Inday TrendingInday Trending
Murang Ulam ang Binibili ng Ginang na Ito, Ito Kaya ang Sanhi ng Pagsusuka ng mga Anak Niya?

Murang Ulam ang Binibili ng Ginang na Ito, Ito Kaya ang Sanhi ng Pagsusuka ng mga Anak Niya?

“Anak, bumili ka nga ng ulam doon kay Aling Marissa, dali, baka maubusan tayo! Wala tayong maiuulam, trenta pesos na lang ang pera ko!” sigaw ni Lia sa kaniyang anak, isang tanghali habang siya’y nagpapalinis ng kuko sa kaniyang kumare.

“Doon ka bumibili ng ulam, mars?” sabat nito habang nilalagyan ng kulay ang kaniyang mga kuko sa paa.

“Oo, bakit? Doon lang swak ang budget ko, eh,” sagot niya habang pinapanuod ang pagpapahid nito ng kulay sa kaniyang kuko.

“Hindi ka ba nagtataka kung bakit napamura ng ulam doon? Sa halagang trenta pesos, may isang mangkok ka na ng menudo, bicol express o kung hindi nama’y dinuguan?” tanong nito dahilan upang siya’y mapangiti.

“Nagtataka ako, kaya nga tinanong ko rin ‘yang si Aling Marissa. Ang sabi niya naman, ang pamamaraan ng mga intsik ang ginagawa niya. Kaunti man ang tubo, marami naman ang kaniyang kita,” sagot niya dahilan upang ito’y maliwanagan.

“Ah sa bagay, hindi tulad sa ibang mga karinderya, ano? Tubong lugaw!” sambit nito dahilan upang sila’y magtawanan.

“Oo nga, eh, kaya ro’n ka na rin bumili, mars, sobrang tipid!” payo niya rito, agad naman itong sumang-ayon sa kaniya at nagpatuloy sa paglalagay ng kulay sa kaniyang kuko.

Pagtitipid ang naging susi ng ginang na si Lia upang mag-isang maitaguyod ang tatlo niyang mga anak. Dahil nga siya’y isang trabahor sa pabrika na hindi sapat ang sahod na natatanggap, hangga’t maaaring magtipid at mag-ipit ng pera, kaniyang ginagawa alang-alang sa kaniyang mga anak.

Sa katunayan, kung ang ibang magulang ay nagpupunta sa mall upang binili ng mga damit at gamit ang kanilang mga anak tuwing may okasyon, siya nama’y sa ukay-ukay dumidiretso. Sa halagang isang daang piso, mayroon na siyang nabibiling tig-iisang pares ng damit para sa kaniyang mga anak. Wika niya pa sa tuwing namimili, “Kung sa mall ko ito bibilhin, naku, kulang ang limang daang piso para rito!”

Bukod pa roon, tuwing gabi lang niya pinapabukas sa mga anak ang kanilang electric fan at ilaw upang makatipid ng kuryente at pagdating naman sa tubig, nakikiigib lang sila sa kapitbahay ng paisa-isa na titipirin niya sa buong maghapon.

Maraming humahanga sa ugali niyang ito. Lalo na ang mga malalapit niyang kapitbahay. Palagi pa ngang sinasabi ng mga ito, “Siguro, ang dami mo nang naipon, ano?” na agad niyang itinatanggi dahil lahat ng pera niyang naitatabi, pinapangbayad niya sa utang na iniwan ng kaniyang asawa sa kaniya.

Sa sobrang kagustuhan niyang tuluyan nang makabayad sa malaking utang na ito, pati pagkain ng kaniyang mga anak, kaniyang tinitipid.

Doon sila sa murang karinderya bumibili ng ulam at ang isang kilong bigas na niluluto niya, pang-isang buong araw na nila.

Marami man siyang nasasagap na tsismis na marumi raw ang pagkain sa karinderyang iyon, patuloy pa rin siyang bumibili roon dahil naniniwala siya sa may-ari noon. Nagagawa niya pa nga itong ipagmalaki sa ibang tao dahil sa mura at masarap na mga putahe rito.

Noong araw na ‘yon, minabuti niyang ipakain sa mga anak ang nabiling ulam, habang siya, nagtiyaga sa tigpipisong chicharon. Pagkatapos nilang kumain mag-iina, isa-isa na niyang pinaliguan at pinatulog ang kaniyang mga anak upang siya’y makapag-ayos na rin para sa kaniyang trabaho.

Ngunit, binibilin niya pa lang sa kaniyang panganay na anak na bantayan maigi ang dalawa lang paslit, bigla nang sumuka nang napakarami ang kaniyang bunsong anak dahilan upang agad siyang mataranta. Idinadaing nito ang pagkirot ng tiyan habang patuloy sa pagsuka.

Pagkahawak niya rito, inaapoy na ito ng lagnat. Hihingi pa lang siya sana ng tulong sa mga tao sa labas, sabay namang nagsisukahan na rin ang dalawa niya pang anak dahilan upang agad na niya itong dalhin sa ospital.

Doon niya nalamang na food poi*son ang kaniyang mga anak sa inulam ng mga ito. Ganoon na lang siya nanggalaiti sa may-ari ng karinderyang pinagbilhan niya. Kaya naman nang dumalaw ang kaniyang kumare, agad siyang nagpaalam na uuwi muna saglit.

Ngunit pagdating niya roon, kitang-kita niya kung paano ipasok sa patrol ng pulis ang ginang na may-ari habang may isang matandang nagwawala sa gilid dahil sa pagkawala ng anak dahil din sa kinain nitong pagkain mula rito.

Doon niya labis na napagtantong sa pagtitipid niyang ito, maaari palang mawala sa kaniya ang kaniyang mga anak.

Kaya naman simula noon, kaunti man ang maihulog niya sa pinagkakautangan, kampante naman siyang malinis ang kanilang kinakain.

Advertisement