Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Lalaki nang Pagsabihan Siya ng Ama Tungkol sa Kaniyang Asawa, Nanghina Siya nang Pumutok ang Katotohanan

Nagalit ang Lalaki nang Pagsabihan Siya ng Ama Tungkol sa Kaniyang Asawa, Nanghina Siya nang Pumutok ang Katotohanan

“Anong oras na, Ron, hindi pa nakain ang mga anak mo! Saan ba kayo galing mag-asawa, ha? Ni hindi man lang kayo nag-iwan ng pera pangbili ng ulam nila. Kahit sinaing, wala,” sambit ni Mang Kaloy sa kaniyang anak, isang gabi pagkauwi nito kasama ang kaniyang asawang pusturang-pustura.

“Sa pwesto, malamang. Kumausap kami ng mga kliyente roon,” pabalang na sagot ni Bong saka kinuha ang bunsong anak na karga ng ama.

“O, hindi ba makauwi ang asawa mo para paghandaan ng pagkain ang mga anak mo? Itong bunso niyo, kanina pa naiyak, siguradong gutom na. Anong gusto niyo, kami pa ang mag-asikaso sa mga ‘yan habang nandoon kayong dalawa?” sermon ng kaniyang ama na labis niyang ikinarindi.

“Hindi naman sinabing asikasuhin niyo, eh! Malalaki na ‘yang mga ‘yan! Kaya naman nilang magpunta ro’n para manghingi ng pera sa amin!” sigaw niya rito saka masamang tumitig sa panganay niyang anak.

“Bakit ba kasi sinasama mo pa ang asawa mo? Wala naman ‘yang ginagawa roon,” tugon ng kaniyang ama na lalo niyang ikinagalit.

“Huwag nga kayong makialam sa pamilya ko! Eh, sa gustong sumama ng asawa ko, eh!” bulyaw niya pa dahilan upang mapailing ang kaniyang ama.

“Ah, ganoon ba? O, sige, pagsisisihan mo ‘yan,” wika nito saka padabog siyang pinagsarhan ng pintuan.

Sa tabi ng bahay ng kaniyang mga magulang napiling magpatayo ng bahay ng padre de pamilyang si Ron para sa kaniyang sariling pamilya. Bukod kasi sa panatag siyang malapit siya sa kaniyang mga magulang, tinutulungan pa siya ng mga ito sa pag-aalaga ng kaniyang mga anak lalo na sa tuwing aalis silang mag-asawa upang magpunta sa inuupahan nilang lupa hindi kalayuan sa kanilang bahay na ginawa nilang event venue.

Ang pagpapaupa ng naturang event venue na ito ang kaniyang ginawang negosyo bukod sa trabaho niya bilang waiter dahil napansin niyang malaki ang kitaan dito lalo na tuwing araw ng pasko at iba pang selebrasyon.

Pawis at pagpupursigi ang kaniyang ipinuhunan dito dahil siya mismo ang nagdisenyo rito habang ang kaniyang asawa, andoon lamang sa tabi niya, bungisngis dito, halakhak doon na labis na kinakainis ng kaniyang mga magulang dahil walang nag-aalaga sa kanilang apat na anak.

Walang araw na hindi niya kabuntot sa pwestong iyon ang kaniyang asawa habang ang kanilang mga anak, iniiwan nilang walang pera pangbili ng pagkain dahilan upang araw-araw din siyang pagsabihan ng kaniyang mga magulang.

Ngunit tila iba ang dating sa kaniya ng pagtatamang ito ng kaniyang mga magulang. Lagi niyang sinasabi, “Nagpapakahirap ako roon, tapos parang ang dating, wala akong kwentang magulang!”

Noong araw na ‘yon ang naging simula nang hindi pangingialam ng kaniyang mga magulang sa buhay nilang pamilya. Kahit ano mang gawin niya pati ng kaniyang asawa, hindi na pinapansin ng mga ito.

“Mas mabuti nga ‘yan, hindi nila tayo pinapansin. Puro paninira lang naman sa akin ang alam ng mga magulang mo,” sambit ng kaniyang asawang nagseselpon habang siya’y nagkukusot ng damit galing trabaho.

Ilang buwan pa ang lumipas, may isang estrangherong lalaki ang nagtanong sa kaniya at nais na magdaos ng pagdiriwang sa kaniyang lupa dahilan upang agad niya itong tanggapin.

Ngunit dahil nga may pasok siya sa trabaho noong araw na ‘yon, ang asawa niya muna ang pinakausap niya rito.

“Ikaw muna, mahal, ang bahala rito, ha? Isulat mo lahat ng gusto niya para alam ko kung anong gagawin ko mismong araw ng pagdiriwang,” payo niya sa kaniyang asawa, ngumiti lang ito saka agad nang nagtungo sa lalaking naghihintay doon.

Hindi niya matanggal ang ngiti sa labi habang siya’y naglalakad patungong trabaho. Bakas kasi sa itsura ng naturang lalaki ang kaalwanan ng buhay kaya nakasisiguro na siyang malaki ang kikitain nila rito.

Pero pagkauwi niya, tanging mga nag-iiyakang anak lang ang kaniyang nadatnan habang pilit na pinapakalma ng kaniyang mga magulang. “Ano’ng nangyari?” masungit niyang tanong kaniyang ama.

“Wala naman, sumama lang naman sa lalaking iyon ang asawa mo. Matagal niya na palang kabit ‘yon. Sabi sa’yo…” hindi na niya narinig ang mga sinasabi ng ama dahil sa kaniyang pagkabigla. Napaupo na lang siya habang napapaisip kung totoo ba ang nangyayari ngayon.

Doon niya nalaman na kaya pala ganoon na lang kwestiyunin ng kaniyang ama ang asawa niyang ito dahil sa mga tsismis na naririnig nito mula sa mga kumpare nito.

Binibigyan na pala siya ng babala nito ngunit imbis na makinig, siya pa’y nagagalit at pinagtatanggol ang walang silbing asawa niya.

Hindi man niya alam kung saan magsisimula dahil sa sakit na nararamdaman, laking pasasalamat niya dahil hindi siya iniwan ng kaniyang mga magulang sa hamong ito.

Advertisement