Inday TrendingInday Trending
Tanging Sapatos lang ang Nais na Makita ng Dalaga sa Pag-uwi ng Ina, Bakit kaya Hindi ito Nakauwi?

Tanging Sapatos lang ang Nais na Makita ng Dalaga sa Pag-uwi ng Ina, Bakit kaya Hindi ito Nakauwi?

“Hindi ka na naman ba papasok, Clara? Anong oras na, o, hindi ka pa nakilos dyan,” saway ni Loren sa kaniyang pamangkin nang mapansin niyang nakahiga pa rin ito sa sariling kama.

“Hintayin ko na po si mama, tita, baka ngayon na ang dating niya,” tipid na sagot ni Clara habang panay pindot sa kaniyang selpon, pilit niyang tinatawagan ngayon ang kaniyang ina.

“Malabong ngayon ang dating no’n, kaya pumasok ka na muna ngayon sa eskwela. Ilang araw ka nang lumiliban sa klase mo kakahintay sa pagdating ng mama mo, baka mamaya, bumagsak ka pa, malalagot tayong dalawa ro’n,” sambit pa ng kaniyang tiyahin dahilan upang mag-init lalo ang kaniyang ulo.

“Kasalanan naman niya kung bakit hindi ako napasok ngayon, eh! Ang sabi niya sa akin, noong isang linggo ang uwi niya, tapos hanggang ngayon, wala pa rin siya? Pangako ko pa naman sa mga kaklase ko, pagpasok ko, bago na ang sapatos ko!” galit niyang tugon dito dahilan upang mapailing ito sa harapan niya.

“Sapatos lang ba ang hinihintay mo?” pagninigurado nito.

“Malamang, tita! Ang tagal kong hinintay ‘yon!” sigaw niya pa saka nagtalakbong ng kaniyang kumot.

Sa piling ng tiyahin lumaki ang dalagang si Clara. Napilitan siyang ipaalaga ng kaniyang ina rito upang makapagtrabaho sa ibang bansa at may maipangtustos sa kaniya. Limang taon pa lamang siya noong iwan siya nito, ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin ito naging hadlang upang hindi siya maging malapit dito.

Kahit pa malayo sa ina, laking tuwa niya pa rin dahil lahat ng gusto niya, kaniyang nakukuha. Sa katunayan, lahat nang hilingin niya rito, abot kaya man ang presyo nito o kahit mahal pa ito sa tuitiong binabayaran ng ina para sa kaniyang pag-aaral, agad na binibigay nito.

Kaya naman, nang malaman niyang uuwi ito ng Pilipinas, agad siyang nagpabili rito ng bagong sapatos na nagkakahalaga ng ilang libong piso at dahil nga malakas siya sa kaniyang ina, agad siyang binili nito. Pinakita pa nga nito sa kaniya ang larawan ng sapatos na hinihiling niya dahilan upang labis siyang masabik sa pag-uwi nito.

Kaya lang, halos isang linggo na ang nakalilipas, wala pa rin sa Pilipinas ang kaniyang ina. Bukod pa roon, kahit isa sa kaniyang mga mensahe, wala itong sinasagot dahilan upang labis siyang mainis dito at huwag pumasok sa eskwela.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang magtalukbong ng kumot, narinig niyang napabuntong hininga ang kaniyang tiyahin saka agad na lumabas ng kaniyang silid dahilan upang mapairap na lang siya at muling bumalik sa pagseselpon.

At dahil wala nga siyang magawa, napagdesisyunan niya na lamang na magbukas ng social media. Bahagya naman siyang nawili rito lalo pa’t puro katatawanan ang kaniyang nakikita rito.

Ngunit mayamaya, may isa siyang bidyong napanuod na tungkol sa mga OFW na tila sinasaktan ng mga amo sa ibang bansa. Noong una’y pinasawalang-bahala niya lang ito, wika niya pa, “Imposible namang saktan sila nang ganyan kalala!”

Pero nang mamukhaan niya ang isang ginang nananawagan ng tulong, bigla na lang siyang napaayos ng upo at dahan-dahang pinakinggan at pinanuod ang panawagan nito.

“Hindi ko po alam kung makakarating ito sa inyo dahil sira-sira na ang selpon ko at wala na akong internet, pero kung makarating man sa inyo, pakiusap, tulungan niyo ako. Basag-basag na ang mukha ko,” iyak ng ginang na ito.

Sigurado siyang ito ang kaniyang ina kahit pa puno ng dugo ang mukha at pasa sa katawan dahil sa boses at nunal nito sa baba dahilan upang agad siyang manlambot at maiyak na lamang.

Narinig siya ng kaniyang tiyahin at agad na pumasok sa kaniyang silid. Pinakita niya rito ang kaniyang napanuod at doon ito agad na umaksyon. Humingi ito agad ng tulong sa mga kakilalang opisyal ng gobyerno habang siya, tulala at labis na naaawa sa sinapit ng ina.

Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan nang nailikas sa bahay na iyon ang kaniyang ina ng mga opisyal ng Pilipinas doon.

At doon nila nalamang bago pala ito umalis sa bahay na iyon upang umuwi ng Pilipinas, binabawi ng amo nito ang perang pinasweldo at nang ayaw ito ibigay ng kaniyang ina, ro’n na ito pinagbuhatan ng kamay at pinaso pa ng plansta sa likod dahilan upang labis siyang maiyak sa awang nararamdaman para sa sinapit ng ina.

Doon niya labis na napagtantong hindi siya naging mabuting anak dahil imbis na matuwa siya sa pagdating ng ina, ang sapatos na pinabili lang niya ang kaniyang hinihintay.

Advertisement