
Hindi Kayang Pahalagahan ng Isang Amo ang Pinakamagaling Niyang Empleyado; Pasisisihan Niya ang Pagsisante Rito
“Binabati ka namin, pare. Alam naming lahat dito na ideya mo ang iprinisinta ni boss sa mga kliyente kaya nakuha natin ang proyekto. Saan ang selebrasyon mamaya? Malamang ako malaki ang ibibigay sa iyong porsyento ni boss,” saad kay Miguel ng kaniyang kaibigan at katrabaho na si Rommel.
“Naku, hindi. Bago pa lamang simulan ang proyektong iyon ay nilinaw na niya sa akin na trabaho ko talaga iyon at binabayaran niya ako para doon. Pero kahit wala akong makukuha ay ililibre kita mamaya kahit tig-dalawang bote lang tayo ng beer. Kailangan ka rin ng konting dibersyon,” tugon naman ng ginoo.
Matagal na ring nagtatrabaho si Miguel sa kumpanya ni Ginoong Reyes bilang isang arkitekto. Kilala siya sa pagiging magaling at isang magandang ehemplo sa mga kapwa empleyado. Simula nang magtrabaho siya sa kumpanyang ito ay hindi man lamang siya nahuli sa kahit isang araw.
Madalas pa siyang mag-overtime at madalas din niyang iuwi ang kaniyang mga trabaho. Basta siya ang gumawa ay laging nagugustuhan ng mga kliyente ang kaniyang mga proyekto.
Kaya ganoon na lamang ang panghihinayang ng kaniyang kaibigan na si Rommel dahil ‘ika nga nito ay mas magaling pa ito sa kanilang boss.
Matapos ang kanilang trabaho ng araw na iyon ay agad na nagtungo ang dalawa sa isang malapit na bar.
“Alam mo sa totoo lang, pare, hindi ka nababagay sa opisina natin. Mahihigitan mo pa ‘yun kapag nagsarili ka,” sambit ni Rommel sa kaibigan.
“Puro ka kalokohan. Inuuto mo lang ako, e. Sige, ililibre na rin kita ng pulutan at dalawang bote pa ng beer,” natatawang saad ni Miguel.
“Hindi kita niloloko, pare. Bakit hindi mo subukan? Magiging madali lang ang lahat sa iyo kasi marami ng kliyente ang nagtitiwala sa iyo. Saka kung sakaling magtatayo ka ng sarili mong opisina ay sasama ako! Pangako ‘yan!” wika muli ng kaibigan.
“Siya nga pala, pare, bakit napapansin ko parang wala ka ata sa sarili nitong mga nakaraan? May problema ka ba?” muling tanong ni Rommel.
“Si Sally kasi, pare. Gusto na niyang makipahiwalay sa akin. Sa tingin ko naman talaga ay ako ang may kasalanan. Lagi na lang akong abala sa trabaho at nagkukulang talaga ako ng oras para sa kanila. Hindi ko rin naman ito gusto. Kung paipiliin nga ako ay mas gusto kong makasama sila. Ngunit ano ang gagawin ko? Gusto kong maibigay sa kanila ang magandang buhay,” paliwanag pa ni Miguel.
“Kapag nakipaghiwalay siya sa akin ay baka hindi ko na rin makita pa ang mga anak ko. Naguguluhan ako, pare. Hindi ko na rin kasi sigurado kung mahal pa ako ng asawa ko,” dagdag pa nito.
Dahil sa labis na pag-aalala ni Miguel ay madalas ay nawawala ang pokus nito sa trabaho. Sa unang pagkakataon sa loob ng ilang taon ay nahuli ito sa trabaho.
“Alam mong may meeting tayo, Miguel. Hindi gawain ito ng isang propesyonal! Kapag hindi natin nakuha ang proyekto ay malilintikan ka sa akin!” saad ni Ginoong Reyes.
Napayuko na lamang si Miguel.
Kinabukasan ay nahuli na naman siya sa trabaho. Dahil dito ay muli siyang kinagalitan ng kaniyang boss.
“Isa pa, Miguel, humanap ka na ng ibang trabaho! Hindi kita pinapasweldo dito para tumunganga lang at pumasok ng tanghali. Aba’y dinaig mo pa ako, a. Kanina pa ako narito!” muling sambit ng amo.
Habang nakatitig sa kaniyang kompyuter itong si Miguel ay nilapitan siya ng kaibigan.
“Hayaan mo na si boss. Alam mo naman ‘yun malakas ang toyo talaga nun. Ayos ka lang ba talaga, pare?” sambit ni Rommel.
“Umalis na sa bahay namin si Sally at isinama niya ang mga bata. Napapaisip lang ako ngayon, Rommel, kung tama ba na ibinuhos ko ang oras at lahat ng lakas ko dito para sa kumpanya at sa mga oras na ako naman ang nangangailangan ay hindi man lamang ako kayang pagpaliwanagin,” tugon ni Miguel.
“Baka tama nga si boss. Kailangan ay humanap na ako ng bagong trabaho,” dagdag pa nito.
Pinag-isipan ni Miguel ng mabuti ang kaniyang gagawing desisyon. Hanggang sa buo na ang kaniyang loob na lisanin ang kumpanya.
“Sa tingin mo ay makakahanap ka pa ng mas magandang kumpanya bukod dito? Sige, hindi ko kailangan ang mga katulad mo,” matapang na sambit ni Ginoong Reyes.
Tuluyan na siyang umalis sa kumpanya ni Ginoong Reyes. Ngunit ang hindi alam ng malupit na amo ay hindi maghahanap ng bagong pagtatrabahuhang kumpanya si Miguel. Magtatayo ito ng sarili niyang opisina!
Hindi naging madali kay Miguel ang simula ng kaniyang kumpanya. Marami rin ang nagkwestiyon kung kaya ba talaga ng isang kagaya niya ang pamahalaan ang isang uri ng negosyo.
Ngunit naging buo ang loob ng ginoo. Kasama niya ang kaniyang matalik na kaibigan na tinupad ang kaniyang pangako na sasama ito sa kaniya kung sakaling magtatayo ng sariling kumpanya.
Dahil sa galing ay unti-unting nakilala ang kumpaniya ni Miguel. At sa loob lamang ng dalawang taon ay naging mabilis ang pag-asenso nito. Mas hinigitan na niya ang inalisang kumpanya ni Ginoong Reyes.
Nang magkita ang dalawa ay hindi naiwasan ni Ginoong Reyes na magtanong kay Miguel.
“Ano ang ginawa mo upang maungusan ako? Siguro ay malakas ang kapit mo, ano?” saad ng dating amo.
“Oo, malakas talaga ang kapit ko. Walang iba kung hindi ang Panginoon,” sagot ni Miguel nang walang pagaalinlangan.
“Alam mo kung ano ang pagkakaiba natin Ginoong Reyes? Matapat ako sa mga tauhan ko. Pinahahalagahan ko sila kagaya ng pagpapahalaga nila sa kanilang trabaho. At dahil doon ay mas higit silang nagiging produktibo. Dahil doon ay lalo nilang nailalabas ang kanilang galing,” saad ni Miguel.
“At isa pa, nagpapasalamat ako sa inyo, Ginoong Reyes. Kung hindi niyo kasi ako pinakitaan ng masama ay hindi ko siguro maiisip kung ano talaga ang halaga ko at kung gaano ako kagaling. Salamat nang dahil sa iyo ay ginawa ko ang lahat ng ito. Ngayon ay naiayos ko na ang aking pamilya,” wika pa ng ginoo.
Labis na pagkapahiya ang naramdaman ni Ginoong Reyes. Hindi niya akalain na sa maikling panahon ay magtatagumpay ang dating tauhan.
Labis din ang saya ni Miguel dahil simula nang magtayo siya ng sarili niyang kumpanya ay nagkaroon na siya ng oras para sa pamilya. Naayos na niya ang relasyon nilang mag-asawa at muli silang nagkabalikan.
Ngayon ay kapit kamay niya ang kaniyang pamilya sa pag-abot ng tagumpay.