
Labag sa Loob ng Isang Dalaga ang Pangarap sa Kaniya ng Ama; Nang Dahil sa Palaka ay Itutuloy Niya ang Nais ng Kaniyang Puso
“O, bes, bakit parang nasa lamay ka naman?! Matagal na nating inaasam ang bakasyon na ito at narito na tayo ngayon! Hindi ba dapat ay masaya ka?” wika ni Belle sa kaniyang kaibigang si Andrea.
“Masaya naman ako, bes. Pero hindi ko lang talaga maiwasan ang malungkot kasi alam kong matatapos din naman itong bakasyon natin at pagbalik natin sa mga pamilya natin ay kailangan kong harapin ang totoong naghihintay sa akin.
Kung pwede nga lang sana na manatili na lang ako sito sa Indonesia ay ginawa ko na,” tugon naman ni Andrea.
“Hindi mo pa rin ba nasasabi sa daddy mo na ayaw mo talagang maging abogado? Baka kapag kinausap mo siya ay maintindihan niya. Ipakita mo sa kaniya ang mga kuha mong larawan at mga kuha mong bidyo. Baka sakaling magbago ang kaniyang isip,” pahayag ng kaibigan.
“Imposible nang magbago ang isip ni daddy. Sa ilang henerasyon ng pamilya namin lahat ay naging hukom o abogado. Kaya ito rin ang nais niya para sa akin.
Dati nga ay napansin niya ang hilig ko sa pagbyahe at pagkuha ng larawan, agad niyang sinabi sa akin na hindi ito isang magandang propesyon. Nakakababa tuloy ng dignidad, bes,” paliwanag ni Andrea.
“Malaking problema nga iyan. Pero saka mo na isipin ‘yan! Tara na at mag-enjoy muna tayo. Pagbalik na lang natin sa Pilipinas saka mo iyan problemahin ulit!” wika muli ni Belle.
Bata pa lamang si Andrea ay nais na niyang maging isang artista o ‘di naman kaya ay host. Madalas siyang maglaro noon na tila binibidyo niya ang kaniyang sarili habang ipinakikita ang magagandang lugar sa mundo.
Malayung-malayo ito sa nais ng kaniyang ama. Para kasi sa kaniyang daddy ay nakatadhana ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya na maging isang abogado at kailangang sundin ito ng dalaga.
Labag man sa kaniyang loob ay pagbalik niya sa Pilipinas ay tuluyan na siyang papasok sa eskwela upang matupad ang pangarap ng ama para sa kaniya.
“Hindi mo lang alam kung gaano ko pinapangarap na huwag na lamang umuwi ng Pilipinas at maging isang vlogger. Uso naman ‘yun ngayon ‘di ba? Lilibutin ko ang mundo at ipapakita ko ang ganda nito sa mga kababayan natin at sa lahat ng tao na para bang kasama ko silang nagbabakasyon,” kwento ni Andrea sa kaniyang kaibigan.
“Kaya nga kung ako sa iyo ay sabihin mo na sa daddy mo. Gusto mo ay tawagan mo na siya ngayon para sabihin ang plano mo,” saad naman ng dalaga.
Napabuntong hininga na lamang ang dalaga.
“Sige. Kahit na alam kong hindi siya papayag ay ipapaliwanag ko sa kaniya. Sana ay maintindihan niya ako,” tugon ni Andrea.
Naglakas ng loob si Andrea na kausapin ang kaniyang ama sa telepono upang ipaalam dito kung gaano siya kasaya sa nasabing bakasyon. Ikinuwento niya ang kanilang mga pinuntahan at mga aktibidad na kanilang ginawa sa Indonesia.
“Mabuti naman at nagustuhan mo ang bakasyon mo. Kasi pag-uwi mo rito ay kailangang wala nang gagambala pa sa iyo sa pag-aaral mo ng abogasya,” wika pa ng ama.
“Dad, iyon nga sana ang gusto kong pag-usapan natin. Habang nananatili po kasi ako dito ay nais kong itanong sa inyo kung pwedeng huwag na lang akong maging isang abogado. Hindi ko naman talaga kayang pantayan ang mga narating niyo. Isa pa, may iba po akong gustong gawin sa buhay ko,” wika ng dalaga.
“Ano na naman? Ipipilit mo na naman iyang pagkuha-kuha mo ng bidyo at paglilitrato. Hindi totoong propesyon iyan! Dala-dala mo ang apelyido natin, Andrea, huwag mo kaming bigyan ng kahihiyan. Tapusin mo na ang bakasyon mo at umuwi ka na rito para makapokus ka sa pag-aaral!” giit ng ama.
Labis na lungkot ang naramdaman ni Andrea. Ngunit hindi niya ring kayang ipahiya ang kaniyang mga magulang. Ayaw niyang bigyan ang mga ito ng sama ng loob.
“Kaya susundin mo na lang ang sinabi ng daddy mo? Magiging magaling kang vlogger, Andrea. Isa pa ito talaga ang gusto mo. Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?” wika pa ni Belle.
“Siguro ay nakatadhana na nga ako na maging isang abogado. Tanggap ko na, bes. Kailangan kong kalimutan ang gusto ko para sa mga magulang ko,” saad naman ni Andrea.
Nararamdaman ni Belle ang lungkot sa puso ng matalik na kaibigan. Habang pabalik ng kanilang tinutuluyang hotel ay nakita nila ang isang matanda na nagtitinda ng kakaibang putahe. Mga palakang bukid ang kaniyang mga ginagamit.
Nagkaroon ng ideya si Belle.
“Natatandaan mo ba ang eksperimento natin noon sa palaka noong hayskul pa lamang tayo, bes?” tanong niya sa lkaibigan.
Pilit na inaalala ito ni Andrea ngunit hindi niya matandaan.
“Hindi ba nakita natin noon sa bukid ang mga matatanda na kumakain ng palakang bukid at nais natin itong gayahin? Sumubok tayong maglagay ng palaka sa mainit na tubig ngunit bigla itong tumalon nang maramdaman ito. Tapos ang sabi sa atin nung matanda ay ilagay ito sa malamig na tubig at saka pakuluin. Mananatili ang palaka at hindi ito aalis,” kwento ni Belle.
“Kawawang mga palaka. Tila maligaya pa sila. Akala nila ay mapapabuti ang kanilang buhay ngunit ang totoo ay mapapahamak sila,” saad naman ni Andrea.
“Sa tingin ko ay ganun din sa totoong buhay. Minsan ay kailangan nating magdesisyon at umalis sa komportableng sitwasyon upang umunlad tayo kaysa manatili sa isang sitwasyon na bandang huli ay ikakapahamak natin.
Hindi ka mapapahamak sa pagiging isang abogado at hindi mo naman talaga alam kung uunlad ang buhay mo kung susundin mo ang pangarap mo. Pero maiksi lamang ang buhay, bes, bakit hindi na lamang natin gamitin ito sa paghanap ng ating kaligayahan,” pahayag muli ng dalaga.
Napaisip nang malalim si Andrea sa sinabi ng kaniyang matalik na kaibigan. Sa puntong iyon ay buo na ang kaniyang desisyon na hindi na muna bumalik ng Pilipinas at ipagpatuloy ang kaniyang nais gawin at maging isang vlogger.
Hindi man niya tiyak kung ano ang mangyayari sa kaniyang buhay ngayon, isa lang ang alam niya, na kailangan niyang gumawa ng isang hakbang patungo sa kaniyang pangarap kahit gaano pa man ito kabaliw sa tingin ng iba.
Tinawagan niya ang ama at sinabi niya ang kaniyang plano. Tulad ng inaasahan ay galit na galit ito at tuluyan siyang itinakwil.
Hindi naging madali ngunit makalipas ang ilang taon ay naging sikat itong vlogger. Naging tanyag siya sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nagkamit ng ilang karanagalan. Nagkaroon na rin siya ng sariling TV show sa ibang bansa.
Nagkaayos na rin sila ng ama at natanggap na nito ang desisyon ni Andrea na hindi maging isang abogado at sundin ang sariling mga pangarap.
Napatunayan ni Andrea na may kinahinatnan ang pagsugal niya sa kaniyang mga pangarap.