Hindi Nagdalawang Isip ang Magkapatid na Tulungan ang Matandang Pulubing Nagugutom; Malaking Gantimpala Pala ang Naghihintay sa Kanila

Hindi Nagdalawang Isip ang Magkapatid na Tulungan ang Matandang Pulubing Nagugutom; Malaking Gantimpala Pala ang Naghihintay sa Kanila

InspiringMysteryStories

Maagang naulila sa mga magulang ang magkapatid na Elijah at Kokoy kaya sa mura nilang edad ay natuto na silang magbanat ng buto para mabuhay.

Lahat na yata ng trabahong kalye ay nagawa na ng magkapatid pero ang pinakagusto nila ay ang pagtitinda ng mga kakanin gaya ng suman, puto at iba pa.

Sa edad na walong taon ay marunong nang magluto ang panganay na si Elijah at ang paborito niyang lutuin ay iba’t ibang uri ng kakanin. Natutunan niya iyon sa kanilang ina noong nabubuhay pa ito. Tindera noon ng mga kakanin sa palengke ang nanay nila na ito mismo ang gumagawa.

“Wow ang sarap naman ng amoy niyan, kuya!” wika ng bunsong kapatid na si Kokoy.

“Siyempre, basta ako ang nagluto ay talagang masarap. O, tulungan mo akong magbalot niyan ha, at ilalako natin iyan mamaya,” wika ni Elijah.

Tumango naman ang kapatid na agad na ginawa ang ipinaguutos niya.

Nang matapos ay naghanda na sila upang ibenta ang niluto niyang mga kakanin.

“Biko, suman, kutsinta, puto kayo riyan!” sigaw niya.

“Bili na kayo ng kakanin namin, masarap ito na siguradong pati pangalan niyo ay makakalimutan niyo sa sobrang sarap,” sabad naman ni Kokoy.

Marami naman silang suki na palaging bumibili sa paninda nila. Mga bata o matatanda ay gustung-gusto ang kakanin ni Elijah.

“Ang sarap naman nitong biko. Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong lasa,” wika ng isa sa mga kapitbahay na bumili sa kanila.

“Salamat po, Aling Meding! Baka gusto niyong tikman din itong puto, suman, at kutsinta namin?” tanong ni Elijah.

“Sige, pagbilhan mo rin ako ng mga iyan. Pakyawin ko na mga paninda ninyong dalawa,” anito.

Nanlaki ang mata ng magkapatid.

“Naku, salamat po, hulog po kayo ng langit ngayong araw sa amin,” sabi ni Elijah sa ale.

“Ang bait niyo po, Aling Meding. Salamat po,” saad naman ni Kokoy na iniabot ang biniling kakanin ng kanilang kapitbahay.

“Kasi mababait din kayong mga bata. Bukas ay bibili uli ako sa inyo kaya dumaan kayo rito ha?” sabi pa ng ale.

Kaya masayang-masayang umuwi ang magkapatid dahil maagang naubos ang paninda nila.

“Sana palaging ganito ano, kuya? Para palagi tayong may pambili ng pagkain,” sabi ni Kokoy.

“May awa ang Diyos, Kokoy, naniniwala ako na araw-araw nang maganda ang benta natin para hindi na tayo bumalik sa paghahalo ng semento sa construction site. Ayoko na sobra kang napapagod, eh, sakitin ka pa naman. ‘Di bale na ako ang mahirapan huwag lang ikaw,” sagot ni Elijah sa kapatid.

Kinaumagahan, maagang naghanda si Elijah sa pagluluto ng mga kakanin. Maganda ang gising niya dahil nararamdaman niya na magiging maganda uli ang benta nila upang makabili sila ng masarap na pagkain at para may mailaman siya sa kanyang alkansiya. Matagal na siyang nag-iimpok para sa pag-aaral ng kapatid niya. Gusto niya kahit isa man lang sa kanila ay makapagpatuloy sa pag-aaral.

Saktong alas otso ng umaga ay gumayak na silang magkapatid para magtinda. Gaya kahapon ay bumili nga uli sa kanila si Aling Meding ngunit tila nabawasan naman ang mga kustomer nila sa araw na iyon kaya ang iba nilang paninda ay naiwan pa sa bitbit nilang basket.

“Naku, mukhang aalatin tayo ngayon kuya. Hindi nagtuluy-tuloy ang swerte natin,” malungkot na sabi ni Kokoy.

Ngunit hindi pinanghinaan ng loob si Elijah.

“Maaga pa naman eh. Makakabenta pa tayo, tiwala lang, bunso,” aniya.

Sa kanilang paglalako ay may matandang lalaki silang nakasalubong, maya-maya ay tinawag sila nito.

“Mga bata, maaari ba akong makahingi ng inyong paninda. Kahit isang piraso lang? Kanina pa kasi kumakalam ang aking sikmura sa sobrang gutom,” wika nito.

Kahit kaunti pa lang ang benta nila ay hindi nagdalawang-isip si Elijah na bigyan ng makakain ang matanda na sa tingin niya ay isang pulubi.

“Kainin niyo po itong puto, kutsinta at biko ko, lolo. Masarap po ang mga iyan. Sayang nga po at hindi niyo na naabutan ‘yung suman, pinakyaw na po kasi nung mabait naming kapitbahay,” aniya.

“Aba, maraming salamat, hijo. Kaawaan kayo ng Diyos,” sagot ng matanda na hindi na nagpatumpik-tumpik at sinimulan nang kainin ang mga ibinigay niya.

Inabutan naman ng tubig ni Kokoy ang pulubi.

“Ito po ang inumin para hindi po kayo mabulunan,” sabi ng bunsong kapatid ni Elijah.

“Naku, ang bait mo rin, hijo. Salamat ha?” tugon pa ng matanda.

Nang mabusog ay nagpaalam na ito sa kanila ngunit bago ito umalis ay may iniabot ito sa kanila.

“Wala akong maibabayad sa inyong kabutihan kundi itong barya, sa inyo na iyan,” wika ng pulubi.

“Lumang barya? Teka, parang noong sinaunang panahon pa ito, a!” gulat na sambit ni Elijah na nang lingunin ang matanda ay bigla na lang itong nawala.

Alas siyete na ng gabi ay hindi pa rin ubos ang kanilang paninda. Kulang pa ang pera nila na pambili ng pagkain. Napadaan ang magkapatid sa isang karinderya, naisip nilang manood muna ng telebisyon na naroon. Balita ang palabas, ipinapakita ang isang lumang barya na nagkakahalaga raw ng milyon-milyong halaga kaya kung sino man ang nakapagtabi o mayroong hawak na ganoong klaseng pera ay tiyak na magiging instant milyonaryo agad. Nang tingnan nila ang lumang barya na ipinakita sa palabas at ang hawak nilang barya na ibinigay ng matanda ay parehong-pareho kaya kinaumagahan ay ipinakita nila iyon sa bangko at laking tuwa nila nang malamang milyon-milyon nga ang halaga ng baryang iyon. Tinanong pa nga sila kung saan nila nakuha ang ganoong kalumang barya, ang sabi nila ay ibinigay sa kanila ng isang matandang pulubi.

“Diyos ko, mayaman na tayo, Kokoy! Maipagpapatuloy na natin ang ating pag-aaral,” masayang sabi ni Elijah sa kapatid.

“Oo nga, kuya! Magpasalamat tayo dun kay lolo na nagbigay sa atin ng lumang barya, kundi dahil sa kanya ay hindi gaganda ang buhay natin,” sagot sa kanya ni Kokoy.

Sinubukan nilang hanapin ang matandang nagbigay sa kanila ng swerte para mabahaginan din nila ito sa nakuha nilang biyaya ngunit hindi na nila ito nakita pa. Habang buhay nilang ipagpapasalamat sa mahiwagang matanda at sa Diyos ang magandang kapalarang dumapo sa kanila.

Kaya dapat ay hindi nawawalan ng pag-asa dahil ang swerte at magandang kinabukasan ay nakaabang lang sa mga taong may magandang kalooban.

More Stories