
Kinuyog ng mga Tao ang Isang Binatilyong Nagnakaw sa Botika; Ito na Ba ang Ikasisira ng Kinabukasan Niya?
Naglalakad-lakad si Alberto sa bangketa upang tumingin-tingin ng mga gamit na maaari niyang mabili sa murang halaga nang biglang mapukaw ang atensyon ng lahat sa biglaang pagsigaw ng isang aleng nagtitinda sa isang botika.
“Magnanakaw! Magnanakaw!” halos mapatid ang litid sa leeg ng ale habang humihingi ng saklolo. Wala man itong partikular na taong tinawag, awtomatikong nagsitakbuhan ang mga lalaking nakatambay sa labas, na karamihan ay mga tindero o kargador, at hinabol ang magnanakaw.
Isang binatilyo ang tumatakbo, ito na yata ang pinakamatuling pagtakbong ginawa niya sa tanang buhay niya.
Subalit hindi sapat iyon dahil pitong kalalakihan ang tumugis sa kaniya, mga lalaking mukhang sanay sa haragan at sapakan. Nahablot ng mga lalaki ang magnanakaw at agaran itong kinuyog ng mga tao hanggang sa ito’y mawalan na lamang ng panimbang sanhi ng tinamong suntok, tadyak at hampas mula sa taumbayan.
Agad na nag-umpukan ang mga miron, ang mga usisero at usisera at kaniya-kaniyang bulalas ng reaksyon ang lahat.
“Hayan! Tama lang iyan! Ang kapal ng mukha ng magnanakaw na ito ah,” sabi ng isa.
Turan naman ng isa, “Naku, mukhang bata pa ito ah, kawawa naman. Pero sige, hayaan ninyo ‘yan, may utak na ‘yan, alam na niya ginagawa niya. Alam niyang mali ang ginawa niya pero sumige pa rin. Maraming nagkalat na mga ganyan ngayon.”
“Kulang pa ‘yan! Dapat sa mga ganyan binabalatan nang buhay! Mga walang magawang matino!”
Tiningnan ni Alberto ang binatilyong sinasabing magnanakaw. Napamulagat siya nang mamukhaan ito. Ito ang binatilyong kapitbahay ng kanilang kapitbahay sa kanilang street. Hindi man niya nakakausap ang binatilyong ito, alam niyang mabait at masipag ito. Lagi niya itong nakikitang nag-iigip sa poso ng isa sa mga kapitbahay nila. Ano’ng nangyari? Bakit ito nagnakaw?
Kalunos-lunos ang hitsura ng binatilyo. Maraming pasa sa mukha nito dahil sa pagkakakuyog ng mga tao. Mababagbag ang kalooban ng sinumang makakakita sa kaniya.
Nilapitan ni Alberto ang binatilyo. Sa ngayon, siya lamang ang maaaring magmalasakit sa kaniya dahil kapitbahay niya ito. Lahat ng mga taong nakapaligid sa kaniya ay galit dito.
Narinig niya na may tumatawag na raw ng pulis para hulihin ang binatilyo.
Lumabas ang aleng nagtitinda sa botika. Lumapit ito sa binatilyo at sinampal ito.
“Itong hayop na ‘to! Anong akala mo, ganoon mo lang makukuha ang gamot? Siraulo ka ah! Pag-aabonohin mo pa akong magnanakaw ka, sa kulungan ang bagsak mo ngayon!”
Hindi na nakapagpigil si Alberto. Nangialam na siya.
“S-Sandali lang ho, kapitbahay ko ho kasi ang binatilyong ito. Ano po ba ang nangyari?” tanong ni Alberto.
“Aba, bibili kuno siya ng isang bote ng gamot sa ubo. Nang i-abot ko’y bigla na lamang kumaripas nang takbo! Walang bayad! Palagay ko ay gagamitin niya para mabangag. Ubos na marahil ang rugby niya o kung anuman ang hinihithit niyan!” alegasyon ng tindera.
Umiiyak na ang binatilyo.
“Kapitbahay mo ako. Puwede ko bang malaman ang pangalan mo? Totoo ba ang sinasabi niya tungkol sa iyo?” untag ni Alberto.
“P-Pasensya na po kayo. Kailangan ko lang pong gawin ito dahil may sakit ang kapatid ko. Wala po kaming pambili ng gamot. Awang-awa na po ako sa nanay ko dahil siya lang ang bumubuhay sa amin… janitress po siya sa isang opisina. Hindi ko po kayang makita na dinadalahit ng ubo ang kapatid ko, halos manghina na po siya. Kaya naisipan ko po itong gawin dahil desperado na po ako. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, alam kong mali…” humahagok na paghingi ng paumanhin ng binatilyo. Labis-labis ang pag-iyak nito. Natahimik naman ang mga tao dahil tila naawa sila sa narinig nitong kuwento.
At mukhang totoo naman ito dahil naalala na ni Alberto na narinig niyang nakikipagkuwentuhan ang ina ng binatilyong ito sa kanilang kapitbahay tungkol nga sa sakit ng kaniyang anak, na hindi siya makabili-bili ng gamot.
“Tama po ang sinasabi niya, kapitbahay niya ako. Siguro ganito na lang ho, ako na lang ho ang magbabayad ng mga gamot na kinuha niya, oo mali ang ginawa ng bata, huwag naman natin siyang husgahan. Nagawa lang naman niya siguro ito dahil wala na siyang mapamimilian.”
Binayaran ni Alberto ang dalawang bote ng gamot sa ubo na itinakbo ni Joven, ang binatilyo, batay na rin sa kaniyang pagtatanong dito. Sinamahan na rin niya ito sa presinto nang dalhin na ito ng mga pulis.
Iniurong ng ale ang kaniyang reklamo sa binatilyo dahil binayaran naman ito ni Alberto. Pinagsabihan na lamang ng mga pulis si Joven na huwag nang ulitin ang ginawa niya.
“I-Ipinapangako ko po, hindi na ito mauulit,” umiiyak na pahayag ni Joven.
“Joven, kahit na gaano kahirap ang buhay, huwag na huwag kang gagawa nang masama,” paalala ni Alberto sa binatilyo. Labis-labis naman ang pasasalamat nito sa kaniya.
Simula nga noon ay hindi na inulit ni Joven ang pagnanakaw na iyon dahil sa mga nangyari. Nagpaabot naman ng kaunting tulong si Alberto sa nanay ni Joven upang maipagamot nito ang mga anak. Napakaluwag sa dibdib na may natulungan siyang kaluluwang muntik nang maligaw ng landas.