha ng modules ni Kyline. Nais niyang makausap ang gurong tagapayo nito.

Mabuti na lamang at si Lolo Pablo ang pinakahuling guardian na kukuha ng module sa gurong tagapayong si G. Lucas.

“Naku, salamat po at kayo pa ang kumuha ng module,” nakangiting sabi ng guro at iniabot na sa matanda ang kompilasyon ng mga modules ni Kyline.

“Salamat po, maestro. Eh, may nais po sana akong ipakiusap sa inyo,” nahihiyang wika ni Lolo Pablo.

“Sige po sir, ano po iyon?” magalang na tanong ng guro.

“Eh, nakakahiya man pong sabihin, ako lang po kasi ang guardian ni Kyline ngayon at ako po ang gumagabay sa kanilang magkapatid sa pag-aaral ng module. Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral. Puwede po ba akong magpaturo sa inyo ng ilang mga detalye sa mga asignatura? Gusto ko pong matuto para hindi po nakakahiya sa mga apo ko kapag tinanong na nila ako sa mga aralin nila,” paliwanag ni Lolo Pablo.

“Ay wala pong problema, sir! Sige po, doon po tayo sa klasrum ko, tamang-tama po, wala na pong kukuha ng modules dahil kayo na po ang panghuli,” nakangiting aya sa kaniya ng guro.

Sumunod naman si Lolo Pablo, naupo sa isa sa mga silya, at buong pusong nakinig sa mga tinalakay na aralin ng guro.

Pagkatapos ng pagtuturo ng guro, mangiyak-ngiyak si Lolo Pablo.

“Sir, ano pong problema? Nahirapan po ba kayong unawain yung mga naituro ko, wala pong problema sa akin kung uulitin ko?”

“Hindi po maestro, naalala ko lang ho noong kabataan ko. Kung maibabalik ko lamang ang aking pagkabata, aba’y mag-aaral talaga akong mabuti at hindi ako sasang-ayon sa pasya ng aking mga magulang na huwag nang magpatuloy.”

“Sir, alam ninyo bilib nga po ako sa inyo. Yung ibang mga magulang at guardians panay reklamo po sa makabagong sistema ng pagtuturo ngayon, pero kayo ho… sa halip na magreklamo kayo, pinili ninyong umupo rito ngayon at makinig sa akin.”

Kaya naman, masayang umuwi si Lolo Pablo. Bukod sa mga dagdag na kaalamang natamo niya, tila may kakaibang sigla siyang naramdaman sa pakikinig kanina sa guro; tila may matagal nang halamang naluluoy na nang madiligan ay handa nang umusbong ulit.

Matapos maturuan sa kani-kanilang mga modules ang mga apo, muling nagsadya si Lolo Pablo sa paaralan.

Naalala niya ang sinabi ng guro sa kaniya.

“Bumalik po kayo rito at tutulungan ko po kayong makapasok sa Alternative Learning System. Hindi pa po huli ang lahat, sir…”

Nakangiting binagtas ni Lolo Pablo ang daan patungo sa paaralan—bitbit ang mahahalaga niyang dokumento, samahan pa ng pangarap at pag-asa!

More Stories