
Laging Nabubulas sa Eskwelahan ang Batang Ito Dahil Napakamasunurin Daw sa Magulang; Makapagliligtas Pala Iyon ng Buhay ng Iba
“Pero sabi kasi ng papa ko masama raw saktan ang babae!” sabi ni Angelo sa mga kaklase nang isang araw ay makita niya ang mga ito na hinihila ang buhok ni Jodi, babae niya pang kaklase.
“Eh bakit may nagtatanong ba?! Ha?” sagot ni Mario na siyang lider ng grupong iyon. Para sa isang dose anyos na nasa ika-anim na baitang pa lamang ay malaking bata ito. Isang tulak lang nito ay nabuwal sa sahig si Angelo.
“Puro ka papa, puro ka sabi ng mama ko! Pakialam ba namin ha?!” saglit na sabi nito saka binato siya ng soft drinks na hawak nito. Tumapon sa pantalon niya iyon na naging dahilan upang magtawanan ang ilan pang kasama nitong kaibigan. Ngunit nang makitang may papalapit na kaibigan ay nagsipulasan ang mga ito.
Tumayo naman si Angelo at nag-aalalang pinunasan ang kaniyang nabasang pantalon. Nag-aalala siyang pagilatan ng ina at mahihirapan itong labhan at plantsahin pa ulit iyon. Si Jodi naman ay lumapit sa kaniya at inalok ang panyo nito na agad niyang tinanggap.
Maliit lang ang eskwelahan nila pero iyon na ang maituturing na pinakamalaki sa kanilang bayan. Kaya kilala na ng lahat si Mario bilang isang malaking bulas. Ngunit pati mga guro ay takot dito dahil ang ama lang naman nito ang mayor doon. Isa lang ang matapang na parating pumupuna dito at iyon nga ay si Angelo. Kilala naman ang batang ito bilang honor student, at sadyang masunurin sa mga magulang. Madalas tuloy dito mabaling ang pambubulas.
“Dapat nang matigil ito Lilian ha, kung hindi ako na talaga ang kakausap diyan kay Mayor Sanchez,” matigas na sabi ng kaniyang ama nang umuwi si Angelo na pigtal ang bag. Kagagawan na naman iyon ni Mario nang pumagitna muli si Angelo sa pambubulas nito sa isa pa nilang kaklase. Napikon ito matapos niyang sabihin na hindi tama na lait-laitin ang mga magsasaka dahil ito ang nagpapakain sa kaniya ng kanin, na siyang natutunan niya sa ina. May humirit na isa niyang kaklase na mukha nga daw malakas kumain ng kanin si Mario. Doon nagsimula ang away at buti nakatakbo agad si Angelo. Iyon nga lang ay nadali ang kaniyang bag.
“Pero alam mo anak, proud ako sa iyo dahil napakamasunurin mo, at ipinagtatanggol mo ang mga mas mahihina sa iyo,” sabi ng ina niya. Nang gabing iyon, narinig ni Angelo ang usaoan ng kaniyang mga magulang. Napag-alaman niya na baka nga daw may dinadalang mas mabigat si Mario kaya ito mahilig manakit ng iba.
Simula noon ay tila naawa si Angelo kay Mario. Ano kayang pinagdadaanan nito at ganoon na lang ito manakit ng kapwa? Lagi nang ginagawa ni Angelo lahat upang kaibiganin ang pasaway na si Mario.
“Ano ba ang kulit mo ‘no! Pa-epal ka?” sigaw nito sa kaniya nang magprisinta siya sa guro na siya ang magturo dito sa matematika. Ilang beses na kasi niya itong sinubukang lapitan ng araw na iyon kaya marahil naiinis na ito. Wala namang isinagot si Angelo kaya mas lalong napikon si Mario. Maya-maya lang ay dumating na ang sundo nito. Bumaba sa isang magarang kotse ang kuya nito na si Hernan, kasama ang mga kaibigan nito.
“Wow, ang swerte mo naman Mario! May kuya ka na sumusundo sa’yo na may magandang kotse!” Sabi ni Angelo. Ngunit nagtaka siya dahil imbes na pagmamayabang ay tila ba seryoso si Mario, sabay mabilis na iniligpit ang gamit. Imbes sumakay sa kotse ni Hernan ay kumaripas ito ng takbo.
Halakhakan naman ang grupo nila Hernan na kapwa nito mga nasa kolehiyo sa inakto ng bata. Nagtaka si Angelo ngunit ipinagsawalang-bahala iyon. Iniligpit niya ang gamit atsaka naglakad pauwi, sakto dahil palabas sa telebisyon ngayon ang paborito niyang cartoon. Sa shortcut siya dumaan para mabilis, ngunit hindi siya makapaniwala sa nakita niya.
Si Mario ay nakaluhod at umiiyak, habang nakapalibot dito ang Kuya Hernan at mga kaibigan nito, tumatawa ang mga iyon. Mabilis na nagtago si Angelo at nasaksihan ang pambubulas kay Mario.
“Ano, mayabang ka porket ikaw ang tunay na anak ha?!” sabi ni Hernan sabay haklit sa polo ni Mario.
“Mario, big time ang papa mo kaya ibigay mo na samin ‘yang wallet mo!” Dagdag pa ng isa. Kung ano-anong masasakit na salita pa ang narinig ni Angelo kahit pa binigay na ni Mario ang wallet nito. Nalaman niyang ampon lang pala si Hernan at si Mario ay totoong anak. Kaya pala hindi tila isang kapatid ang trato nito sa kawawang si Mario. Doon lang din napagtanto ni Angelo na iyon siguro ang dahian kung bakit nangunguha rin ng baon si Mario. Tiyak siyang hindi iyon ang unang beses na nangyari iyon.
Matapos ang pangyayari ay umiiyak na tumayo si Mario at kinuha ang bag nito pati ang mga gamit na nakakalat. Lumabas sa pinagtataguan si Angelo at tinulungan ito. Nagulat man si Mario ay yumuko na lang ito dahil sa pagkapahiya.
“Gusto mo pumunta sa bahay namin? Masarap magluto mama ko at saka maganda yung palabas sa TV,” alok niya rito.
Nagulat man si Lilian sa bisita ng anak ay natuwa na rin siya. Kinagabihan ay nalaman nila mula kay Angelo ang buong nangyari nang hapong iyon. Ang ama ni Angelo ay isang lalaking maprinsipyo, kaya naman sinadya nito si Mayor Sanchez kinabukasan din.
Doon natuklasan na matagal na palang nangyayari iyon na maaaring nagdulot na rin ng matinding takot kay Mario. Dahil doon ay nailagay sa kamay ng awtoridad ang pambubulas kaya’t hindi na iyon basta mauulit ni Hernan at mga kaibigan nito. Si Hernan mismo ay pumayag na sa ibang bansa na lang mag-aral at natauhan sa kaniyang ginawang kasalanan.
Sa huli ay mabuti talaga ang ibinunga ng tamang pagtuturo ng mga magulang at pagsunod ni Angelo dito. Dahil doon ay isang taong nangangailangan ang natulungan.
Unti-unti na ring nagbago si Mario at naging matalik pa na kaibigan nito si Angelo. Tuwang-tuwa naman ang lahat dahil ngayon, hindi na lang si Angelo, kundi pati si Mario ay nakikiisa na rin sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanilang paaralan.