Tinulungan Niya ang Dalagang Gusgusin sa Ukay-ukay na Pinagtatrababuhan Niya, Ano kaya ang Laman ng Bag na Dala nito?

Tinulungan Niya ang Dalagang Gusgusin sa Ukay-ukay na Pinagtatrababuhan Niya, Ano kaya ang Laman ng Bag na Dala nito?

InspiringMysteryStories

Nagkasabay-sabay na ang pagdating ng problema sa buhay ni Paula na ngayo’y talagang nagbibigay ng paghihirap sa kaniya. 

Una, nalugi ang pabrikang pinagtatrababuhan niya dahilan para siya’y mawalan ng ipon at mamroblema kung paano niya tutugunan ang mga bayarin sa kanilang bahay kasama na ang kanilang pangkain. Pangalawa, dahil nga wala siyang perang pambayad sa kanilang mga bayarin, naputulan pa sila ng kuryente na nagbibigay hirap sa kanilang buong mag-anak tuwing gabi. Dagdag pa rito ang pangatlo niyang problema na kahapon lamang nangyari. Inatake ang kaniyang ina na ngayo’y nasa ospital at malala na ang lagay.

Sa lahat ng problemang ito, hindi niya na alam kung paano pa sosolusyunan ang mga ito. Hindi niya mawari kung saan o paano magsisimula. Hindi rin siya makapag-isip nang maayos dahil tila ba kinukurot at nilalapirot ang puso niya tuwing naririnig niya ang daing ng nanay niya sa sakit na nararamdaman. 

Wala na siyang ibang malapitan kung hindi ang Panginoon na lamang. Siya’y taimtim na nanalangin na bigyan siya ng trabaho o kahit anong pagkakakitaan upang kahit papaano ay gumaan ang bigat ng problema niya. 

Tila dininig naman ang panalangin niyang ito dahil kinabukasan, siya’y ginising ng kaniyang tiyahin upang sabihin na naghahanap ng tindera ang malaking ukay-ukay sa palengke. 

Kahit pa alam niyang kakarampot lang ang sahod doon, dali-dali siyang nagtungo at nag-apply bilang tindera. Agad naman siyang tinanggap dahil nga wala ring nag-aapply dito dahil sa liit ng sahod. 

“Bahala na, magtitiwala ako sa Panginoon. Siguradong may maganda siyang plano kaya nilagay niya ako rito,” pangungumbinsi niya sa sarili habang nilalagay sa hanger ang mga damit. 

Sa dami ng taong namimili roon, para ba siyang lagari kung magpalakad-lakad upang matulungan lamang ang mga mamimili. Naagaw ng pansin niya ang isang marusing na dalaga na may malaking bag na dala.

“Magandang umaga po, ma’am, hindi po pwedeng magdala ng bag dito sa loob. Pupwede niyo po bang iwanan ‘yan doon sa baggage counter?” sambit niya rito. 

“Hindi, eh, baka kasi makita noong mga humahabol na kidnapper sa akin. May selpon ka ba? Pwede ba akong makitawag o makigamit ng social media account mo? Magpapadala lang ako ng mensahe sa papá ko,” paliwanag nito na ikinapagtaka niya. 

“Ah, eh, mayroon po akong selpon pero wala po akong load,” tugon niya. 

“Paula! Huwag mong intindihin ang pulubing ‘yan! Matagal na ‘yang nag-iikot dito sa ukay-ukay, naghahanap lang ‘yan ng maloloko!” sigaw ng isa niyang katrabaho dahilan para pagmasdan niya ang mukha ng dalagang tila nagsasabi naman ng totoo. 

“Sige po, ito ang selpon ko. Pagkakatiwalaan kita, ma’am. Madami na po akong problema, huwag mo na pong dagdagan, ha?” pakiusap niya rito saka patagong inabot ang selpon niya rito at nagkunwaring nag-aayos ng mga damit na naka-hanger sa tapat niya.

“Makakaasa ka. Iiwan ko sa’yo ‘tong bag ko para makasiguro kang babalik ako,” bulong nito saka agad na umalis.

 Sa sobrang pagtataka niya kung ano ang laman ng bag nito, kaniya itong binuksan at halos lumuwa ang mata niya nang makitang limpak-limpak na pera ang laman nito.

Doon niya napagtantong totoo nga ang sinabi ng dalaga at agad siyang nagdesisyong tulungan ito hanggang maging ligtas. Kabadong-kabado niyang muling sinarhan ang bag saka ito sinukbit sa likuran niya.

Pagtawanan at pagsabihan man siya ng mga katrabaho roon na buksan o itapon na lang ang bag, hindi niya inintindi ang mga ito. Matiyaga niya lang na hinihintay ang pagbabalik ng dalaga. 

Maya maya pa, bumalik na nga ang dalaga. Pawis na pawis ito at hingal na hingal. 

“Itago mo ako, pakiusap. Nakita ako ng mga kidnapper habang nagpapaload sa tindahan,” sabi nito dahilan para agad niya itong itakbo papunta sa kanilang bahay. 

Pinaligo at pinagbihis niya ang dalaga gamit ang kaniyang damit. Doon na ito nagkaroon ng lakas para ikwento sa kaniya ang nangyari. 

Ito pala ay anak ng isang mayamang negosiyante sa malayong probinsya. Sa kagustuhan ng mga kalaban ng kaniyang ama na malugi ang kanilang negosyo, kinuha siya ng mga ito kapalit ang malaking halaga ng pera. 

Pero mautak ang dalaga, nang magpadala ng pera ang kaniyang ama, tumakas ito kasama ng isang bag ng pera at mga tseke. 

“Kaya nila ako ngayon masusing pinaghahahanap. Hindi ka ba natatakot na baka madamay ka?” tanong nito. 

“Mas natatakot akong may masamang mangyari sa’yo,” sambit niya saka agad na humingi ng tulong sa kanilang barangay. 

Tinugunan naman ng kanilang kapitan ang paghingi niya ng tulong at agad na tumawag ng mga pulis. Kinontak na rin nila ang ama ng dalaga at mga tauhan nito para siya’y sunduin. 

Tila nabunutan siya ng tinik pagdating ng mga pulis at silang dalawa ay nilagay sa mas ligtas na lugar. Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan nang dumating ang tatay ng dalaga lulan ng magarang sasakyan. 

“Nahuli na sila, anak, ligtas na kayo,” balita nito saka kinamayan ang mga pulis at sundalong pinatawag nito. 

Sa sobrang saya at pagpapasalamat ng dalaga sa kaniya, agad siya nitong niyakap at sinabing, “Sa’yo na’ng lahat ng laman ng bag na ‘yan,” na talagang ikinalaki ng mga mata niya, “Hindi ba’t patong-patong ang problema mo? Huwag mo na akong tanggihan!” dagdag pa nito nang makitang aangal pa siya. 

Wala na siyang nagawa kung hindi ang maiyak sa tuwa at labis na magpasalamat dito pati sa tatay nitong pumayag na mapasakaniya ang pera. 

“Utang ko sa’yo ang buhay ng unica hija ko. Bukod pa riyan, pwede ba kitang kuhaning empleyado sa kumpanyang itatayo ko rito sa probinsya niyo?” alok pa nito na agad niyang tinanggap. 

Pagkatapos na pagkatapos ng usapang iyon, agad siyang dumiretso sa ospital upang tingnan ang kaniyang ina. Nilipat niya ito sa mas maayos na silid saka niya sinabi sa doktor na may pera na siya upang maoperahan ito.

Doon na nagsimula ang pag-alwan ng buhay niya. Sinubok man ang pananampalataya, puso, at kabaitan niya, masaya siyang sa huli, tagumpay ang kapalit ng lahat ng ito. 

Habambuhay na tinanaw ng dalagang tinulungan niya ang ginawa niya dahilan para may makaagapay siya sa hirap ng buhay bukod sa kaniyang pamilya.

More Stories