Inday TrendingInday Trending
Hindi Makapaniwala ang Ginang sa Malubhang Sakit na Mayroon Siya, Matanggap Pa Kaya Niya Ito?

Hindi Makapaniwala ang Ginang sa Malubhang Sakit na Mayroon Siya, Matanggap Pa Kaya Niya Ito?

“Misis, huwag po kayong mabibigla, ha?” sambit ni Dra. Samaniego sa kaniyang suking pasiyente, isang umaga nang muli itong magpunta sa kaniya upang ipabasa ang resulta ng laboratoryo nito.

“Bakit po, doc? Nakakakaba ka naman!” biro ni Martha sa doktor saka niya ito bahagyang tinapik sa kamay habang humahagalpak nang tawa.

“Pwera biro, misis. Mayroon kang k@nser sa dibdib, stage 2, at kailangan na nating gamutin agad upang maaganapan,” diretsahang sambit nito dahilan upang siya’y biglang mapatahimik.

“Si doc naman! Masamang biro ‘yan, ha! Simpleng pananakit lang ng dibdib ang nararamdaman ko! Saka, paano ako magkaka-k@nser sa dibdib, eh, wala naman sa lahi namin ‘yan! Saka, araw-araw akong nagdadasal, nagnonobena pa ako, sumasama sa mga pasyon at tumutulong sa mahihirap! Imposibleng bigyan ako ng ganitong sakit ng Panginoon!” pangangatwiran niya rito habang mangiyakngiyak na hinahanap ang kaniyang selpon upang matawagan ang kaniyang asawa.

“Iyon po ang resulta ng mga laboratory tests niyo, misis. Sana po matanggap niyo upang masimulan na natin ang gamutan. Magagamot po natin ‘yan,” pagpapakalma nito sa kaniya saka siya binigyan ng isang basong tubig ng sekretarya nito.

“Hindi ako naniniwala, doc, tingnan niyo po ulit ang katawan ko,” hiling niya dahilan upang muli siyang ipalaboratoryo.

Maka-Diyos, matulungin at masayahin ang ginang na si Martha. Kahit saan mo siya dalhin, madali siyang nakikipagsalamuha sa ibang tao dahil sa mga katangian niyang ito. Madalas niyang ikwento at ibahagi ang mga salita ng Diyos sa kaniyang mga nakakasalamuha lalo’t higit sa mga nangangailangan ng tulong.

Bago niya tulungan ang isang taong lumalapit sa kaniya, pinapangaralan niya muna ito gamit ang bibliya at ito’y ipagdarasal niya. Hindi man kalakihan ang kaniyang mga naitutulong sa kapwa, alam niyang sa ganoong paraan, napapangiti niya ang Poong Maykapal.

Sa katunayan, hindi na mabilang sa kamay ang mga nabago niyang buhay at mga batang kaniyang sinusuportahan sa pag-aaral.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya mabigla dahil sa dinami-rami ng tao sa mundo, siya pa ang nabiyayaan ng ganitong klaseng sakit. Doon niya na nagawang kwestiyunin ang Panginoon.

Habang hinihintay niyang maghanda ang kaniyang doktor noong araw na iyon upang muli siyang ipalaboratoryo, mangiyakngiyak siyang umupo sa isang silya roon at doon nagdasal. Wika niya, “Bakit ako pa? Bakit ako pang tumutulong sa mga tao? Kulang pa ba ang ginagawa ko para sa Iyo? Ano pa bang gusto Mo? Nakakasama ka ng loob!”

Mayamaya pa, muli na siyang ineksamina ng kaniyang doktor at dahil nga siya’y nagmamadaling malaman ang resulta, ilang oras lang ang hinintay niya roon, lumabas na ang kaniyang resulta.

“Misis, mayroon po talaga kayong k@nser sa dibdib,” sambit ng kaniyang doktor dahilan upang ganoon na lang siya mapaluhod.

Mabuti na lang at dumating na ang kaniyang asawa at siya’y inakay pauwi sa kanilang bahay upang makapagpahinga muna.

Habang siya’y nakahiga, ganoon siya kinumbinsi ng kaniyang asawa na magpagamot na bukas na bukas. Ngunit dahil nga hindi niya ito matanggap, agad niya itong tinanggihan. Sabi niya pa, “Hayaan niyo na lang akong mawala, tutal, kahit anong kabutihan naman ang gawin ko sa mundong ito, malubhang sakit lang ang naging natanggap ko,” dahilan upang siya’y mahigpit na yakapin ng kaniyang asawa.

Kinaumagahan, maaga siyang nagising upang maghanda ng almusal. Pinapunta niya na rin ang asawa sa kusina upang siya’y tulungang magluto. Ngunit natapos na siya’t lahat-lahat, wala pa rin ito sa kusina dahilan upang muli niya itong puntahan sa kanilang silid.

Nadatnan niyang nakaluhod ito at nananalanging habang umiiyak. Narinig niya pa, “Linisin mo po ang puso ng asawa ko at ipakita sa kaniyang may dahilan bakit mo ibinibigay sa kaniya ang pagsubok na ito,” dahilan upang bigla siyang maiyak at ito’y yakapin niya.

Simula noon, muli siyang bumalik sa pagdarasal at pinagsisihan ang ginawa niyang pag-aalinlangan sa Panginoon.

Tinanggap niya na rin ang sakit niya at tuluyan nang nagpagamot kasabay ng walang sawang pagdarasal.

Pagkatapos ng isang buwang gamutan, muli siyang ipinalaboratoryo ng kaniyang doktor at hindi sila lubos makapaniwala sa resultang lumabas.

“Milagro ito, misis! Wala ka na ng sakit!” masiglang balita ng kaniyang doktor dahilan upang ganoon nalang siya mapatalon at mapaiyak sa tuwa habang yakap-yakap ang kaniyang asawa.

“Maraming salamat sa Iyo, tinalikuran man kita sa gitna ng pagsubok na bigay Mo, hindi Mo pa rin ako pinabayaan. Salamat, umasa kang ipagpapatuloy ko ang mabuting gawa para sa Iyo!” iyak niya habang nakaluhod sa altar ng naturang ospital.

Advertisement