Araw-Araw ay Sinusungitan at Pinagagalitan ng Matandang May-Ari ng Panaderya ang Dalagang Utusan; Nang Sumakabilang Buhay ang Amo ay May Malaking Pasabog pa Ito sa Kaniya

Araw-Araw ay Sinusungitan at Pinagagalitan ng Matandang May-Ari ng Panaderya ang Dalagang Utusan; Nang Sumakabilang Buhay ang Amo ay May Malaking Pasabog pa Ito sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

“Kahit kailan ay tat*nga-t*nga ka! Ayusin mo nga ang trabaho mo!” pasigaw na sabi ni Manang Yoling sa utusan niyang si Erika.

Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay palaging napapagalitan ang dalaga ng kanyang among babae. Mula nang pumasok siya bilang utusan sa panaderya ng masungit na si Manang Yoling ay puro masasakit na salita ang ibinabato ng matanda sa kanya na kadalasan ay mura ngunit sa tinagal niya sa poder nito, kailanman ay hindi naman siya pinagbuhatan ng kamay ng amo, hanggang salita lang ito. Sumagi na rin sa isip niya na umalis na sa trabaho pero sayang din naman ang kinikita niya roon. Nagpapadala kasi siya ng pera sa mga magulang niya na nasa probinsya at pampaaral sa sarili niya. Balak niyang bumalik sa kolehiyo kapag nakaipon siya ng sapat kaya wala siyang magagawa kundi ang tiisin ang pag-uugali ng kanyang amo.

Naiintindihan din naman ni Erika ang amo dahil sa katandaan nito. Lampas otsenta anyos na ang matanda na mayroon na ring mga iniinda sa katawan kaya ganoon siguro ang pagtrato nito sa kanya. Pero mayroon talagang mga araw na halos naiiyak na lang siya kapag inatake ito ng pagsusungit.

“Ano ka ba naman? Ang kupad mong kumilos, daming kustomer, o! Tuturuan pa ba kita kung ano ang gagawin mo? T*nta!” inis na sabi ni Manang Yoling nang minsang nakita nito na maraming bumibili ng tinapay pero isa pa lang ang naaasikaso niya.

“Pasensya na po, ma’am. Biglang dagsa po kasi ang mga kustomer. Maaasikaso ko naman po silang lahat,” sagot niya.

“Dapat lang! Alam mo naman na ayokong pinaghihintay ang mga kustomer natin kaya matuto kang bilisan ang kilos mo,” saad pa ng matanda.

Dinig na dinig ng mga kustomer nila ang pamamahiya nito sa kanya kaya nang matapos niyang asikasuhin ang mga ito ay saglit siyang pumunta sa kusina at inilabas ang sama ng loob niya sa pag-iyak.

“Sobra naman siya. Siyempre, mag-isa lang akong utusan niya. Napakasakit magsalita at pinahiya na naman niya ako sa harap pa ng mga kustomer,” hinanakit niya sa isip.

Dapat lang talaga siyang magdamdam dahil siya lang naman ang utusan doon. Bukod sa mga panadero na nagluluto ng mga tinapay ay siya lang ang mag-isang humaharap sa mga kustomer. Nahihiya naman siyang sabihin sa amo niya na magdagdag ng tauhan para may kasama siya, baka sabihin pa nito na nagrereklamo siya.

“Baka mapasama pa kapag humiling ako ng kasama. Napakasungit pa naman ng amo kong iyon. Matandang dalaga kasi at walang pamilya kaya reyna sa pagiging masungit,” wika pa niya sa sarili.

Sa tingin niya kung bakit siya pinagbubuntungan nito ng galit ay dahil malungkot ang buhay nito. Hindi na kasi nakapag-asawa ang matanda, nag-iisa ito sa buhay at walang mga kapatid. Ang mga kamag-anak naman nito ay hindi na alam ng matanda kung nasaan na. Kaya nga minsan sumasagi sa isip niya, paano kaya kung bigla na lang itong magkasakit, sino ang mag-aalaga at mag-aasikaso rito?

“Naku, baka ako? Ako lang naman ang utusan niya rito, eh, walang ibang kasambahay kaya ako lang ang pwedeng umasikaso sa kanya,” sabi niya na napakamot pa sa ulo.

Nagdadalawang-isip nga siya dahil sa sobrang kasungitan ng amo ay hindi niya ito kayang alagaan. Napapa-iyak na nga siya sa ugali nito, paano pa kaya kung nakaratay na ito, siguradong mas magiging masungit at maiinitin ang ulo nito. Baka nga layasan na niya ito kapag nangyari iyon, pero may parte pa rin sa puso niya na nakakaramdam ng awa sa matanda, kung papabayaan niya ito ay hindi naman kakayanin ng konsensiya niya.

Isang araw ay nagkatotoo nga ang nasa isip niya, na-stroke si Manang Yoling at naratay na lang sa higaan nito.

“Ma’am, ito po ang gamot niyo, inumin niyo po muna bago kayo matulog,” sabi niya na may hawak na tabletas at isang baso ng tubig.

“O, Erika, kumusta ang panaderya? Hindi na kita maaalalayan doon kaya ayusin mo ang pag-aasikaso ha? Huwag mo sanang sirain ang tiwala ko sa iyo,” sabi sa kanya ng amo.

Tumango siya.

“Opo, ma’am, ako po ang bahala,” sagot niya.

Hindi naman niya binigo ang amo, kahit mag-isa lang siya ay kinaya niya na patakbuhin ang panaderya. Mas lalo pa ngang lumaki ng kita nila nang ipagkatiwala sa kanya ng matanda ang pamamahala roon.

“Ang sarap sa pakiramdam na nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko. Siguro naman ay wala nang masasabi sa akin si Manang Yoling,” aniya sa isip.

Nang malaman ng matanda na maganda ang takbo ng kanyang negoyo ay tila hindi man lang ito natuwa.

“Huwag kang magpakampante, g*ga ka! Hindi porket maayos ang takbo ngayon ng panaderya ay magiging panatag ka na? Basta ayusin mo pa rin ang trabaho mo,” sambit ng matanda.

Sa sinabing iyon ng matanda ay hindi niya napigilang mapaluha.

“Ginagawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko, ma’am. Hindi naman po ako nagpapabaya,” aniya.

“Hindi pa sapat ang ginagawa mo kaya mas lalo mo pang pagbutihan. Sa iyo nakasalalay ang panaderya ko,” sabi pa ng amo.

Dahil sa sinabi nito ay mas lalong pinagbuti ni Erika. Mas pinatunayan niya kay Manang Yoling ang pananatiling matagumpay ng panaderya nito, na ang mga paninda nilang tinapay ay mas pinasarap at magagandang klase. Mas pinaghusay niya ang pagbebenta sa mga kustomer upang hindi ito bumitiw sa kanila at manghikayat pa ng iba na sa kanila bumili.

Ngunit makalipas ang isang buwan ay binawian ng buhay ang matanda. Nakaramdam siya ng lungkot sa pagpanaw nito dahil matagal din naman niya itong pinagsilbihan. Dahil walang ibang kamag-anak ay siya ang nag-asikaso sa burol at libing ng amo.

Matapos mailibing ay ipinatawag siya ng abogado ni Manang Yoling dahil may huling habilin daw ito para sa kanya. Ang akala niya ay tapos na ang kalbaryo niya sa matanda ngunit hindi pa pala. Ano naman kaya ang habilin nito sa kanya? Sa isip nga niya ay wala na ito, pero parang hindi pa rin siya pinatatahimik.

“Ano po ang huling habilin sa akin ni ma’am?” tanong niya sa abogado.

“Sinasabi rito sa testamento ni Ginang Yolanda Martinez na sa iyo niya iniiwan ang kanyang panaderya. Ibinigay din niya sa iyo ang lahat ng pera niya sa bangko pati na rin ang kanyang bahay at lupa. Dahil wala siyang ibang pamilya ay sa iyo niya ito ipinamana. Ipinaparating din niya sa iyo na malaki ang pagtitiwala niya sa iyo at alam niya na aalagaan at hindi mo papabayaan ang kanyang negosyo at mga ari-arian. Sana ay mapatawad mo raw siya sa lahat ng mga nasabi niya sa iyo noon, paraan lang niya iyon para hubugin ka at sanayin upang ikaw ay maging matagumpay ring negosyante gaya niya,” hayag ng abogado.

Bigla na lamang tumulo ang luha sa mga mata ni Erika sa nalaman niya. Ang lahat pala ng pagsusungit, masasakit na salita at galit sa kanya ng dati niyang amo ay paghahanda pala para sa kanya na kung mawawala ito ay siya ang papalit sa pwesto nito bilang may-ari ng pinaghirapan nitong negosyo. Napakalaki pala ng tiwala nito sa kanya kahit hindi siya nito kadugo at isa lamang hamak na utusan.

“Maraming salamat, ma’am, ‘di po ako makapaniwala. Nangangako po ako na hindi po mawawalan ng saysay ang pagtitiwala niyo sa akin,” sambit niya sa isip habang inalayan ng maikling panalangin ang puntod ng yumaong amo.

Sa tulong na ibinigay sa kanya ni Manang Yoling ay naipagpatuloy ni Erika ang pag-aaral at ‘di nagtagal ay nakatapos siya sa kolehiyo. Sa kanyang pamamahala ay mas lalo pang lumago ang negosyong iniwan sa kanya ng dating amo.

Iba talaga kung maglaro ang tadhana, noon ay isa lamang siyang utusan pero ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante. Salamat kay Manang Yoling na nagtiwala sa kanyang kakayahan.

More Stories