
Buhat nang Malamang Nag-asawa pala sa Ibang Bansa ang Ina ay Malaki ang Ipinagbago ng Binata; Isang Pangyayari ang Magpapabalik sa Kaniyang Katinuan
Araw-araw ay hindi nagmintis ipanalangin ni Aling Imelda ang mga dasal na tila imposible ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Panalanging dumating ang araw na magbabago ang nag-iisa nitong anak na si Paul. Panalanging bumalik ito sa pagiging dating mabuting anak o kahit pa bumalik na lang ang katinuan nito.
“Pahingi nga akong pera d’yan, inay!” bungad ni Paul na kauuwi lang. Matapos ang dalawang araw ay ngayon lamang ito muling nasilayan ni Aling Imelda at iyon pa ang isinalubong nito sa kaniya.
“Saan ka naman nanggaling, anak? Dalawang araw kang hindi umuwi,” mahinahong sabi naman ni Aling Imelda sa anak habang nagpupunas ng kamay para bigyan ito ng pera, kahit na siya man ay kapos din.
“Wala ka nang pakialam,” pabalang namang sagot ni Paul habang nagbibihis ng damit.
Natahimik si Aling Imelda. Siya pa mismo ang nahihiya sa anak. Tahimik lamang nitong kinuha ang isang daang piso saka iniabot sa binata. Tinanggap naman ito ni Paul ngunit nang buklatin ito’t makitang isang daan lang ay agad na kumunot ang noo nito at naiiritang tumingin sa ina.
“Wala na rin kasi akong pera, ’nak. Magbabayad pa ako ng kuryente’t tubig,” paliwanag ni Aling Imelda.
Pumalatak ang binata. “Napakawalang kwenta! Hindi man lang makabibili ’to ng isang litro ng alak! Paanong wala kang pera, eh, may kinakalantari kang may pera? Huwag na nga. Bahala ka sa buhay mo,” dagdag pa nito bago nagmamadaling lumabas saka padabog na sinara ang pinto ng bahay.
Napayakap na lang si Aling Imelda sa damit na ibinato sa kaniya ng anak habang tahimik na lumuluha. Simula nang bumalik siya sa Pilipinas galing sa South Korea ay ganito na ang naabutan niyang Paul. Malayong-malayo sa Paul na kinakausap niya noon sa telepono. Noon ay masaya’t tila nasasabik pa ito sa tuwing tatawag siya para makipag-video call sa anak. Pero bigla itong nagbago. Wala pang isang taong nakauwi siya ng ‘Pinas ay bigla na lamang hindi makontrol ang disi-otso anyos na anak. Kung kailan naman nakauwi na siya para bumawi rito, saka naman nagkaganoon si Paul.
Bumalik sa ulirat si Aling Imelda nang marinig ang pagtunog ng cellphone. Kaagad niyang pinunasan ang luha at sinagot ang tawag.
“Are you crying?” tanong ng lalaki sa kabilang linya.
“N-no, i-it’s nothing,” palusot naman ni Aling Imelda.
Katawagan nito ang asawang si Kim Ji Won na ipinakilala niya kay Paul bago siya umuwi sa Pilipinas. Matagal niya nang ka-live in ito sa South Korea ngunit hindi pa rin sila nagpapakasal. Isa rin itong Koreano at sa totoo lamang ay mayroon na silang isang anak na lalaki na hindi naman nalalayo ang edad kay Paul. Pinili niya lamang iwan ang pamilya sa ibang bansa para uwian ang nag-iisang anak na naiwan sa Pilipinas.
“You and your son fought again?” hula ng asawa.
Dahil sa sinabi ng asawa ay bigla na lamang napahagulgol si Aling Imelda. Ganito ang laging sitwasyon ni Aling Imelda tuwing mag-uusap sila. Hindi maiwasang hindi maawa ni Ginoong Ji Won tuwing makikitang humahagulhol ang asawa at hindi man lamang ito mahawakan para aluin.
Palaging ganoon ang sitwasyon nilang mag-ina. Uuwi si Paul para humingi ng pera at kapag nabigyan ay bigla na lamang mawawala. Minsan ay umuuwi pa itong may mga pasa at sugat dahil sa rambulan o kung minsan ay lasing pa. Gusto siyang gamutin ni Aling Imelda. Gusto niya rin itong kausapin ngunit wala itong pakialam.
Hanggang sa isang hapon nang umuwi si Paul ay naabutan niya ang ina na nakahiga sa sahig. Akala nito ay nagbibiro lamang ang ina ngunit nang hindi ito gumalaw matapos ang walang hanggang pagdadabog niya ay nagsimula na siyang kabahan.
“’Nay?” tawag nito saka lumapit kay Aling Imelda.
Ganoon na lamang ang gulat nito nang mapansing tila hindi humihinga ang ina! Kaagad niya itong binuhat at dinala sa pinakamalapit na ospital at ganoon na lamang ang panlulumo niya nang malamang malubha ang sakit nito! Hindi niya akalaing may taning na pala ang buhay ng kaniyang ina, kaya naman umuwi ito ng ‘Pinas upang makasama siya! Labis ang naging pagsisisi ni Paul dahil sa nalaman, lalo pa nang malaman niyang himala na lamang ang makapagpapagaling sa ina!
Simula noon ay bumawi siya rito. Ipinaramdam niyang muli ang pagmamahal na dapat ay hindi niya inalis dahil lamang nagkaroon ito ng pamilya sa ibang bansa. Kailanman ay hindi naman ito nagkulang sa kaniya, dahil magkaganoon pa man ay hindi naman siya nito pinabayaan.
Tuwang-tuwa naman si Aling Imelda nang makita ang pagbabago ng anak. Lalo na nang isang araw ay bigla siyang sorpresahin nito. Hindi niya akalaing pinakiusapan pala ni Paul ang asawa niyang Koreano upang umuwi ng ‘Pinas at dito na lang manirahan kasama ang kapatid ni Paul!
Dahil doon ay isang himala ang naganap… sa isang iglap ay biglang gumaling sa kaniyang karamdaman si Aling Imelda at ngayon ay mas mahaba na ang panahon upang maging buo ang kaniyang pamilya!