Naging Mabuting Bata Siya sa Ampunan Upang Magkaroon Din ng Pamilya; Dinggin Kaya ng Langit ang Kaniyang Hiling?

“Ako na ho diyan Sister Beth,” sabi ni Klaidel sa matandang madre na may bitbit na malaking box ng laruan. Marahil ay donasyon na naman iyon para sa kanilang ampunan.

Dahil siguro nabigla ito sa pag-alok niya ay hindi inaasahang nadulas ang hawak nito sa box, tumilapon tuloy ang mga laruan sa sahig.

“Naku! Huwag ka ngang nanggugulat, Klaidel! Ikaw talagang bata ka! Hala’t ligpitin mo ngayon iyan!” malakas na sabi nito. Napayuko naman si Klaidel at walang reklamong pinulot ang mga laruang nakakalat.

Labing anim na taon na si Klaidel at doon na siya lumaki sa ampunan. Sanggol pa lamang daw siya noong iniwan siya sa harap ng ampunan. Ngunit masasabi niyang maswerte pa rin siya dahil may mga taong nag-alaga sa kaniya. Lumaking mabait at matulungin si Klaidel. Normal sa kaniya ang tumulong-tulong sa ampunan dahil isa siya sa pinakamatanda doon. Paminsan ay binubuyo siya ng mga kasing-edad niya roon dahil masyado raw siyang pabida. Eh sa lagi niyang gustong may ginagawa ang mga kamay niya eh, katwiran niya ay kaysa naman makipaglaro o tumambay lang siya na parang bata. Dahil doon ay malayo ang loob sa kaniya ng ilang kadalagahan doon. At ang ilan pa ay ginagamit ang likas na kabaitan ni Klaidel para makatakas sa mga gawain.

“Uy Klaidel, may gagawin kasi kami ni Carmi at Josie mamaya eh, okay lang ba na ikaw na muna ang maghugas ng plato?” isang gabi ay sabi sa kaniya ni Lisa, isa sa mga kasing-edad niya na naroon. Abala sa pagkukutkot ng kuko ang dalaga habang kinakausap siya, nakataas pa ang kilay nito. ‘Di tulad niya, pumasok lang ito sa ampunan noong pitong taon na ito. Madalas itong magsimula ng away kaya’t hanggang maaari ay ayaw niya itong tanggihan.

“A-ah… okay lang naman, Lisa. Pero baka pagalitan na naman tayo ni Sister Beth kapag nalaman niya?” sabi niya sa nag-aalangang tinig.

Tumalim ang tingin nito sa kaniya. At saka pairap na sinabing, “gawin mo na lang!” Iyon lang at tumalikod na ito. Wala namang nagawa si Klaidel kung hindi pagtakpan na lang ito. Tulad ng inaasahan, napagalitan siya ni Sister Beth, mabuti na lang at naroon si Sister Rebekah, ang pinakatagapangalaga ng ampunan, kaya’t hindi siya naparusahan.

“Pagpasensiyahan mo na si Sister Beth, Klaidel ha, alam mo naman mahigpit talaga iyon. Ngunit hindi ba’t mas matutulungan mo ang mga kaibigan mo kung susuportahan mo silang gawin ang tama? Alam kong nais mong tumulong ngunit dapat nalalaman mo kung anong mas makakabuti pati na rin sa kanila,” malumanay na paliwanag nito sa kaniya. Napatango at ngiti na lang si Klaidel kay Rebekah. Napakabait talaga nito!

Advertisement

Sa ampunan ay ibinuhos niya ang lahat para makatulong. Nakita niya kasi kung paano sila binibida ng mga madre sa mga nais mag-ampon sa kanila. Gusto niyang mga mabubuting bagay lang ang sabihin ng mga ito tungkol sa kaniya, dose anyos pa lang siya nang mapagtanto ito. Ngunit tuwing may bibisita sa kanila, hindi niya maiwasang malungkot dahil tila walang gustong umampon sa kaniya. Karaniwan ay mga bata ang nauuna. Masaya naman siya dahil nakatagpo ang mga ito ng bagong pamilya ngunit may gumuguhit pa ring inggit sa kaniyang murang puso. Naiisip niya minsan ang mga magulang na nag-abandona sa kaniya.

Lumipas ang ilang taon, pinili na lang ni Klaidel na maging malakas upang maging ate sa mga “kapatid” niya sa ampunan. Iwinaksi niya na rin sa isip ang posibilidad na makahanap pa siya ng pamilya, mamayang hatinggabi lang ay disi otso anyos na siya, sisikapin niya na lang makapagtapos ng high school upang makapagtrabaho sa hinaharap.

Nang gabing iyon ay nalulungkot siya dahil kaarawan niya ngunit wala man lang nakaalala. Kaya naman ipatawag siya ni Sister Rebekah ay tuwang-tuwa siya.

Pagdating sa opisina nito, akala niya ay babatiin siya nito ngunit seryosong-seryoso ang mukha nito. Naroon din si Sister Beth na tila ba namumutla.

“Klaidel, maupo ka,” kinakabahan na napaupo agad si Klaidel, seryosong-seryoso kasi ang mga ito.

“Klaidel…” iyon lang at tuluyan nang naluha si Sister Rebekah at niyakap siya. Nakakalat sa lamesa nito ang mga papeles. Nagulat siya nang makita ang litrato niya at pangalan sa mga files. Dahil hindi makapagpaliwanag sa tindi ng emosyon ay si Sister Beth na ang nagpaliwanag.

“Alam naming kaarawan mo ngayon Klaidel, at sa paghahalungkat namin sa papeles mo ay natagpuan namin n-na ikaw ang nawawalang anak ni Rebekah.” Tila hindi pa rin ito makapaniwala sa isiniwalat.

Halos hindi makagalaw si Klaidel sa narinig. Kumalas sa yakap sa kaniya si Sister Rebekah at nagsimulang magkwento. Strikto daw ang ama nito at masyadong konserbatibo, kaya’t nang mabuntis siya bago makasal ay inilayo siya dito samantalang ipinatapon ito sa kumbento.

Advertisement

“Gustong-gusto kitang hanapin ngunit matagal nang pumanaw ang mama at papa. Nagpasya akong magsilbi sa mga ampunan, ngunit nawawalan na ako ng pag-asang mahahanap pa kita. Salamat sa Diyos at dito niya ako dinala sa iyo!” sabi ni sister Rebekah.

Tuluyan na ring napaiyak si Klaidel. Ang hiling niya lang ay simpleng pagbati sa kaarawan niya, heto at binigay ng langit ang kaisa-isang bulong ng kaniyang puso. Isang ina! Totoong pamilya.

Nalaman sa buong ampunan ang katotohanan at halos maiyak ang lahat sa milagrong naganap sa buhay ng mag-inang Rebekah at Klaidel. Kinabukasan ay sabay-sabay nilang ipinagdiwang ang kaarawan ni Klaidel pati na rin ang pagtatagpo ng mag-ina. Ang buong ampunan ay napuno ng pag-asa dahil sa pangyayaring iyon.