May Nakasanayang Gawain ang Batang Ito sa Tuwing May Dasal Siya sa Panginoon; Epektibo Naman Kaya Ito?

May Nakasanayang Gawain ang Batang Ito sa Tuwing May Dasal Siya sa Panginoon; Epektibo Naman Kaya Ito?

HeartbreakingInspiringStories

Bukod sa cotton candy, isa sa mga laging paboritong ipabili ni Lemuel sa kaniyang tatay ay lobo. Paglabas na paglabas ng kanilang simbahan, marami nang nakaabang na mga tindero at tindera nito.

Hindi naman nangingimi ang kaniyang tatay na bilhan siya ng isa. Laging pula o puting lobo ang madalas na kulay na pinipili niya. Paglalaruan niya ito sa bahay. Kahit na walang-wala na silang pera, binibilhan pa rin siya nito.

“Tatay, kapag ba isinulat ko ang mga dasal ko, itinali sa lobo, at pinalipad sa langit, makakarating ito kay Papa Lord?” tanong ni Lemuel sa kaniyang tatay.

Natawa naman ang kaniyang tatay. Ginugulo ang buhok ng anak.

“Anak, kahit hindi mo na isulat, itali sa lobo at paliparin ito, alam na kaagad ni Papa Lord ang dasal mo—kahit yung mga mumunting bagay na hihilingin mo pa lang at nasa puso mo, alam na Niya kaagad,” sabi ng kaniyang tatay.

“Talaga po, tatay? Ganoon kagaling si Papa Lord?” namimilog ang mga matang tanong ni Lemuel.

“Oo anak. Pero yung sinasabi mo, puwede mo rin namang gawin. Ikaw ang bahala. Malay mo nga at makarating kay Papa Lord nang mas mabilis ang mga dasal mo sa pamamagitan ng lobo.

Kaya mula Lunes hanggang Biyernes, nag-iisip na si Lemuel ng mga bagay na nais niyang hilingin kay Papa Lord.

Gusto niya ng bagong laruan.

Gusto niya ng bagong damit.

Gusto niyang makatikim ng mga bagong pagkain sa fast-food chain na madalas pagkainan ng kaniyang mga kaklase.

Sabado ng gabi, isinisulat na niya ito sa kapirasong papel.

Pagdating ng Linggo, kapag sawa na siya sa lobo, itinatali na niya rito ang kaniyang binilot na papel na kinalalagyan ng kaniyang mga dinadasal-dasal na bagay, at saka niya ito paliliparin.

“Sana po Papa Lord ibigay po Ninyo sa akin ang mga isinulat ko riyan. Sana po makarating sa inyo ang lobo,” laging usal ni Lemuel.

Ngunit dumaan ang isang linggo, dalawang linggo, hanggang sa isang buwan ngunit wala pa ring natutupad sa kaniyang mga ipinagdarasal.

Iniisip ni Lemuel na baka hindi nakakarating sa Diyos ang mga lobong pinakakawalan niya, na kinalalagyan ng binilot na papel.

Kahit na ganoon, patuloy pa rin sa kaniyang ginagawa si Lemuel. Nagbabaka-sakali na isang araw ay matutupad din ang mga mumunting dasal niya sa Diyos; mga mumunti at pambatang dasal na kung tutuusin ay napakasimple lamang.

Isang araw, nagulat na lamang si Lemuel nang pag-uwi niya sa bahay ay nagkakagulo ang kanilang mga kapitbahay sa kanilang bahay.

“Lemuel, ang tatay mo ay nasa ospital. Natapilok siya kanina at hindi makalakad.”

Sinamahan ng isa sa mga mapagmalasakit na kapitbahay nila si Lemuel sa ospital. Umiiyak ang kaniyang nanay. Narinig niya na kailangan daw operahan ang kaniyang tatay, dahil ang sanhi pala ng pagkatapilok nito ay nahilo dahil inaapoy ng lagnat.

May pneumonia raw ang kaniyang tatay kaya kailangan ng agarang gamutan. Walang-wala silang pera.

“Paano kaya ito? Ni pangkain nga sa araw-araw ay salat kami, hindi kasya ang kinikita ko sa pagbabayad pa lang ng mga utang ko,” nairinig ni Lemuel sa sabi ng kaniyang nanay sa kapitbahay nilang naghatid sa kaniya sa ospital.

Gustong tulungan ni Lemuel ang kaniyang nanay subalit ano nga ba ang magagawa ng isang paslit na gaya niya?

Gumana ang isip ni Lemuel.

Kinabukasan, sumulat siya ng isang mahaba-habang dasal para kay Papa Lord. Dahil ubos na pala ang papel na puwede niyang pagsulatan, kumuha siya sa isa sa mga pinaglumaang electric bill nila. Pinagsulatan niya ang bakanteng likod na bahagi nito.

“Dear Papa Lord, kumusta na po Kayo? Sana po maayos po Kayo. Kahapon po ay dinala sa ospital ang tatay ko dahil nahilo po siya. May pneumonia raw po sabi ng doktor. Tapos natapilok pa po siya dahil nga natumba siya. Kahit huwag na po Ninyong ibigay sa akin yung mga hiling kong laruan, damit, at makakain sa fast-food chain. Pagalingin na lamang po Ninyo ang tatay ko, okay na okay na sa akin. Saka, nakita ko po si nanay kanina habang umiiyak. Nalungkot po ako para sa kaniya. Sana po magkaroon kami ng pera pambayad sa ospital. Amen.”

At gaya ng dati, binilot ni Lemuel ang papel na kinasusulatan ng kaniyang munting dalangin, itinali sa lubid ng binili niya, at saka pinalipad ito sa langit.

Umaasam siya na sana ay matupad ang kaniyang mga dasal.

At lumipas ang isang araw.

Ganoon pa rin ang problema ng kaniyang nanay.

Sa pangalawang araw, tila lalong lumalala ang sakit ng kaniyang tatay.

Nalungkot si Lemuel. Tila hindi pinakikinggan ni Papa Lord ang mga dasal niya.

Sa pangatlong araw, nagulat na lamang siya nang may mga taong nagtungo sa bahay nila at hinahanap sila.

“Dito ba nakatira si Lemuel Castro?” tanong ng isang lalaking de-kotse.

“Ako po si Lemuel Castro,” sabi ni Lemuel.

“Ano pong kailangan ninyo sa anak ko?” tanong ng kaniyang nanay.

“Samahan n’yo po ako sa ospital na kinalalagyan ng tatay ni Lemuel at babayaran ko na po ang bills ninyo.”

Kahit nagtataka at gulat na gulat sa mga pangyayari ay sinamahan ng mag-ina ang lalaking de-kotse sa ospital. Habang nasa kotse ay isinalaysay ng lalaki kung paano niya napulot ang liham ni Lemuel. Pumutok pala ang lobo habang nasa himpapawid at masuwerteng nahulog ito sa isang kalsada. Napulot ito ng lalaki habang nagmumuni-muni. Natunton niya ang bahay nina Lemuel dahil sa address na nakalagay sa pinagsulatang electric bill.

Bukod sa hospital bills, ibinigay rin ng lalaki na isa palang mayaman at pilantropo ang mga hiling ni Lemuel na isinulat niya’t inaasam na ibibigay sa kaniya ni Papa Lord, gaya ng bagong laruan, damit, at pagkain sa fast-food.

Makalipas ang isang buwan, tuluyang gumaling ang tatay niya.

“Salamat po Papa Lord! Salamat po!” pasasalamat ni Lemuel sa Diyos dahil sa pagkakatupad sa lahat ng mga dasal na isinulat niya at pinalipad sa lobo.

More Stories