Inday TrendingInday Trending
Mukhang Hindi Tapat ang Kaniyang Kasintahan; Ano ang Gagawin Niya sa Oras na Sumambulat ang Katotohanan?

Mukhang Hindi Tapat ang Kaniyang Kasintahan; Ano ang Gagawin Niya sa Oras na Sumambulat ang Katotohanan?

“Mahal, ano’ng ginagawa mo?” kuryosong usisa ni Diane sa nobyo niyang si John matapos niyang mapansin na panay ang ngisi at hagikgik nito habang nagtitipa sa cellphone.

Nang hindi ito sumagot ay lumapit siya. Akmang dudungawin niya ang cellphone pero mabilis nitong iniwas at inilayo iyon mula sa kaniya.

“Ano ka ba naman! Bakit mo tinitingnan?” tarantang tanong nito. Medyo mataas ang boses at may bahid ng inis sa tono.

“Grabe ka naman. Sinilip ko lang dahil parang ang saya-saya mo riyan. Bakit galit na galit ka naman masyado? Baka naman may ginagawa ka talagang kalokohan diyan!” nagdududang saad niya.

Tila mas lalo itong nainis dahil sa narinig.

“’Wag mo nga akong pagbintangan!” naiiling na wika nito saka ibinulsa ang cellphone.

“Sa susunod, ‘wag mong pakialaman ang mga gamit ko nang basta-basta. Alam kong may relasyon tayo, pero irespeto mo naman sana ang privacy ko. May limitasyon ako sa pakikialam sa’yo, sana ikaw rin, ganoon sa akin,” litanya nito bago inis na iniwan siya.

Natahimik siya, takang-taka sa naging asta nito. Nitong mga nakaraang araw kasi, napansin niyang may kakaiba sa lalaki.

Abala ito lagi sa cellphone, palaging may kausap. Madalas din itong umalis nang walang paalam. Kapag tinanong niya ito, kasama lang daw nito ang mga kaibigan.

Sinubukan na rin niya itong tanungin kung may problema ba ito, gusto niya kasing hangga’t maaari ay walang lihim sa relasyon nila. Pero wala naman daw at maayos ang lahat ang naging sagot nito.

“Hindi, hindi nakakabuti ang pagdududa,” sa loob-loob niya. Magtitiwala siya sa nobyo dahil alam niya na hindi siya nito sasaktan.

Isang araw ay naabutan niya na may tumatawag sa cellphone nito. Sinagot niya ito para sabihin na abala pa ang lalaki, at boses ng isang babae ang narinig niya.

Nagalit ang lalaki nang usisain niya ito tungkol sa nangyari. Bumalik na naman sila sa dati nitong litanya.

“Kasi sabi ko sa’yo, ‘wag mong pakialaman ang cellphone ko!” galit na angil nito.

Nag-sorry na lang siya para hindi na lalo pang gumulo, pero magmula noon ay palihim niya na itong inoobserbahan. Habang tumatagal ay mas lalong lumalaki ang pagdududa niya na niloloko siya ng nobyo. Subalit wala siyang ebidensya.

Kinabukasan, binisita siya ng isa sa mga kaibigan niya na si Sophia. Tila napansin agad nito na meron siyang problema.

“May nangyari ba?” tanong nito.

Napabuntong-hininga na lang siya. Palibhasa matagal na silang magkaibigan, kilalang-kilala talaga siya nito. Hindi na rin siya nagdalawang isip na sabihin dito ang hinala niya.

Nang matapos siya magkwento ay napabuntong hininga na lang ito.

“Diane, sorry ha, pero sa tingin ko, tama ka na may ibang babae si John,” komento nito.

Nilingon niya ang kaibigan.

“Kasi noong isang araw, nakita ko siya sa mall na may kasamang matangkad na babae. Akala ko namamalikmata lang ako, pero hindi. Hindi ko sinabi sa’yo kasi baka naman kamag anak lang,” kwento nito.

Saglit itong huminto, tila nagdadalawang isip na magpatuloy.

“At saka wag kang magagalit pero noon pa man, napapansin ko na talagang malikot ang mata niya. Malagkit tumingin sa ibang babae, kahit na nga sa akin. Syempre hindi ko pinansin baka masyado lang akong nag-iisip ng kung ano-ano hanggang sa tinext niya ako noong isang araw, kasi gusto raw niyang makipagkita sa akin,” kwento nito at pinakita pa sa kaniya ang cellphone na naglalaman ng mga mensahe.

“Alam kong hindi maganda ang intensyon niya. Ang sabi niya, pwede naman naming isikreto. Syempre hindi ako pumayag, pero nakokonsensiya pa rin ako kaya pumunta na ako rito para kausapin ka,” nakayuko nitong litanya.

Hindi siya makapaniwala sa nalaman. Kahit pala mayroon ng hinala, iba pa rin kapag nakumpirma na ang totoo. Hindi niya akalaing talagang niloloko siya ng nobyo, wala man lang siyang kaalam-alam.

“Ano’ng plano mo? Makikipaghiwalay ka na ba sa kaniya?” usisa ni Sophia.

Napangisi siya nang may maisip.

“Oo. Hindi ko na kayang makisama pa sa mga manloloko. Pero bibigyan ko muna siya ng leksyon!”

Isang plano ang nabuo nilang magkaibigan. Nagpanggap siyang ibang babae na may gusto rito. Sa text sila nag-uusap kaya mas naging madali sa kaniya na pekein ang lahat. Hindi naman sila nahirapan na hulihin ang kiliti nito, at gaya ng inaasahan nila, agad-agad itong kumagat sa pain.

“Pwede bang magkita na tayo? Ilang linggo pa lang kita nakakausap pero gustong-gusto na kita agad. Kaso wala man lang akong ideya kung anong itsura mo,” tanong nito na ikinangisi niya. Oras na para isagawa ang ikalawang yugto ng plano.

Agad siyang pumayag sa gusto nito.

Sabik na sabik ang lalaki sa araw na iyon, walang kaalam-alam na pinlano niya lang ang lahat.

Nagsuot siya ng ibang klase ng damit pati na rin peluka para hindi agad siya makilala nito. Maaga siyang nagpunta sa lugar na napagkasunduan. Maya-maya lang rin ay dumating ito at agad lumapit sa kaniya. May dala pang teddy bear ang hudas, akala mo kung sinong matino!

“Danica? Ikaw ba si Miss Danica?” tanong nito, ni hindi siya namukhaan.

Isang matamis na ngiti ang binigay niya. Nagkwentuhan sila tungkol sa kung ano-ano hanggang sa maisipan niyang tanungin ito.

“Sigurado ka bang wala kang girlfriend? Baka mamaya meron pala at niloloko mo lang kami pareho,” pasaring niya.

“Wala akong iba. Ikaw lang naman ang gusto ko,” walang gatol nitong sagot.

Iyon na ang hangganan ng pisi ni Diane. Tumayo siya saka dahan-dahang tinanggal ang peluka para magpakilala.

“Diane? Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit ka nandito?!” lito at namumutla nitong tanong.

“Nagulat ka ba? Alam ko na ngayon ang panloloko mo sa akin at hindi ko kayang palampasin na lang kaya pinlano ko ‘to. Gusto ko kasing maramdaman mo kung paano lokohin ng ibang tao,” nakangisi niyang sagot.

“At tama ka, wala ka naman talagang nobya dahil mula ngayon, hiwalay na tayong dalawa at ayaw na kitang makita kahit kailan!” galit niyang sigaw. Bahala itong mapahiya! Tutal ay makapal naman ang mukha nito.

“Hindi! Hindi pwede! ‘Wag mo kong iwan! Hindi ko na uulitin!” pakiusap nito, halos maglumuhod, ngunit buo na ang desisyon niyang iwan ito.

“Sana naisip mo yan bago ka nagloko,” malamig na wika niya bago siya walang lingon-likod na naglakad palayo.

Mahal niya man ang nobyo ay wala siyang maramdamang pagsisisi dahil pinili niya ang sarili. Kung naloko siya nito ngayon, paano pa sa susunod?

Mas mabuti nang wakasan ang pekeng pagmamahalan nang maaga kaysa magbulag-bulagan at magdusa kapag nakatali na sila sa isa’t isa!

Advertisement