
Nais Niyang Ipagbili ang Kanilang Taniman ng Mais para Maipagamot ang Ama; Ito Pala ang Makapagpapayaman sa Kanila
Madaling araw pa lang, bumangon na ang binatang si Joel upang mag-ani ng mais na kakainin nilang mag-anak sa buong maghapon. Mag-iisang taon nang puro ito lang ang kinakain nila dahil ni piso, wala nang madukot sa bulsa ang kaniyang ama na ngayon ay nagkasakit pa.
Sa katunayan, maituturing na niyang swerte na ang isang araw kapag may bumili ng mais na tinitinda nila at makabili ng isang kilong bigas o kaya nama’y kapag may nagbigay sa kanila ng kamote o iba pang pagkain na bago sa kanilang panlasa.
Wala rin namang alam na pagkakakitaan o trabaho ang kaniyang ina bukod sa paglalaba dahil simula nang isilang siya nito at ang tatlo niya pang mga nakababatang kapatid, nasa bahay lamang ito at umaasa sa kita ng kaniyang ama sa pagsasaka.
Pagkatapos niyang umani ng iilang mais na natitira sa kanilang taniman, agad na niya itong binigay sa kaniyang ina upang mailaga na.
“Pasensya na, anak, ha, ito na naman ang kakainin natin ngayong araw. Hayaan mo, lilipas din ang paghihirap nating ito kapag gumaling na ang tatay mo,” sambit ng kaniyang ina habang nagpapalingas ng panggatong.
“Paano siya gagaling, mama? Hindi naman natin alam kung ano’ng sakit niya. Ipagbili na lang kaya natin ang taniman natin para mapatingin natin sa ospital si tatay?” wika niya na agad na ikinailing ng kaniyang ina.
“Hindi pupwede, anak. Kapag nangyari ‘yon, mas lalo tayong mahihirapan. Saan tayo kukuha ng makakain natin? Ano ang sasakahing lupa ng tatay mo? Magaling nga siya, gutom naman tayo. Tiyak, hindi niya iyon gugustuhin,” paliwanag nito sa kaniya.
“Kaysa naman po hindi natin alam kung ano’ng sakit niya. Ilang linggo na siyang nakahiga lang at hindi makakilos,” tugon niya pa na ikinatahimik lamang nito, “Hindi ko na matiis na makitang nagkakagan’yan si tatay at hindi tayo makakain ng masarap at masustansiyang pagkain. Magpupunta na po ako ng bayan para maghanap ng bibili ng lupa natin. Bahala na po kung anong mangyari sa atin,” sabi niya pa sa ina at kahit anong pigil nito sa kaniya, siya’y labis na nagpumiglas at tumakbo patungong bayan.
Pagkarating niya sa bayan, hindi niya mapigilang hindi maiyak nang makakita siya ng sandamakmak na mag-anak na masayang kumakain sa mamahaling restawran. May mga bata pang kasing edad ng kaniyang mga kapatid na binibili ng sorbetes ng kanilang mga magulang.
“Kailan kaya mararanasan ng mga kapatid ko ang ganito kasaganang buhay?” maluha-luha niyang tanong sa sarili habang naglalakad-lakad at naghahanap ng mukhang mayamang tao para maialok na niya ang kanilang lupa.
Maya-maya pa, nakuha ng isang mahabang pila ng mga tao ang atensyon niya dahilan para siya’y dali-daling magpunta roon sa pagbabakasaling may maalukan siya ng kanilang lupa.
Ngunit paglapit niya sa pilang iyon, nakita niyang isang matandang nagtitinda ng popcorn ang pinipilahan ng mga tao na labis niyang pinagtaka. Nasa isip niya, “Simple lang naman ang pagkaing iyon, bakit pinipilahan nila?” kaya siya’y nagpumilit na makausap ang matandang abala sa pagluluto.
“Manang, mabili po talaga ang popcorn dito? Siguro po, mayaman na kayo, ano? Naghahanap po ba kayo ng lupain na may tanim na mais? Tiyak, makakatulong ‘yon sa pagtitinda niyo!” pang-uuto niya rito.
“Nasisiraan ka na ba ng ulo, hijo? Bakit hindi na lang ikaw ang magtinda ng popcorn at yumaman? Bakit ibebenta mo pa sa akin ang lupain niyo?” sigaw nito sa kaniya na bahagya niyang ikinatigil.
“Oo nga, ‘no? Bakit hindi ko naisip ‘yon?” tanong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang dami ng taong gustong makatikim ng popcorn ng matanda.
“Wala ka bang ginagawa ngayon? Halika, tulungan mo ako rito! Nalilito na ako sa dami ng bumibili, eh!” bulyaw pa nito sa kaniya saka siya pinagluto ng popcorn na talagang ikinagulat niya.
Sa araw na ‘yon, kumita siya ng limang daang piso sa pagtulong sa matanda na labis niyang ikinatuwa.
“Mas malaki ang kikitain mo kung ikaw mismo ang magtatanim ng mais, magbibilad, at magtitinda,” payo nito sa kaniya na talaga namang sinunod niya.
Habang wala pa siyang pampuhunan, pumayag ang matanda na magtrabaho muna siya rito at nang may sapat na siyang ipon, doon niya masusing pinlano ang negosyong itatayo niya sa kabilang bayan.
Kung ang matanda ay may isang uri lamang ng popcorn na binebenta, siya naman ay gumawa ng apat na flavor ng popcorn na talagang kinabaliwan ng mga tao roon.
Dahil sa dami ng mga taong nahumaling sa produkto niya, ilang linggo lang ang lumipas, muli na naman siyang nagtayo ng isa pang tindahan sa bayan hanggang sa dumami na ito nang dumami. Iba’t ibang tao na ang may-ari ng bawat tindahan na pinagbili niya sa malaking halaga.
Sa ganoong paraan, nakaipon siya ng pera upang madala nila sa ospital ang kaniyang ama at ito’y agarang gumaling. Bumili rin siya ng isa pang lupang taniman ng mga mais at kumuha ng ilang magsasaka sa kanilang lugar upang mag-alaga ng mga tanim na mais.
Dahil dito, tuluyang umagos ang biyaya sa kanilang buhay hanggang sa kilalanin na sa buong bansa ang kaniyang produkto.
Kahit pa ganoon, hindi niya pa rin nakalimutang balikan ang matandang nagpamulat sa kaniyang isipan sa mundo ng pagnenegosyo. Binilhan niya ito ng isang tindahan at pinangakong susuportahan at tutulungan niya ito sa lahat ng oras.
“Kung hindi po dahil sa inyo, baka nabenta ko na ang lupa namin at nagkandabuhol-buhol po lalo ang buhay namin,” sabi niya rito.
“Basta tandaan mo, hijo, hindi mo dapat ginagamit ang emosyon mo sa pagdedesisyon. Kailangan mong isipin kung anong mayroon ka at pagyabungin mo ‘yon,” payo pa nito na talagang tinatak niya sa kaniyang isipan na naging dahilan para lalo siyang magtagumpay sa buhay at makilala.