
Nagpanggap ang Dalagang Ito na Nawalan Siya ng Mahal Niya sa Buhay, Mabisto Pa Kaya Siya?
“Chin, nakita namin sa social media account mo na may nawala sa mga mahal mo sa buhay, kaya ito, kaunting tulong para kahit papaano, mabawasan ang mga isipin mo,” sambit ni Marian sa kaniyang katrabaho saka iniabot ang isang puting sobreng naglalaman ng malaking halagang pera.
“Ah, eh, sa katunayan kasi n’yan…” hindi na natapos ni Chin ang pagpapaliwanag dahil agad nang kinuha ng katrabaho niyang ito ang kaniyang kamay saka ibinigay ang naturang sobre.
“Huwag ka nang mahiya! Ano ka ba? Sige na, kunin mo na ‘yan. Pinag-ambagan ‘yan naming lahat ‘yan,” nakangiti nitong wika saka siya mariing na niyakap bilang pakikiramay.
“Sigurado ba kayo? Hindi naman kailangang magbigay kayo nang ganitong kalaking pera,” pag-aalinlangan niya nang maramdaman ang kapal ng laman ng naturang sobre.
“Ayos lang! Bilang katrabaho namin, ayaw naming labis kang namomroblema. O, paano, balik na ako sa trabaho, ha? Maiwan na kita rito,” paalam nito saka naglakad na palayo.
“Salamat sa inyong lahat, Marian, pakisabi na lang sa kanila, ha?” habol niya rito saka nagpalipad ng halik sa hangin.
“Oo, makakarating!” sagot nito sabay kindat sa kaniya.
Ganoon na lang ang tuwa ng dalagang si Chin nang makatanggap nang malaking halaga ng pera mula sa kaniyang mga katrabaho. Akala kasi ng mga ito, siya’y nawalan ng mahal sa buhay dahil sa ginamit niyang litrato sa kaniyang social media account.
Nais lang talaga niya ng atensyon, likes at mga komento mula sa kaniyang mga kaibigan sa social media kaya niya ito ginawa. Napansin niya kasing kapag ang litratong kandilang nakasindi na may itim na background ang ginagamit ng mga tao sa social media, inuulan ito ng mga komento dahilan upang gayahin niya ito kahit wala namang nawala sa mga kaanak niya.
Labis ang tuwa niya nang marami ang magkomento sa kaniya matapos niyang palitan ang litrato niya rito. Nakatanggap pa siya ng personal na mensahe mula sa mga matalik niyang kaibigan dahil upang maramdaman niya kung gaano karami ang nagmamahal at nag-aalala sa kaniya.
Kaya lang, hindi niya lubos akalaing aabot ang balitang ito hanggang sa pinapasukan niyang kumpanya at bukod pa roon, may abuloy pang binigay ang mga ito dahilan upang labis na lang siyang patagong matuwa.
Noong araw na ‘yon, nang mabilang-bilang niya ang halagang binigay sa kaniya bilang abuloy, ganoon na lang siya natulala.
“Grabe! Dalawang buwang sahod ko na ‘to!” bulong niya sa sarili habang pinipigil ang tuwang nararamdaman.
Wala na siyang sinayang na oras noon. Pagkatapos ng kaniyang trabaho, agad na siyang nagpunta ng mall upang bumili nang magagarang damit na ibibida niya sa social media upang ulanin pa ng komento at likes.
Binili rin niya ang pinapangarap niyang sapatos, kumain sa paborito niyang restawran saka nagpaayos ng buhok at kuko dahilan upang labis siyang makaramdam ng saya.
Ngunit, pagkapasok niya sa trabaho kinabukasan, labis siyang nagtaka dahil nakaupo sa kaniyang upuan ang kanilang boss.
“Naku, mukhang pati si boss, bibigyan ako ng abuloy, ha? Ano kayang magandang bilhin sa perang makukuha ko?” bulong niya sa sarili habang mabagal na naglalakad patungo rito.
Bago pa siya mapansin ng kaniyang boss, umarte muna siyang lungkot na lungkot. Nang maramdaman na nito ang yapak niya, agad na itong tumayo sa upuan niya.
“O, Chin, nabalitaan ko ang nangyari sa’yo, ha?” sambit nito.
“Hirap nga pong tanggapin, eh,” pag-iinarte niya.
“Sino ba ang nawala sa buhay mo? Pumunta kasi ako sa bahay niyo kahapon at nakausap ko ang kapatid mo, wala naman daw nawala sa inyo,” wika nito dahilan upang agad siyang mataranta.
“Ah, eh, ‘yong matalik ko pong kaibigan, sir,” pagrarason niya.
“Sinong matalik na kaibigan? Iyong babaeng may dimples at may bangs?” tanong nito.
“Opo, sir, ‘yon po,” pagsang-ayon niya upang huwag lang mabuko.
“Niloloko mo ako, eh, andoon nga ‘yon sa inyo kahapon. Siya pa ang nagpapasok sa akin sa bahay niyo,” sagot nito dahilan upang mapabuntong hininga na lang siya.
Pinagbantaan siya nitong tatanggalin sa trabaho kapag hindi nagsabi ng totoo dahilan upang agad siyang umamin dito.
Napailing na lang ito at nang kumalat ito sa kanilang opisina, sinisingil siya ng kaniyang mga katrabaho sa abuloy na binigay ng mga ito dahilan upang ganoon na lamang siyang mamroblema.
Doon niya napagtantong ang pasisinungaling at pagpapanggap ay walang maiging maidudulot sa kaniyang buhay.