
Wala na Raw Pag-asa ang Nanay na Ito na Mapalapit sa Kaniyang Anak Dahil sa Kanilang Kasambahay; Iba Pala ang Sitwasyon Nito
“Hoy, France, ano na? Kailan ka ba magpapat*li? 13 anyos ka na, s*pot ka pa rin!” sigaw ni Jonathan, kaklase ng bata, sabay pang-aalaska nito at tila kinagat ang kaniyang daliri upang magkunwaring natatakot.
“Alaga ko na naman ang pinagdiskitahan niyo! Tumigil nga kayo bago ko kayo patulan!” sigaw naman ni Aling Merry, ang nag-aalaga kay France mula pa noong bata ito.
“Binata na ‘yung alaga niyo, binabantayan niyo pa rin. Baka umiyak pa ‘yan dito tapos magtatago sa saya niyo,” kantyaw pa ni Jonathan sa babae.
“Halika na, France, umuwi na tayo,” sigaw ng babae at hinatak ang alaga niyang mas malaki pa sa kaniya.
“Mareng Merry, bakit sinusundo mo pa ‘yang si France? ‘Di ba nasa hayskul na ‘yan saka matagal ka nang wala sa pamilya nila? Bakit ikaw pa rin nag-aalaga riyan?” tanong ng isang nanay na nakasalubong si Merry na pinupunasan ng pawis si France habang nakayuko lamang ang bata.
“Alam mo naman ang batang ito, sobrang lapit sa puso ko. Parang anak ko na talaga ‘to. Mauuna na kami,” mabilis na sagot ng babae at mabilis na silang umuwi.
Mula nang isilang ang batang si France ay si Aling Merry na ang nag-alaga rito lalo pa nga na may sakit noon ang bata nang iniluwal ito ng kaniyang ina. Kaya kahit may sariling anak ang ale ay mas inuuna nito ang kapakanan ni France.
“Mareng Merry, sabi ko naman sa’yo ay hindi na kailangan sunduin iyang si France, binata naman na iyan. Huwag mo nang i-baby!” inis na komento ni Aling Taling, ang nanay ng bata.
“Hay naku, Mareng Taling, hayaan mo na ako, hindi mo naman ako kailangang bayaran sa ginagawa kong ito. Saka isa pa, ako na rin ang hahanap ng doktor para sa pagpapat*li nitong bunso ko at alam kong hindi mo na naman inasikaso. Ako pa rin talaga ang nakakaalam ng mga tamang desisyon pagdating dito kay France,” yabang na sagot ni Aling Merry sa kaniya.
“Kung makapagsalita ka naman, nanay kaya ako niyang anak ko! Paano ko ‘yan aasikasuhin kung kaunting kibot ay palagi kang nariyan? Ang hirap naman kasi sa’yo, masyado ka nang nanghihimasok sa buhay naming mag-iina,” bulyaw na balik ni Aling Taling sa kaniya.
“Ako na ngayon ang nanghihimasok dahil malaki na ang mga bata? Baka nakakalimutan mo na ako ang kasamang lumaki niyang si France!” walang awat din na sagot niya rito.
“Aba naman, syempre, kailangan kong magtrabaho para mabuhay kami at mabayaran kita noon! Ang sabi ko lang ay alagaan mo ang anak ko, hindi ‘yung agawin mo sa akin ang bata at akuin mo ang pagiging ina sa kaniya,” sagot ni Aling Taling.
“Kahit kailan ay hindi ko tinuruan ‘yang anak mo na hindi ka mahalin, sadyang malapit lang kami ni France sa isa’t isa. Kayo itong mga kulang sa unawa! Ako ang mahal ni France!” natatawang sagot naman ni Aling Merry sa nanay ng bata.
“Tama na po, mommy, tama na,” awat ni France kay Aling Merry at pinauwi na ito. Halos mapunit naman ang puso ni Aling Taling na hindi siya ang unang nilapitan ng kaniyang anak.
“Hanggang kailan ka ba sisiksik doon sa babaeng iyon? Hindi na kita naging anak!” lumuluha pa ring nadatdnan ni France ang kaniyang nanay.
“Anak, parang awa mo naman na. Ikaw na ang lumayo sa kaniya, hanggang kailan ka ba magiging ganyan pagdating kay Merry? Mas mahal mo ba siya sa akin? Ano bang pagkukulang ko sa pagiging nanay sa’yo?” dagdag pa ng kaniyang ina.
Naupo naman sa isang tabi si France at napatingin na lang ito sa malayo. “Anak, ano’ng problema?” tanong ni Aling Taling dito.
“’Ma, mahal na mahal naman po kita. Simula noon hanggang ngayon ay walang nagbago sa pagmamahal ko sa inyo,” malungkot na wika ng binatilyo.
“Pero wala akong magawa kay Aling Merry,” at biglang bumagsak ang luha nito na siyang ikinagulat ng babae.
“Sa tuwing gusto ko na siyang iwasan o gusto ko nang lumayo sa kaniya ay palagi niya akong tinatakot na tatapusin daw niya ang buhay niya kapag ginawa ko iyon. ‘Ma, sa totoo lang sakal na sakal na ako. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko. Sabi niya sa akin, anak niya raw talaga ako. Kasi nakunan daw po siya noon bago niya ako maging alaga at alam niya na noong napunta siya sa pamilya natin ay ako raw po ang kaluluwa ng anak niyang hindi nabuo,” siwalat ng kaniyang anak na napayuko na lamang habang tahimik na umiiyak.
Hindi niya akalain na ito pala ang totoong pinagdaraanan ng bata. Buong akala niya ay sadyang malayo lang ang loob ng kaniyang anak ngunit maling mali pala siya. Ngayon niya rin napagtanto ang mga aksyon ni Aling Merry sa kaniyang anak at bilang nanay ay kaagad niyang sinugod ito para sabihang tigilan na nito si France.
Tanging iyak lamang ang naibalik ni Aling Merry kay Aling Taling saka ito nagmakaawa na huwag ilayo sa kaniya ang bata. Hindi malaman ni Aling Taling kung may sakit ba ang babae sa pag-iisip pero sila na lang ang lumayo ng kaniyang anak upang makapagsimulang muli. Ngayon niya nakita na ibang iba si France. Hindi ito tahimik, hindi ito mahiyain at may sarili na itong boses hindi katulad noon na tahimik lamang sa isang tabi.
Laking pasasamalat na lang ni Aling Taling na lumaki palang naiintindihan ni France ang sitwasyon nila kung bakit hindi siya ang nagpalaki rito noon. May kirot sa puso niya bilang nanay dahil matagal niyang hindi naipaglaban ang anak. Simula noon ay mas naging malapit sila sa isa’t isa na matagal na niyang pinangarap mangyari.