Inday TrendingInday Trending
Laging Wagi sa Kompetisyon ang Kusinerang Ito; Ano Kaya ang Kaniyang Sikretong Sangkap?

Laging Wagi sa Kompetisyon ang Kusinerang Ito; Ano Kaya ang Kaniyang Sikretong Sangkap?

“’Nay Kuchii! Malapit na ho ang kompetisyon pero mukhang mas abala ho kayo sa pag-aasikaso sa feeding program niyo. Limang taon ka na pong sunod-sunod nananalo, hindi po kaya nagiging kampante na kayo? At saka ano po bang sikreto niyo?” tanong ng dalagang si Lira sa isa sa mga kilalang chef sa kanilang lugar.

Journalism ang kurso niya at nais niyang maging epektibong manunulat ng balita kaya naman hilig niya ang pag-iinterview sa mga tao. Lalo na ngayon na papalapit na naman ang taunang kompetisyon sa kanilang siyudad. Taon-taon ay nagkakaroon ng kompetisyon para hirangin ang pinakamagaling na cook, at ang kaniyang tiyahin na si ‘Nay Kuching lang naman ang pinakamalupit na kandidato.

Maituturing na nakaluluwag sa buhay ang siyudad nila at punong-puno ng iba’t ibang kainan. Kaya hindi biro na mahirang na “pinakamagaling”. Ngunit imbes na nageensayo ang kaniyang tiyahin ay puro feeding program ang isinasagawa nito. Nagtataka si Lira dahil kahit ganun ang ginagawa nito ay nananalo pa rin ito palagi. Ano nga kayang sikreto nito?

“Alam mo, Lira! Hindi na sikreto kapag sinabi ko sa’yo ano!” magiliw na pagbibiro nito. “Pero magmasid ka lamang, at tiyak malalaman mo,” sabi nito sabay kindat. Sa dalas nitong magpa-feeding ay halos kilala na niya ang mga bata pati matatanda na “suki” nito.

Naguguluhan man ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-iinterview. Isang kilalang 5-star chef na makakalaban ng kaniyang tiyahin ang kaniyang sunod na nakausap.

“Sa tingin ko’y malaki ang tsansa kong manalo ngayong taon sapagkat nagsanay pa ako sa ibang bansa. Marami akong natutunang bagong recipe na tiyak ko na hindi pa natitikman ng residente sa ating siyudad,” punong-puno ng kompiyansa na sabi nito. Labis na humanga si Lira sa narinig. Mukhang magiging mas matindi ang labanan ngayong taon.

Halos lahat ng restaurant at iba’t ibang chef ay nainterview na ni Lira. Isang linggo na lang at kompetisyon na kaya naman abala na rin ang mga ito sa paghahanda. Sa nakita niyang mga bonggang preparasyon ng mga ito ay tila kinabahan siya para kay ‘Nay Kuching na hayun at nagpapakain pa rin ng libre.

Dumating na nga ang araw ng kompetisyon. Ewan ba niya dahil parang mas kabado pa siya kaysa kay ‘Nay Kuching na lalahok. Inihanda niya ang camera, notebook, at ballpen. Sabay-sabay na nagluto ang mga chef at nang matapos sa takdang oras ay inilabas na ang kanilang mga iniluto. Tradisyon na ipatikim sa mga residente ng lugar ang mga pagkaing naihanda. Walang nakakaalam kung sinong chef ang nagluto ng kung anong putahe, at ang pwedeng iluto lang ay iyong mga orihinal na putahe na hindi pa nila naihahanda sa ibang tao, para matiyak na patas ang labanan. Nasa harapan ang mga sosyaling bisita na halatang labis humahanga sa mga eleganteng putahe.

Halo-halo ang nga taong nasa paligid ngunit nakikilala niya ang ilang mga nandoon. Nakilala niya ang mga kabataang nasa feeding program ni ‘Nay Kuching at ganun din ang ilang matatanda. Natutuwa siyang makita na talaga nagbihis pa ang mga ito ng maganda para makadalo sa kompetisyon. Napangiti si Lira at kinuhanan ng larawan ang masayang pagtikim ng mga ito ng mga putahe. Maging siya ay tumikim na rin at nagbigay ng kaniyang boto.

Nang oras na para itanghal ang panalo ay kabang-kaba si Lira. Narinig niya ang malakas na anunsiyo at napatalon pa siya sa tuwa nang tawagin ang pangalan ni ‘Nay Kuching! Ito muli ang nagwagi sa taong iyon!

Tuwang-tuwa si ‘Nay Kuching at nagbigay ng kapirasong speech sa entablado.

“Maraming salamat sa pagboto sa aking putahe. Unang beses ko itong inihain ngayong gabi kaya’t kinakabahan ako kung magugustuhan ninyo, at salamat nga at naibigan niyo. Nais ko lang ay mapuno ang inyong tiyan. Sa totoo niyan may nagtanong sa akin kung ano ba raw ang sikreto ko,” pagpapatuloy ni ‘Nay Kuching sabay lingon sa kaniya. Tapos ay idineretso nito ang tingin sa mga kababayang “suki” niya sa feeding program.

“Wala akong sikretong sangkap maliban sa sinisiguro kong lahat ng titikim ng aking putahe ay mabubusog at masisiyahan. Ayaw kong maghain ng putaheng ako lang o ilan lang ang makakaintindi. Nais kong magluto para sa lahat ng residente ng ating siyudad, pati na iyong mga nasa laylayan. At ang pagluluto ng may ganoong konsiderasyon, ang sa tingin kong dahilan ng aking pagkapanalo. Muli maraming salamat sa inyo,” sabi nito.

Doon lang lubos na naintindihan ni Lira ang ginagawa ni ‘Nay Kuching. Kaya pala ito nagpapafeeding ay para mahuli ang kiliti at panlasa ng mga tao. Ngunit ‘di tulad ng iba na hindi binibigyang pansin ang mahihirap na tao sa kanilang siyudad, mas ginamit nito ang oportunidad na iyon upang matuto at umunlad. Pero hindi lang para manalo ito sa kompetisyon, kung hindi para malaman nito kung anong putahe ang hindi lang lalaman sa tiyan, kung hindi hahamig din sa puso ng mga tao.

Advertisement