Inday TrendingInday Trending
Bumili ng Bagong Sapatos ang Dalaga nang Mawala ang Sapatos ng Kaniyang Amo, Nanlumo Siya nang Malaman ang Katotohanan

Bumili ng Bagong Sapatos ang Dalaga nang Mawala ang Sapatos ng Kaniyang Amo, Nanlumo Siya nang Malaman ang Katotohanan

“Hello, Denise, papunta ka na ba rito sa opisina?” tanong ni Clark sa kaniyang sekretarya, isang umaga nang mapagdesisyunan niya itong tawagan upang makisuyo.

“Opo, sir, paalis na po ako pero dadaan po muna akong parke, ipapamigay ko po sa mga batang kalye ro’n ‘yong sobrang pagkain sa party natin kagabi,” punong enerhiyang sagot ni Denise habang nagsusuot ng kaniyang sapatos.

“Ah, mabuti ‘yan!” sagot nito.

“Bakit niyo po natanong, sir? May ipapasuyo po ba kayo bago po ako pumunta r’yan?” tanong niya rito.

“Oo sana, eh, papadaan ko sana sa’yo ‘yong binili kong sapatos d’yan sa may tapat ng inuupahan mong apartment. Ayos lang ba?” sambit nito dahilan upang sipatin niya ang naturang tindahang sa kaniyang bintana.

“Ah, dito po sa may tindahan ng mga sapatos? Grabe, sir, mukhang mamahalin na naman ang binili niyo!” sambit niya nang makita niyang tila mamahalin ang mga sapatos na binebenta ro’n.

“Naku, hindi naman!” sagot nito habang tumawa-tawa.

“Kayo talaga, sir, mapakumbaba! Sige po, kunin ko na po!” sagot niya.

“Salamat, Denise!” tugon nito saka tuluyan nang binaba ang tawag.

Sekretarya sa isang kilalang kumpanya ang dalagang si Denise. Sa tatlong taon niyang paninilbihan sa amo niyang milyonaryo, palagi siya nitong pinupuri dahil sa galing na pinapakita niya.

Wala siyang nakakaligtaan na appointment, lahat ng dokumento’y naipapasa niya sa oras, at higit pa ro’n, kahit mga gawaing hindi naman tungkol sa trabaho ginagawa niya para sa amo niyang ito dahilan upang labis niyang makuha ang loob nito at siya’y lubos na pagkatiwalaan sa lahat ng bagay.

Kung minsan pa nga, sa tuwing may business trip ito sa ibang bansa, siya ang sinasama nito upang humawak nang limpak-limpak na pera. Labis niya itong pinag-iingatan dahil alam niya, isang maling galaw lang niya, maaaring mawala ang trabahong nagbibigay alwan sa buhay ng kaniyang buong pamilya.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang kausapin ang amo, agad na siyang tumawid sa kabilang kalsada upang kuhanin ang sapatos na binili nito at nang makuha na niya ito, agad na siyang dumiretso sa parke upang ibahagi sa mga bata ro’n ang mga pagkain na natira sa pagdiriwang nila kagabi gaya ng mga biscuit, mamon, tubig sa bote, kendi at marami pang iba.

Ganoon na lang ang tuwa niya nang makitang nagtatakbuhan papalapit sa kaniya ang mga batang kalyeng ito na may mga ngiti sa kanilang mga labi dahilan upang ilapag niya ang sapatos na bitbit niya sa upuan doon para maayos na maipamahagi ang mga hawak niyang pagkain.

Pagkatapos niyang ibigay lahat ng ito, napagdesisyunan niyang pumasok na ng trabaho. Sakto pang may tumigil na taxi ro’n dahilan upang agad na siyang sumakay dito.

Mayamaya pa, habang masaya niyang inaalala ang ngiti ng mga batang iyon, bigla niyang naalala ang iniwan niyang sapatos sa upuan ng parke dahilan upang agad niyang pabalikin ang taxi sa naturang parke. “Diyos ko! Sa dami-rami ng pupwedeng makalimutan bakit ‘yon pa! Mahal pa yata sa buhay ko ‘yon!” sambit niya habang bahagyang pinupukpok ang kaniyang ulo.

Katulad ng hinala niya, pagdating niya ro’n, wala na ang iniwang niyang sapatos dahilan upang ganoon na lang siya manlumo at mag-isip ng paraan upang huwag magalit ang kaniyang amo.

Doon niya napagdesisyunang bumili na lang ng kaparehas na sapatos sa tindahan sa tapat ng inuupahan niyang apartment at halos malaglag ang panga niya nang makita niya ang presyo nito.

“Apat na pung libo po talaga ang presyo niyan, sir?” tanong niya sa salesman doon, tumango-tango lang ito at ngumiti saka iniabot sa kaniya ang naturang sapatos.

Nanlalambot niya na lang na inabot dito ang kaniyang credit card saka agad nang umalis.

Mayamaya pa, nakatanggap siya muli ng tawag mula sa kaniyang amo. Kabado niya itong sinagot at lalo siyang nanlumo sa sinabi nito, “Nakita mo na ba ang binili kong sapatos? Ang ganda, ano? Maniniwala ka bang limang daang piso lang ‘yan?” saka ito tumawa nang tumawa.

“Totoo po ba?” tanong niya rito.

“Oo naman, ‘no! Pipinturahan ko lang naman ‘yan kaya mura lang ang binili ko,” sagot nito dahilan upang labis siyang manghinayang sa perang winaldas niya para lang hindi masira ang tiwala ng amo niyang ito.

“Kung inamin ko na lang sana ang ginawa ko, sana hindi pa ako nalagasan nang pinaghirapan kong pera,” mangiyakngiyak niyang sambit.

Advertisement