Inday TrendingInday Trending
Gulung-gulo na ang Isip ng Ina Kung Paano Bubuhayin ang Anak; Hindi Niya Akalaing Nasa Teddy Bear Nito ang Kasagutan

Gulung-gulo na ang Isip ng Ina Kung Paano Bubuhayin ang Anak; Hindi Niya Akalaing Nasa Teddy Bear Nito ang Kasagutan

“Nanay, tara na po at umuwi na po tayo sa bahay. Nilalamok na po ako rito,” saad ni Hannah sa kaniyang inang si Alice habang sila ay nasa batis.

“Saglit na lamang ito, anak, at matatapos na rin ako sa paglalaba. Kailangan ko kasi itong matapos na para bukas ay maihatid ko na kina Ginang Romero at Ginang Teodoro. Sayang din kasi ang kikitain natin, anak. Maipapambili na natin iyon ng ulam,” tugon naman ng ina habang nagbabanlaw ng mga damit.

“Gusto niyo po ba, nanay, tulungan ko na po kayo riyan? Kaya ko rin pong magbanlaw at magpiga,” muling sambit ng bata.

“Huwag na, anak, at mababasa ka pa. Umupo ka na lamang riyan sandali at laruin mo na lang ang teddy bear mo. Sandali na lamang ay matatapos na rin ako,” muling saad ni Alice.

“Nanay, bakit ba kailangan niyo pa pong maglaba? Bakit hindi na lamang po kayo makisama sa mga tao doon sa may malapit sa paanan ng bundok? Ang sabi po ng kalaro ko ay doon daw po pumupunta ang mga magulang nila araw-araw at naghahanap po ng dyamante,” kwento ng bata.

“Ang sabi pa raw po kasi sa mga kwento ay nalaglag daw po ng isang matandang mayaman ang mga pag-aari niyang brilyante noon. Kapag daw po nahanap natin iyon ay sa atin na at may katumbas daw po itong malaking halaga. Kapag tayo ang nakahanap nun, siguradong yayaman po tayo at hindi na kayo maglalaba ng damit ng ibang tao,” pahayag pa ni Hannah.

“Naku, matagal na kasabihan na iyan, Hannah. Narinig ko pa iyan sa mga lola ko. Pero wala namang ni isa na nakapagpatunay na mayroong mga nalaglag ngang dyamante. Sayang ang mauubos kong oras sa paghahanap. Mabuti pa dito sa paglalabada kahit paano ay araw-araw tayong may kita,” paliwanag pa ni Alice.

“Tapos na ako rito, anak. Tara na, tumayo ka na riyan at uuwi na tayo. Maglinis ka na ng katawan mo pag-uwi at ako nama’y magsasampay,” saad ng ina.

Agad na tumayo si Hannah upang tulungan ang ina.

“O, nakalimutan mo ang teddy bear mo. Ingatan mo iyan sapagkat laruan ko pa iyan nung bata ako. Ang lola ko mismo ang nagtahi ng laruang iyan. Alam mo noong bata pa ako, gusto ng lola kong nakikita na lagi ko iyang kayakap. Ayaw rin niyang iniiwan ko lamang iyan basta-basta. Iyan na lang ang tangi niyang alaala sa akin kaya ingatan mo iyan, anak,” dagdag pa ni Alice.

Masayang umuwi ang mag-ina. Kahit na halatang nahihirapan ay hindi mo mababakas sa mukha ni Alice ang bigat ng dala-dalang mga damit nito. Lahat ay kakayanin niya para lamang sa kaniyang nag-iisang anak na si Hannah.

“Kung siguro po buhay ang tatay ay hindi niyo na po kailangan pang magtrabaho. Hayaan mo, ‘nay, paglaki ko po pipilitin ko pong yumaman na tayo. Tapos ay hinding-hindi na kayo mahihirapan pa,” saad pa ng bata.

Habang sinasabi ito ni Hannah ay mababanaad mo na tila may kurot sa puso ni Alice. Hindi na kasi nasilayan pa nito ang kaniyang ama na nalunod mula sa pangingisda noong nasa sinapupunan pa lamang siya ng ginang.

Simula noon ay mag-isa na rin niyang tinaguyod ang anak. Wala din naman siyang tinapos sa pag-aaral kaya tanging paglalabada lang ang nakuha niyang pagkakakitaan. Pinoproblema pa niya ngayon dahil sa susunod na pasukan ay kailangan nang mag-aral ni Hannah.

Habang pinapatulog ni Alice ang anak ay hindi niya napigilan ang pumatak ang kaniyang mga luha. Batid kasi niya na hindi niya mabibigyan ng magandang kinabuksan ang kaniyang anak. Ni hindi niya alam kung mapapagtapos niya ito sa pag-aaral.

“Anak, pasensiya ka na at ito lang ang buhay na kayang ibigay ni nanay sa’yo. Sa totoo lang ay sobrang higit pa rito ang nararapat para sa iyo. Kung kaya ko lamang ibigay ang lahat ng pangangailangan mo ay gagawin ko. Sana kung may mga pagkukulang ang nanay ay huwag kang magdaramdam sa akin,” sambit ni Alice sa anak.

“Nanay, basta magkasama po tayo ay sapat na sa akin. Basta ipangako po ninyo na hindi niyo ako iiwan. Kahit po saan at kahit anong klaseng buhay ay ayos lamang sa akin basta magkasama tayo. Masaya po ako kapag narito kayo lagi sa aking tabi,” tugon naman ng anak.

Habang mahimbing na natutulog ang bata ay siya namang hindi mapakali si Alice. Kung anu-anong pumapasok sa kaniyang isipan.

“Panginoon, ibinigay po ninyo sa akin ang batang ito. Bigyan niyo ako ng lakas at haba ng buhay upang maalagaan ko siya at mabigyan ko siya ng magandang kinabukasan,” panalangin ni Alice.

Hanggang sa sumagi sa kaniyang isipan ang sinasabi ng kaniyang anak tungkol sa mga brilyante na hinahanap ng ilang kapitbahay. Napailing siya sapagkat alam niyang suntok sa buwan na makahanap siya nito. Kaya gusto man niyang subukan ay hindi na niya magawa.

Nakukulta na ang kaniyang isipan sa kakaisip ng paraan kung paano niya bubuhayin ang anak.

Hanggang sa napatingin siya sa teddy bear ng kaniyang anak. Napabuntong-hininga siya sapagkat naalala niya ang kaniyang lola.

“Hay, lola, kung narito sana kayo ay mapapayuhan niyo ako ng dapat kong gawin. Hindi sana ganitong kabigat ang nararamdaman ng dibdib ko dahil alam kong may masasabihan ako,” sambit niya habang mahigpit na yakap ang kaniyang teddy bear.

Sa pagyakap niyang iyon ng mahigpit ay parang may nakapa siya sa loob nito. Biglang bumalik sa kaniyang alaala ng kaniyang kabataan. Na sa tuwing niyayakap niya ito ay may kung ano siyang nakakapa sa loob.

Kapag tinatanong niya ang lola niya ay simple lang ang sinasagot nito.

“”Baka dumating ang panahon na matanggal na ang mata niyang teddy bear. Nariyan sa loob ang kapalit para hindi magbago ang itsura. Pero tinibayan ko ang pagtahi niyan. Tandaan mo, Alice, huwag mong iaalis sa iyong tingin ang laruang ito. Ito lamang ang tanging maipapamana ko sa iyo,” wika ng kaniyang lola.

Sa kaniyang labis na pagtataka ay nais niyang tastasin sana ang teddy bear at tingnan talaga kung ano ang nasa loob nito.

Sinindihan niya ang gasera at maingat niyang tinastas ang teddy bear. Sa mga pagitan ng bulak ay hinanap niya ang mga nakakapa niyang wari’y mga mata ng teddy bear.

At laking gulat niya ng makakita ng isang maliit na plastik at naglalaman ito ng mga dyamante. Nang halungkatin pa niya ang mga bulak ay nakita niya ang maliit na kapiraso ng papel na sulat ng kaniyang lola.

Totoo ang mga sabi-sabi tungkol sa dyamante. Ngunit hindi ito nalaglag ng matanda. Ibinigay niya ito sa akin bilang pabuya dahil tinulungan ko siya mula sa mga masasamang loob. Ngunit ayoko na pagkaguluhan ito kaya tinago ko na lamang. Gamitin mo ito upang magbago ang buhay mo. Ipangako mo sa akin na gagamitin mo lamang ito sa kabutihan para sa iyong magandang kinabukasan.

Napaluha na lamang si Alice dahil dito. Tila dininig ng Diyos ang kaniyang mga panalangin. Labis ang pasasalamat ni Alice sa kaniyang lola dahil mula noon at hanggang ngayon ay ginagabayan siya nito.

Sadyang napabago ng mga dyamanteng ito ang takbo ng buhay ng mag-ina. Tuluyan na silang nanirahan sa Maynila at doon ay nagsimula ng negosyo. Sinigurado na rin ni Alice na mayroong nakalaan para sa pag-aaral ni Hannah hanggang kolehiyo at kahit anong kurso pa ang naisin nitong kunin.

Hindi makapaniwala si Alice na sa isang iglap ay magbabago ang kaniyang buhay. Napapangiti na lamang siya habang tinititigan ang teddy bear na mula sa kaniyang lola.

Advertisement