Ipinanganak na Lumpo ang Batang Ito Gayunpaman ay Nagtataglay Siya ng Kakaibang Talino; Hahadlangan naman Ito ng Mapanghusgang mga Tao

Habang tulak nang marahan ng ina ang upuang de gulong ni Lila papunta sa kaniyang silid-aralan, maraming mata ang nakatingin sa kaniyang kalagayan. Halu-halo ang mababasa sa kanilang mga tingin. May naaawa, nagugulat, nagtataka, at ang hindi maiiwasan, ang panghuhusga.

Simula pagkabata, hindi nabigyan ng tiyansa na makalakad si Lila dahil sa sakit nito sa buto. Dahilan upang sa loob ng labintatlong taon ay naroon lamang siya sa kaniyang upuang de gulong. Ngunit hindi ito naging hadlang upang hindi niya tuparin ang kagustuhan niyang makatuntong sa eskuwelahan at makapag-aral.

Hindi na lamang niya pinansin ang tingin ng mga estudyante. Palibhasa ay unang araw niya ngayon sa hayskul, alam niyang hindi maiiwasan na pagtinginan siya ng mga tao. Sanay na siya sa ganoong mga tingin. Inasahan niya na ang bagay na iyon.

Lumingon siya sa kaniyang inang si Carmen, tingin na parang nagsusumbong at natatakot. Nginitian lamang siya ng kaniyang ina at tinapik ang kaniyang balikat na para bang sinasabi nitong magiging maayos din ang lahat at huwag siyang matakot. Huminga siya nang malalim at yumuko na lang si Lila para hindi niya na makita ang mga estudyante na nakatingin sa kaniya.

Dahil kailangan pang umakyat sa pangalawang palapag upang makarating si Lila sa kaniyang silid, walang alinlangan na kinuha siya ng kaniyang ina sa upuang de gulong at binuhat kahit pa nagdadalang tao ito. Isang guro naman ang nagmagandang loob na kunin ang kaniyang upuan at dalhin paakyat kasunod nila. Ang unang araw niya sa eskwelahan ay mistulang naging walang hanggan sa kaniya dahil sa mga natatanggap niyang tingin. Wala siyang nagawa kundi yumuko at manahimik.

Tatlong araw ang lumipas at napagpasiyahan na ilipat ang kanilang silid sa unang palapag dahil hindi pwedeng magpatuloy ang ganoong sitwasyon ni Lila at ng kaniyang inang nagdadalantao. Hindi nila pwedeng hayaan na mahirapan sila o hindi kaya’y maging resulta ng pagkalaglag ng batang nasa sinapupunan ni Carmen.

Matalino si Lila, madalas siyang sumagot sa klase. Pero hindi nakakatakas sa pandinig niya ang mga pabulong na komento ng kaniyang mga kamag-aral.

“Bida-bida.”

Advertisement

“Sa talino bumabawi kasi lumpo.”

“Matalino nga, hindi naman makalakad.”

Pinilit niyang manahimik at huwag na lamang pinatulan ang lahat ng kaniyang naririnig. Sa isip niya, hindi niya kailangang magpaapekto dahil alam niyang kaya niyang patunayan ang sarili niya kahit pa lumpo siya o hindi makalakad. Nasasaktan siya kasi totoo iyon kaya wala siyang magawa kundi tahimik na lamang na umiyak sa bisig ng kaniyang ina, oras na makauwi sila o hindi naman kaya ay magdamag siyang iiyak sa kaniyang kuwarto.

Isang umaga, habang naghahanda siya upang pumasok at kasabay niyang kumakain ang ina, naisipan niyang tanungin ito tungkol sa bagay na matagal nang gumugulo sa kaniyang isip.

“’Ma, hindi ka ba napapagod na alagaan ako?”

Napatigil ang kaniyang ina sa pagkain at tumitig sa kaniya saka bumuntong-hininga ito at ngumiti nang tipid.

“Napapagod, pero hindi ako sumusuko para sa iyo. Hinding-hindi ko maiisipang sumuko dahil nakikita kong nagsisikap ka. Nasa ganiyan ka mang kalagayan, ipinagpatuloy mong lumaban. Malakas ka, kaya’t dapat ay malakas din ako.”

Ang mga salita ng kaniyang ina ay naging dahilan pa upang mas maging matatag siya. Hinayaan niya ang lahat ng kaniyang naririnig mula sa iba at ipinagpatuloy ang mga ginagawa niya. Nag-aral siya lalo nang mabuti. Ang mga masasakit na salitang naririnig niya ay ginawa niyang motibasyon upang lalong magsikap.

Advertisement

“Lila Dela Cruz M., nagkamit ng unang karangalan, pinakamahusay sa Ingles, Matematika, Filipino, Sining, at Araling Panlipunan. Nagkamit ng unang karangalan sa Malikhaing Pagsulat. Nagkamit ng natatanging karangalan mula sa gobernador…”

Nagtuloy-tuloy pa ang pagtawag sa pangalan ni Lila para sa iba’t ibang karangalan na kaniyang nakuha. Walang tigil sa pagbuhos ng luha si Carmen dahil sa sobrang paghanga sa anak. Napuno ng palakpakan ang buong eskwelahan mula sa mga estudyanteng hindi napigilang humanga sa kaniya. Hinayaan niyang ang kaniyang tagumpay ang mag-ingay para sa kaniya at hindi nagpaapekto sa mga tao sa kaniyang paligid.

Ang mga panghuhusga ay magandang gawin upang motibasyon sa buhay upang mas lalong magsikap at patunayan ang sarili na kahit ano mang salita ang marinig, hindi ka babagsak. Para kay Lila, kailanman ay hindi magiging hadlang ang kaniyang kapansanan sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap, dahil sa buhay, panalo ang taong sumusubok at lumalaban.