Inday TrendingInday Trending
Wiling-wili sa Selpon ang Anak ng Ginang na Ito, Isang Parsela ang Nagbigay ng Aral sa Kaniya

Wiling-wili sa Selpon ang Anak ng Ginang na Ito, Isang Parsela ang Nagbigay ng Aral sa Kaniya

“Mare, hindi ba’t kanina pa nagseselpon ‘yang anak mo pagkagising ko sa’yo? Hindi mo ba siya aawatin? Halos apat na oras na siyang nakababad d’yan, ni hindi pa yata nakain,” sambit ni Lourna sa kumare pagkabalik niya sa bahay nito, nang magpasiya siyang kunin na ang ulam na inutang niya rito.

“Naku, hayaan mo siya, mare. Ganyan talaga ‘yan. Kapag ‘yan inawat mo, magagalit pa ‘yan. Mas mabuti nga ‘yan at nasa loob lang ng bahay, hindi mapapahamak sa labas,” kumpiyansadong sagot ni Roxy habang nilalagay sa tasa ang niluto niyang kare-kare.

“Ilang taon na ba siya ulit?” tanong pa nito.

“Apat na taong gulang. Nakakahanga, ano? Sa edad niya, mas marunong pa siyang gumamit ng makabagong teknolohiya kaysa sa akin! Sa katunayan nga, sa pagseselpon ‘yan tumalino kaya hinayaan ko na lang,” pagmamalaki niya sa kakayahan ng anak saka iniabot na sa kumare ang hinihintay nitong ulam.

“Grabe, sobrang bata pa para mahilig sa teknolohiya. Mas mabuti pa ang anak ko…” tila nagpanting ang tainga niya nang ikumpara ang kaniyang anak sa anak nito dahilan upang agad niya itong sagutin.

“Mangmang,” pangbabara niya rito dahilan upang mapataas ang kilay nito, “Pwede ka na umuwi, nakuha mo na ang inutang mong ulam, hindi ba?” dagdag niya pa dahilan upang agad na lumabas ng kanilang bahay ang ginang na iyon.

Sa murang edad, nahilig na sa selpon ang anak ng ginang na si Roxy na labis naman niyang sinusuportahan dahil nakikitaan niya ito ng potensyal sa paglalaan nito ng oras sa makabagong teknolohiya.

Sa katunayan, sa edad nitong apat na taong gulang, para na itong matanda kung humawak ng selpon at makipag-usap sa mga taong nasa paligid nila na labis niyang ikinatutuwa dahil maraming tao ang humahanga rito lalo pa’t madalas, ingles ang ginagamit nitong lenguwahe kahit hindi naman niya tinuturuan.

Palagi niyang sagot kapag may nagtatanong kung paano nahasa sa ingles ang anak, “Nakakapanuod kasi siya ng mga bidyong ingles sa internet kaya ayan, natutong mag-ingles, ang talino ng anak ko, ano?”

Ang hilig na ito ng kaniyang anak ay sinusuportahan niya sa pamamagitan ng pagtitinda niya ng mga lutong ulam. Halos lahat na nga ng kinikita niya rito napupunta na sa pagbabayad ng kanilang internet connection at mga gamit na nakikita ng kaniyang online na gustong-gusto nito.

At sa tuwing may pupuna sa kaugalian ng kaniyang anak at kukuwestiyon sa istilo niya ng pagpapalaki rito, agad na nag-iinit ang kaniyang ulo.

Noong araw na iyon, pagkatapos umalis ng kumare niyang nakapagpainit ng ulo niya, agad niyang hinandaan ng pagkain ang kaniyang anak. Habang ito’y abala sa panunuod ng bidyo sa selpon, ito’y kaniyang sinusubuan ng pagkain. Natutuwa naman siya dahil kahit abala ito sa panunuod, magana pa rin itong kumain.

Ngunit, mayamaya, may kumakatok sa kanilang pintuan habang sumisigaw ng, “Delivery po! Andito po ba si Ma’am Roxy?” dahilan upang agad niya itong pagbuksan ng pintuan.

“Ako ‘yon, bakit?” tanong niya rito.

“Ito na po ‘yong inorder niyong kompyuter, ma’am. Bali tatlongpung piso po lahat kasama na po ang bayad sa delivery,” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

“Ano? Hindi naman ako umo-order niyan! Anong gagawin ko riyan?” mataray niyang sagot dito.

“Naku, ma’am, tignan niyo po ang selpon niyo, umo-order po talaga kayo,” payo nito dahilan upang dali-dali niyang hiramin sa anak ang selpon niya at nang tignan niya ang aplikasyong sinasabi ng delivery boy, nakita niyang andoon nga ang kompyuter na ito.

Doon niya napagtantong ang anak niya ang um-order nito dahilan upang ganoon na lang siya mapakamot ng ulo.

Kahit pa labag sa kalooban niya, binayaran niya ang parselang iyon at nang makita ito ng kaniyang anak, tanging sabi nito, “Bakit ngayon lang ‘yan dumating?” dahilan upang ganoon na lang mag-init ang ulo niya.

Doon niya napag-isip-isip na kailangan niya talagang idisiplina ang anak sa ginawa nito dahil ang tanging perang ipon niya, napunta sa bagay na hindi naman nila kailangan.

Simula noon, unti-unti na niyang binalanse ang oras ng anak sa selpon. Madalas man itong umiyak at sumama ang loob sa kaniya, hinahayaan niya lang ito at pinagsasabihan upang huwag na siyang maperwisyo.

Napag-isipan niya pang baka kapag lalong nasanay ang anak, magkasakit pa ito dahilan upang engganyohin niya itong maglaro sa labas katulad ng ibang mga bata.

Advertisement