Inday TrendingInday Trending
Nanggalaiti ang Dalagang Ito sa Paggastos ng Kaniyang Ina sa Pambayad Nila ng Kuryente, Nagulat Siya sa Dami ng Taong Nag-uunahan sa Kanilang Bahay

Nanggalaiti ang Dalagang Ito sa Paggastos ng Kaniyang Ina sa Pambayad Nila ng Kuryente, Nagulat Siya sa Dami ng Taong Nag-uunahan sa Kanilang Bahay

“Hindi ba’t nagbayad na tayo ng kuryente, mama? Bakit naputulan tayo ngayon?” tanong ni Karen sa kaniyang ina, isang umaga bago siya pumasok sa trabaho.

“Ah, eh, ano kasi, anak…” hindi na niya naintindi ang sinasabi ng ina dahil naagaw ng mga sangkap sa kanilang lamesa ang kaniyang atensyon.

“O, saan galing ang mga sangkap na ito? Magluluto ka ng lugaw? Bakit parang ang dami? Saan galing ang mga ito, mama? Huwag mong sabihing…” bigla na siyang napailing nang mapagtanto niya kung bakit sila naputulan ng kuryente ngayon.

“Pasensiya ka na talaga, anak, nais ko lang talaga makatulong sa’yo sa mga gastusin dito sa bahay kaya imbis na ipangbayad ko ng kuryente, pinangbili ko na lang ng mga pansahog sa lugaw. Alam ko kasing wala ka ng pera kaya ito, pinangpuhunan ko sa negosyo, siguradong lalago ito, anak,” pagpapaliwanag nito habang siya’y nilalambing upang huwag siyang sumabog sa galit.

“Diyos ko naman, mama! Alam mo namang limang daang piso na lang ang pera ko. Imbis nga na ipangbili ko ng sapatos dahil butas-butas na ang ginagamit ko, binigay ko pa sa’yo pangbayad ng kuryente, tapos gagastusin mo lang sa ibang bagay?” galit niyang sigaw rito.

“Maniwala ka sa akin, anak, lalago ito. Makakabayad din tayo,” nakatungong sambit nito.

“Ewan ko sa’yo, mama! Bahala ka na! Nakakasawa nang magsakripisyo, wala rin namang pinatutunguhan!” sigaw niya pa saka agad na umalis papuntang trabaho.

Ang dalagang si Karen na lang ang siyang tumataguyod sa kanilang pamilya. Dahil nga panganay at maagang binawian ng buhay ang kaniyang ama, labag man sa kagustuhan niya ang maagang pagbabanat ng buto, wala siyang magawa kung hindi tugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. Lalo pa’t mayroon pa siyang dalawang nakababatang kapatid na siya ring inaasahan.

Ito ang dahilan upang siya’y tumigil sa pag-aaral at magtrabaho sa isang pabrika, hindi kalayuan sa kanilang bahay. Ang buong sahod niya, kulang pa para sa mga gastusin nila sa bahay kaya madalas, napipilitan pa siyang mangutang kahit na sobrang tipid niyang tao.

Kaya naman, ganoon na lang ang galit niya sa kaniyang ina nang malaman niyang iginasta nito ang perang nakalaan para sa kanilang kuryente upang magtinda ng lugaw sa tapat ng kanilang bahay.

“Hindi niya ba naiisip na kailangan ni bunso ng kuryente? Paano na mamayang gabi? Hindi na naman ako makakatulog dahil naiinitan ‘yon at iyak nang iyak!” galit niyang sambit habang naglalakad patungo sa kaniyang trabaho.

Noong araw na ‘yon, napagdesisyunan niyang huwag munang umuwi sa kanilang bahay dahil alam niyang magsisiungutan ang dalawa niyang kapatid at hindi siya makakatulog nang maayos upang mabawi ang pagod sa buong araw dahilan upang makiusap siya sa kaniyang kaibigan na roon muna mamalagi kahit ngayong gabi lamang.

Kinaumagahan, maaga siyang nagising upang umuwi sa kanilang bahay at magpalit ng kaniyang damit. Ngunit, malayo pa lang siya sa kanilang bahay, sandamakmak na tao na ang nakita niyang nakatumpok sa tapat ng kanilang bahay dahilan upang siya’y mapatakbo.

“Hoy, Karen, tirhan mo naman ako ng lugaw. Naubusan ako kahapon, eh.”

“Karen, Karen! Anong sikreto niyo sa lugaw? Parang may gayuma sa sarap!”

“Ito ang mangkok ko, Karen, lagyan mo na ako, kanina pa ako rito!”

Ilan lang ito sa mga sigawan ng tao ng siya’y makitang papasok sa kanilang bahay dahilan upang ganoon na lang siya magtaka.

Pagkapasok niya sa kanilang bahay, nakita niyang abala sa pagluluto ang kaniyang ina katuwang ang kaniyang tiyahin. Natataranta ang mga ito at halos hindi magkandaugaga sa dami ng nais makatikim ng lugaw na niluluto ng mga ito.

“Mama, anong nangyayari?” tanong niya rito.

“Mamaya na ako magpapaliwanag, anak! Tulungan mo muna kami ng tita mo magbenta!” sigaw nito habang ngiting-ngiting nagsasalin ng lugaw sa mga mangkok.

Pagkalipas ng ilang oras, sa wakas, humupa na rin ang mga tao dahilan upang isalampak niya sa silya ang kaniyang sarili.

“Grabe, mama, anong sikreto ng lugaw mo?” tanong niya rito.

“Sabi naman sa’yo, eh, lalago ang pera natin sa negosyo,” sambit nito saka inilapag sa lamesa ang mga kinita nilang pera, “O, makakapagbayad na ako ng kuryente bukas, may sobra pa tayong pera!” dagdag nito dahilan upang ganoon na lang siya matuwa.

Nagpatuloy pa sa pagtitinda ang kaniyang ina hanggang sa makapagpatayo ito nang maliit na kainan dahilan upang ganoon na lang umunlad ang kanilang buhay.

Advertisement