
Nilayasan ng Anak ang Ginang; Nakahanap Siya ng Bagong Anak sa Katauhan ng Mabait na Kapitbahay
Hapong-hapo si Connie habang naglalakad. May kabigatan kasi ang pinamili niya mula sa kalapit na palengke.
Malayo-layo pa ang bahay nila. Pwede naman sana siyang mag-traysikel, ang kaso ay inatake siya ng kakuriputan kaya naglakad na lang siya.
Nagulat na lang siya nang isang dalaga ang sumulpot sa harapan niya. Pamilyar ang mukha nito. Hindi niya lang masabi kung saan niya ito unang nakita.
“Tulungan ko na po kayo!” nakangiting sabi nito bago kinuha ang ilan sa mga bitbit niya.
“Naku, hija, nakakahiya naman…” aniya sa estranghera.
Umiling ito.
“Naku, hindi po! Papunta rin po ako sa direksyon ng bahay niyo,” anito.
Nagulat siya sa tinuran ng dalaga. Paano nito nalaman ang bahay nila, gayong hindi niya naman ito kilala?
“Paano mo naman nalaman kung saan ako nakatira, hija?” nagdududang usisa niya. Naalala niya kasi ang mga napapanood niya sa TV. Aba, baka mabudol siya!
Maagap naman itong nakasagot.
“Hindi n’yo po ba ako namumukhaan? Ako po ‘yung lumipat sa tapat ng bahay n’yo noong nakaraang linggo,” paliwanag nito.
Noon luminaw sa isip ni Connie kung bakit pakiramdam niya ay nakita niya na ang dalaga.
“Ah! Ikaw pala ang bago naming kapitbahay! Pasensya ka na, hija. Alam mo naman, kapag nagkakaedad na, nagiging makakalimutin,” natatawang wika niya.
Tila naaaliw na ngumiti ang dalaga.
“Wala pong kaso ‘yun,” anito bago nagpatiuna na sa paglalakad.
Mabilis niyang nakagaanan ng loob ang dalaga na nagpakilalang si Chelsea. Mabait kasi ang dalaga at nakakaaliw kasama. Madalas niya itong yayain sa bahay, lalo pa’t madalas ay siya lang mag-isa sa bahay sa t’wing nasa trabaho ang asawa niya, na isang pulis.
Kung minsan naman ay doon sila nakatambay sa bahay ng dalaga.
“Salamat, hija. Salamat dahil may nakakausap na ako kahit paano. Alam mo, ang gaan-gaan ng loob ko sa’yo. Para na kitang anak. Naku, kung tipo ka lang ng anak ko, irereto na kita, eh!” biro niya sa dalaga isang araw.
“Gwapo po ba? Hindi po ako tatanggi!” ganting biro naman ng dalaga, dahilan upang sumabog ang malakas nilang halakhakan.
Ngunit maya-maya ay nag-usisa rin ang dalaga. May mababakas nang kaseryosohan sa mukha nito.
“Pero Tita, bakit hindi niyo na nakikita ang anak n’yo?”
Natahimik siya. Sa totoo lang ay ayaw niyang pinag-uusapan ang anak niyang si Carlo. Ngunit may tiwala naman siya kay Chelsea kaya sa huli ay napakwento na rin siya.
“May anak ako, si Carlo. Pero umalis siya sa bahay, limang taon na. Hindi kasi matanggap ng asawa ko na b*kla siya.”
Napayuko si Chelsea. Hinawakan nito ang kamay niya nang mahigpit.
“Ang sama-sama ng loob ko sa asawa ko, hija. Bakit hindi niya matanggap na hindi lalaki ang anak ko? Wala naman siyang ginagawang masama. Ang bait-bait ng anak ko,” naiiyak na kwento niya.
“Umalis siya sa bahay namin at hindi na nagpakita pa. Hindi ko nga alam kung kumusta na ba si Carlo!” tuluyan na siyang napaiyak. Iyon kasi ang kalbaryo na pinagdaraanan niya bilang isang ina.
“‘Wag na po kayong umiyak, Tita. Sigurado po ako na nag-iipon lang ng lakas ng loob si Carlo na bumalik sa bahay niyo…” anang dalaga.
“Sana nga, hija. Sana nga. Miss na miss ko na ang anak ko.”
Hindi nagsalita si Chelsea, ngunit hinaplos nito ang likuran niya.
“Kumusta na po kayo ng asawa n’yo, Tita? Maayos naman po ba ang lagay n’yo, kahit na wala si Carlo?” maya-maya ay usisa ng dalaga.
Tumango siya at napangiti.
“Maayos naman kami, hija. Noong una ay galit na galit ako sa asawa ko. Pero alam ko na pinagsisisihan niya rin ang mga nasabi niya kay Carlo noon. Madalas nga ay nakikita ko siyang nakatingin sa picture ni Carlo at umiiyak,” kwento niya.
Nang hindi sumagot si Chelsea ay nilingon niya ito.
Nanlaki ang mata niya nang makitang ito naman ang umiiyak.
“Naku, hija! Masyado bang madrama? Sorry!” nabibiglang bulalas niya.
Umiling ang dalaga habang nagpupunas ng luha.
“Hindi po, Tita. Namimiss ko lang ang magulang ko. Matagal na rin po simula noong huli ko silang makita.”
Niyakap niya ang dalaga.
“Umuwi ka na, hija. Sigurado ako na hinihintay ng mga magulang mo ang pagbabalik mo.”
Siniguro ni Connie na hindi na umiiyak si Chelsea bago siya nagpaalam na uuwi na. Narinig niya na kasi ang pagparada ng sasakyan ng asawa niya. Sigurado siya na hinahanap na siya nito.
Ngunit bago siya makalabas ay may sinabi si Chelsea.
“Tita, pwede ko po bang makilala ang asawa niyo? Hindi ko po pa kasi siya nakikita simula noon…” anito.
Nagtataka man ay pumayag siya.
“Oo naman. Sa amin ka na kumain ng hapunan,” nakangiting paanyaya niya sa dalaga.
Nang dumating sila sa bahay ay naroon na nga ang asawa niya. Tama siya, hinahanap na nga siya nito.
“Saan ka naman nagpunta at hindi kita mahagilap–”
Napatigil ito sa paglilitanya nang makita ang bisita sa likuran niya.
“Rey, si Chelsea. Kapitbahay natin,” pagpapakilala niya.
Nagtaka siya nang makita ang pagkatigagal sa mukha ng asawa niya. Bago pa siya makapagsalita ay nakalapit na ito kay Chelsea.
Sa gulat niya ay niyakap nito ang dalaga!
Takang-taka siya sa inasta ng asawa. Ngunit mas nakagugulat ang sumunod na nangyari—dahil yumakap pabalik si Chelsea! Nag-iyakan ang dalawa habang mahigpit na magkayakap.
Nakapamewang na minasdan niya ang dalawa habang gulong-gulo.
“Papa…” anas ni Chelsea.
“Anak, bakit ngayon ka lang umuwi?” tanong ni Rey sa dalaga.
“Natakot po ako. Natakot po ako na itakwil n’yo ako…” umiiyak na sagot ni Chelsea.
“Paano ko itatakwil ang anak ko? Walang ama na gagawa noon, anak. Nagulat lang ako, pero tanggap kita…” paliwanag ng lalaki.
Sa gilid ay labis ang pagkagulantang ni Connie. ‘Di yata’t may kabit anak sa labas pa ang asawa niya?
Ngunit bago pa siya makapagsalita ay si Chelsea naman ang yumakap sa kaniya. Walang patid itong umiyak sa balikat niya.
“Mama. Ang sabi mo umuwi na ako. Ito, umuwi na ako…” bulong nito.
Nanigas siya sa pagkagulat. Isang tao lang ang maaaring magsabi noon.
“Carlo, anak?” gulantang na bulalas niya.
“Chelsea,” pagtatama ng asawa niya.
Nang humiwalay ito sa pagkakayakap ay gulat na hinarap niya ang dalaga.“Anak ko? Ikaw nga ba talaga ‘yan?” naluluhang paninigurado niya.
Tumango ito.
“Aba! Hindi kita nakilala. Ang ganda-ganda mo!” natutuwang papuri niya.
Bumaling siya sa asawa.
“Paano mo nalaman na siya ang anak natin?” takang usisa niya sa asawa. Malayong-malayo kasi ang itsura ni Chelsea, na isang babae, kay Carlo.
Ngumiti ito bago inakbayan ang dalaga.
“Lukso ng dugo. At ang mga mata niya. Sigurado ako na siya ang anak natin.”
Muling tumulo ang luha ni Connie. Kaya naman pala pamilyar sa kaniya ang dalaga, at ang gaan-gaan ng loob niya rito!
Galak na galak niyang minasdan ang mag-ama niya. Tila walang limang taong pagitan ang dalawa. Sa isang iglap ay bumalik ang dating samahan ng dalawa.
Wala na siyang mahihiling pa. Sa wakas ay buo nang muli ang kanilang pamilya.