
Sabik na Sabik na sa Panganganak ang Ginang, Matagumpay Niya Kayang Maisilang ang Dinadala?
“Alam mo, mahal, hindi ko akalaing darating tayo sa puntong mamimili na tayo ng mga damit at gamit para kay baby. Akala ko dati, hanggang magkaibigan lang talaga tayo. Sa bar palaging nagpupunta para maglabas ng sama ng loob at sa bahay niyo para isuka ang pagkalango,” pagbabalik tanaw ni Sanya habang nakakuyabit ang kamay sa asawa, isang tanghali habang sila’y namimili ng mga gamit sa mall.
“Oo nga, eh. Kahit ako, hindi ko inaakalang ikaw ang pakakasalan ko. Ang lakas-lakas mo kayang kumain kaya sabi ko noon, ayokong magkanobya ng katulad mo dahil maghihirap ang bulsa ko,” tawang-tawang biro ng kaniyang asawa dahilan upang bahagya niya itong sikuhin.
“Grabe ka, ha! Pero kita mo naman ngayon, kasal na tayo at may bulinggit nang lalabas!” sambit niya saka bumuntong hininga sa sayang nararamdaman, “Napakaswerte ko dahil ikaw ang napangasawa ko. Kilalang-kilala na kita at sigurado akong kahit anong mangyari, hindi mo ako pababayaan,” dagdag niya pa dahilan upang bahagya siyang yakapin ng asawa.
“Oo naman, ‘no. Hanggang sa dulo ng aking hininga! Kayo pa ba ni baby? Napakalakas niyo sa akin!” masiglang tugon nito saka hinimas-himas ang kaniyang tiyan.
Wala nang mas sasaya pa sa bagong kasal na si Sanya. Pakiramdam niya, nasa kaniya na ang lahat ng pinapangarap niya noong siya’y dalaga pa.
Mayroon siyang masaya at malusog na mga magulang, maalwan na ang dating hirap nilang buhay, mabait at maginoo ang kaniyang asawa at bukod sa lahat, siya’y nagdadalang tao na.
Sa katunayan, hanggang sa ngayon, hindi siya makapaniwalang aabot sa puntong ipagbubuntis niya ang anak ng matalik niyang kaibigan. Buong akala niya’y hanggang siya’y malagutan ng hininga, mananatili lamang silang magkaibigan.
Ngunit tila mapaglaro ang tadhana dahil sila’y nahulog sa isa’t-isa habang sila’y nagdadamayan sa kani-kanilang problema sa pag-ibig at hindi kalaunan, sila’y nagpasiyang magpakasal na talaga nga namang ikinatuwa ng kani-kanilang mga magulang.
Ilang buwan lang ang lumipas, agad na niyang napag-alamang siya’y nagdadalang-tao dahilan upang ganoon na lang sila magdiwang at ngayong limang buwan na ang sanggol na dinadala niya, nagsimula na silang mag-ipon ng mga gamit para sa kanilang anak ng kaniyang asawa.
Sabik na sabik na siyang makita kung anong itsura ng kaniyang anak.
“Sino kaya ang kamukha mo, baby? Sana mana ka sa akin, maganda na, mabait pa!” sambit niya dahilan upang mapatawa ang kaniyang asawa.
Noong araw na ‘yon, pagkatapos nilang mamili ng gamit agad na siyang nagpunta sa kanilang sasakyan. Bahagya kasi siyang nakaramdam ng pananakit ng balakang dahilan upang agad na siyang paupuin dito ng kaniyang asawa.
Ngunit, habang inilalagay pa lang ng kaniyang asawa ang mga napamili nilang gamit sa kanilang sasakyan, bigla nang humilab ang kaniyang tiyan na para bang siya’y manganganak na dahilan upang agad na siyang magpadala sa ospital dahil sa kabang nararamdaman niya.
Pagkarating niya roon, agad na siyang ipinasok sa emergency room at doon niya napag-alamanang siya’y manganganak na. Labis niya itong ikinabigla, natakot man siya dahil nga limang buwan pa lang ito, nagpakatatag siya upang matagumpay niyang mailabas ang kaniyang anak.
Ngunit, kahit anong dasal niya habang nanganganak, wala pa ring buhay na lumabas sa kaniya ang sanggol dahilan upang labis siyang malungkot. Iyak lamang siya nang iyak habang yakap-yakap ng kaniyang asawa.
“Bakit? Bakit sa akin dapat mangyari ‘to?” tanong niya sa Diyos habang tanaw-tanaw ang walang buhay na anak.
Ilang buwan din siyang lugmok na lugmok sa kalungkutan pagkatapos ng pangyayaring iyon. Kahit pa ganoon, hindi pa rin siya tumigil sa pagdadasal na siya’y muling biyayaan ng anak. Malungkot man ang buhay niya, patuloy pa rin siyang nangangarap na siya’y maging isang ina.
Sinabayan niya ng pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiyang pagkain ang pagdadasal niyang iyon at laking tuwa niya pagkalipas ng limang taon, siya’y muling nagdalang tao.
Labis labis ang pag-iingat na kaniyang ginawa rito. Maaga siyang natutulog, naglalakad siya sa umaga at higit sa lahat, halos linggo-linggo siyang nagpapatingin sa doktor kasabay nang mataimtim na pagdarasal.
At ilang buwan lang ang lumipas, dumating na ang araw ng kaniyang panganganak. Kabado man at takot, kumuha siya ng lakas sa Panginoon.
“Alam kong kung para na po sa akin ng sanggol na ito, matagumpay ko siyang mailalabas. Pangako, magiging mabuti po akong magulang,” iyak niya habang nanganganak at ilang minuto pa ang lumipas, isang maingay na iyak na ng sanggol ang umalingawngaw sa silid dahilan upang ganoon na lang siya mapahagulgol sa pasasalamat.