Nagalit ang Dalagitang Ito sa Kaniyang Tatay Dahil Segunda Manong Cellphone ang Binili Nito Para sa Kaniya; Pagsisisihan Niya ang Lahat

Nagalit ang Dalagitang Ito sa Kaniyang Tatay Dahil Segunda Manong Cellphone ang Binili Nito Para sa Kaniya; Pagsisisihan Niya ang Lahat

FamilyHeartbreakingStories

“Wala ka pa ring cellphone?”

Napatingin ang mga kaklase ni Johanna sa kaniya. Namula naman ang mukha ni Johanna dahil bukod-tanging siya lamang sa mga kaklase niya ang walang sariling cellphone.

“Ah, eh, kuwan… sa makalawa raw ay bibilhan ako ng Daddy ko. Huwag kayong mag-alala, tatalbugan ko ang mga cellphone ninyo!”

“Wow ah, talaga lang ah… medyo mahangin tayo diyan ah!” uyam ng isa niyang kaklaseng si Krizelle na talaga namang may kaya sa buhay.

Kaya naman pag-uwi sa bahay, hindi na mapakali si Johanna. Hindi niya alam kung anong pumasok sa kukote niya para sabihin sa mga kaklase na tatapatan o hihigitan pa niya ang mga pagmamay-aring cellphone ng mga ito. Paano naman niya gagawin iyon eh ni baon nga sa eskuwela ay nagkukulang siya?

Kailangan niyang makagawa ng paraan.

Naisipan niyang puntahan ang kaibigang si Joel.

“Joel, kailangan ko lang hiramin ang cellphone mo. Isang araw lang naman. Ipapakita ko lang sa mga kaklase ko na may cellphone na rin ako para hindi na nila ako tuksuhin. Sige na,” pakiusap ni Johanna kay Joel.

“Ano ka ba naman Johanna? Paano naman ako? Kailangan ko rin ang cellphone ko dahil dito ako nagsasaliksik ng mga kailangan ko sa paaralan. Saka baka magalit ang Papa ko, siya kasi ang bumili nito eh. Bago pa lang ito,” wika ni Joel.

“Sige na… iingatan ko naman iyan at hindi mawawala. Isang araw lang… ipapakita ko lang sa mga kaklase ko na kaya kong makipagsabayan sa kanila. Masasama ang ugali ng iba kong mga kaklase, akala mo kung sinong mga magaganda at mayayaman. Sige na…”

Subalit hindi pumayag si Joel. Nakalabing umalis na lamang si Johanna at bumalik sa bahay.

Pagdating ng kaniyang tatay mula sa trabaho, napansin nito ang pagmamarakulyo ng anak.

“Oh Johanna, ano’ng problema, bakit parang sambakol ang mukha mo? May nangyari ba?”

Sumimangot si Johanna. Tumanaw lamang sa bintana.

“Anak… anong problema mo? Bakit ka nakasimangot? Ayusin mo ang mukha mo at kakain na tayo. Ayokong haharap ka sa grasya na lukot-lukot ang mukha mo.”

“’Tay, kailan mo ba ako bibilhan ng cellphone? Kinakantiyawan na ako ng mga kaklase ko kasi ako na lang daw ang walang cellphone sa amin. Syempre gusto ko ring makisabay sa uso,” pahayag ni Johanna.

“Sige ‘nak gagawan ko ng paraan.”

“Yehey! Salamat po Tatay!” biglang lumiwanag na ang mukha ni Johanna.

Kinabukasan, masayang umuwi ang kaniyang tatay mula sa trabaho.

“Anak, halika at bumili ako ng cellphone para sa iyo.”

Nasasabik na sinalubong ni Johanna ang tatay niya upang makita na ang cellphone na binili nito. Nawala ang kaniyang mga ngiti sa labi nang makitang lumang bersyon ng cellphone ang binili nito sa kaniya—iyong may keypad pa.

“Bakit naman ganyan, Tay? Hindi na po uso ‘yan!” bulalas ni Johanna.

Isang cellphone na nauso noon ang binili sa kaniya ng tatay niya. At mukhang alam na niya kung saan ito nabili—sa palengke lamang, sa mga segunda mano, na galing sa mga nakaw o pulot na cellphone.

“Eh anak, pasensya ka na, ‘yan lang ang nakayanan ng budget ko. Nabili ko nga lang ‘yan sa halagang 400 piso. Sa bangketa ko lang ‘yan nabili,” paliwanag ng kaniyang ama.

“Ayoko ho niyan, nakakahiya! Ano na lamang ang sasabihin ng mga kaklase ko, na cheap ako?”

“Anak, hindi ka cheap, pero mahirap lamang tayo. Iyan ang tatandaan mo. Hindi ka dapat makipagsabayan sa mga kaklase mo na may mga kaya.”

“Iyan nga po ang problema ‘Tay eh. Mahirap tayo. Bakit kasi hindi kayo nag-aral noong kabataan ninyo sa kolehiyo eh ‘di sana, nasa maayos tayong kalagayan ngayon. Hindi sana tayo mahirap!”

Padabog na pumasok si Johanna sa loob ng kaniyang kuwarto.

Huli na para bawiin ni Johanna ang masasakit na salitang binitiwan niya sa kaniyang tatay. Tumahimik na ito. Tila nasaktan ang kalooban. Hindi naman niya magawang lapitan ito dahil nahihiya siya. Huli na rin nang mapagtanto niya na mali na ang mga nasabi niya.

Hanggang sa natulog sila na may sama ng loob sa isa’t isa. Hindi niya kinuha ang cellphone na binili nito para sa kaniya.

Kinabukasan, dahil maaga siyang pumapasok sa paaralan, hindi pa rin sila nagkausap ng kaniyang tatay.

Hindi makapagpokus si Johanna sa kaniyang pag-aaral. Nakokonsensya siya sa ginawa niyang pambubulyaw sa kaniyang tatay. Ang kaniyang tatay na bagama’t hindi nakatapos ng pag-aaral ay masipag naman, mapagmahal, at nagsisikap na maibigay ang mga pangunahing pangangailangan nila.

Kahit na walang-wala na itong pera, sinikap pa nitong maibilhan siya ng kahit na mumurahin at segunda manong cellphone.

Magpapasalamat siya rito mamaya.

Ngunit hindi niya alam, iyon na ang kahuli-hulihang pagkakataon na nagkausap ang mag-ama.

Nabalitaan na lamang niya mula sa isang kapitbahay na nasagasaan si Mang Tony, ang kaniyang tatay, na isang street sweeper.

Ang kuwento’y hinablot daw ng magnanakaw ang cellphone na binili nito—ang mumurahing cellphone na may keypad at regalo sa kaniya. Ganoon daw ang kalakaran ng mga manggagantso. Ipagbibili ang mga nakaw na cellphone sa bangketa, at muli nila itong kukunin sa bumili, sa pamamagitan din ng pagnanakaw.

Hinabol daw ni Mang Tony ang magnanakaw ngunit hindi nito napansin ang isang humahagibis na pampasaherong jeepney. Tumilapon umano ang katawan ng kaniyang kahabag-habag na tatay.

Naalala ni Johanna ang huling eksena ng pag-uusap nila. Hindi man lamang siya nakapagpasalamat sa tatay niya. Hindi man lamang niya nayakap at nasabihan kung gaano niya ito kamahal.

Sising-sisi si Johanna sa mga nangyari subalit hindi na maibabalik ng kaniyang pagpalahaw ang buhay ng kaniyang tatay.

More Stories