Inday TrendingInday Trending
Palaging Sinesermunan ng Ginang ang Anak na Puro Raw Negosyo’t Ayaw Humanap ng “Tunay” na Trabaho, ‘Di Inasahan ng Ina ang Kinahinatnan ng Anak

Palaging Sinesermunan ng Ginang ang Anak na Puro Raw Negosyo’t Ayaw Humanap ng “Tunay” na Trabaho, ‘Di Inasahan ng Ina ang Kinahinatnan ng Anak

“Saan ka na naman pupunta, Jesline?” masungit na tanong ni Berna sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong paalis ng kanilang bahay bitbit-bitbit ang malaking bag nito.

“Sa Divisoria po, mama, mamimili po ako ng mga gamit na pwede ko pong ipangtinda. Medyo matumal na po ‘yong tinitinda kong damit, eh,” tugon nito habang tinutupi ang naturang bag upang isusoksok sa mas maliit na bag na dala rin nito.

“Nakita mo na? Sabi ko naman sa’yo noong una pa lang, gamitin mo ‘yong pinag-aralan mo at maghanap ka ng permanenteng trabaho ro’n katulad ng tatay mo! Tiyak pa na kikita ka ng pera buwan-buwan!” sermon niya rito dahilan upang bahagya itong mapatungo.

“Eh, mama, mas malaki po kasi ang kita sa negosyo kaya ito po ang ginagawa ko,” tugon niya habang tuloy pa rin sa pagtutupi.

“Malaki ang kita? Eh, bakit hanggang ngayon hindi ka pa mayaman? Dalawang taon ka nang pabalik-balik sa Divisoria para bumili ng mga pipichuging gamit upang ibenta! Hanggang ngayon, wala ka pang mapapatunayan sa amin ng tatay mo!” bulyaw niya pa rito dahilan upang maiyak ito.

“Maghintay lang po kayo, mama,” hikbi nito.

“Sana hindi ka na nag-aral, sayang ang pera sa’yo!” sambit niya pa dahilan upang tuluyan na itong umalis ng kanilang bahay nang hindi nagpapaalam sa kaniya.

Simula nang sumugal sa negosyo ang kaniyang anak at balewalain ang apat na taong pinag-aralan nito sa kolehiyo, ganoon na lang labis na nanggalaiti ang ginang na ito. Walang araw na hindi niya pinagsasabihan ang anak niyang ito na maghanap na lang ng trabaho sa Maynila kaysa magtinda ng kung anu-anong gamit sa social media at sa tapat ng bahay nila.

Laging depensa nito sa kaniya, mas malaki raw ang kitaan sa pagtitinda na para naman sa kaniya, isang malaking kalokohan. Wika niya pa, “Kung malaki ang kitaan sa pagtitinda, edi sana, napagawaan niya na kami ng bahay o kahit man lang napaayos ang yero naming malutong pa sa chicharong bulaklak!”

Ngunit, kahit anong sermon niya sa anak niyang ito, hindi pa rin siya nito iniintindi. Kahit anong bigat ng mga salitang binibitawan niya upang magising lang ito sa kahibangan nito sa pagnenegosyo, umiiyak lang ito saka tatakas sa kaniya upang magtinda o kung hindi naman, mamili ng mga paninda dahilan upang lalo siyang magalit dito.

Simula noong araw na matindi niyang sinermunan ang anak niya, minsan na lang itong magpakita sa kaniya at lumabas ng sariling silid. Madalas lang itong nasa loob ng sariling silid habang nagbebenta online. Doon na ito kumain, at nagpapalipas ng magdamag huwag lang makarinig ng sermon mula sa kaniya.

Ilang buwan lang ang lumipas, dumating na ang araw ng kaarawan nito. Hindi niya alam kung kinakailangan niya bang maghanda ng pagkain para rito o kung hahayaan niya lang na dumaan ang araw. Ayaw niya kasing isipin ng kaniyang anak na siya’y nagkamali sa pagsesermon niya rito.

Ngunit, bago pa man siya makapagpasiya kung ano ang gagawin, laking gulat niya nang kumatok sa kaniyang silid ang anak niya ito.

“Anong sadya mo?” mataray niyang tanong dito.

“Para sa inyo po ni papa,” tugon nito saka iniabot sa kaniya ang isang maliit na kahon at agad na umalis ng kaniyang silid.

Kabado niyang binuksan ang kahong iyon at lalo pang kumabog ang dibdib niya nang makitang isa itong susi.

“Susi kaya ng ano ito?” tanong niya habang sinipitan ang bawat bahagi ng naturang susi. Pagkatingin niya sa kahon, mayroon pa siyang nakitang maliit na papel na naglalaman ng address dahilan upang agad niyang gisingin ang kaniyang asawa at pinuntahan nilang dalawa ang naturang lugar.

Pagpunta nila roon, sumalubong sa kaniya ang kaniyang anak pati ilan sa malalapit nilang kaanak lulan ng isang maganda at malaking bahay.

“A-anong ibig sabihin nito, anak?” uutal-utal niyang tanong dito.

“Ito na po ang bunga ng negosyo ko,” mangiyakngiyak na sagot nito, “Pasensya na po kayo kung natagalan,” dagdag pa nito saka siya mahigpit na niyakap dahilan upang maiyak na lang siya sa tuwa.

Doon niya napagtantong imbis na putulin ang matayog na pangarap ng anak dapat pala’y sinuportahan niya ito dahil hindi biro ang ginagawa nitong pakikipagsapalaran sa negosyo.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noong mga panahong iyon. Puno man ng pagsisisi ang kaniyang puso, handa naman na siyang bumawi at sumuporta ngayon sa anak niyang handang gawin at tiisin ang lahat para sa kanilang mag-asawa.

Advertisement