Inday TrendingInday Trending
Masama ang Trato ng Isang Matandang Amo sa Tauhan Niya; Magbabago ang Lahat nang Pakitaan Siya Nito ng Kabutihan

Masama ang Trato ng Isang Matandang Amo sa Tauhan Niya; Magbabago ang Lahat nang Pakitaan Siya Nito ng Kabutihan

“Rex, hindi ba sinabi ko na sa’yo na iabot mo na itong mga papeles sa kartero nang maipadala na sa mga tao. Bakit hanggang ngayon ay narito pa ang mga ito? Paano nila malalaman na kailangan na nilang magbayad?” sigaw ng matandang boss na si Rodrigo sa kaniyang tauhan.

“Naipadala ko na po ang ilang papeles, sir. Kaso ang mga natira po rito ay ‘yung mga sumulat sa atin at nanghihingi ng kaunting panahon pa para magbayad,” paliwanag ni Rex.

“At nagdesisyon ka ng walang pahintulot ko? Baka gusto mo ay ibawas ko sa sahod mo ang lahat ng iyan?! Hindi kita pinapasweldo para maawa sa mga iyan. Magagaling kapag nangungutang tapos kapag bayaran na ay magmamakaawa. Lending ang negosyo ng ating kumpanya, hindi charity!” sambit muli ng amo.

“Ayusin mo ang trabaho mo, Rex. Sa susunod ay talagang ibabawas ko na sa iyo ‘yan! Walang maasahan nang maayos dito!” dagdag pa nito.

“Sige po, sir. Pasensiya na po kayo,” wika pa ni Rex.

Pagbalik niya sa kaniyang upuan ay agad siyang kinausap ng kaniyang kasamahan at kaibigang si Mark.

“Nasabon ka na naman! Tingnan mo ang ugali ng matandang amo natin na iyan. Kaya walang nagtatagal na empleyado sa kaniya dahil ganiyan siya. Ikaw lang talaga, pare, ang bukod tanging gustong manatili dito. Kung alam ko nga lang na ganiyan ang boss natin umpisa pa lang ay hindi na ako pumasok sa opisina na ito,” wika ni Mark sa ginoo.

“Naiintindihan ko naman si Ginoong Rodrigo. Siguro ay pinangangalagaan lang din niya ang kumpanya. Nagkamali naman talaga ako roon kasi akala ko ay pwede kong bigyan ng palugit ang mga ito. Sabi niya sa kasi sa akin noong nakaraan ay ako na raw ang bahala sa mga sulat na natanggap niya,” paliwanag naman ni Rex.

“O ‘di ba, parang may tama talaga sa ulo ang matandang iyan. Kaya hindi na talaga ako makapaghintay na matapos ang buwan na ito at matuloy na ang resignation ko,” muling sambit ni Mark.

“Sigurado ka bang ayaw mo pang umalis dito? Parang impyerno na ang buhay natin dito, Rex. Mababa na nga ang pasahod ay higit pa sa demonyo ang amo natin,” dagdag pa ng kaibigan.

Ngunit sa totoo lamang ay makailang beses na ring naisip ng ginoo na lisanin ang kaniyang trabaho. Ngunit naniniwala siya na kahit may kasamaan ang ugali ng kaniyang boss ay mabuti din ang kalooban nito. Hindi man mataas ang kanilang sahod ay hindi ito kailanman nahuli ng pagbibigay sa kanila. Sa panahon kasi ngayon ay mahirap nang maghanap ng trabahong tunay na nakabubuhay ng pamilya.

Apat na taon na rin si Rex sa kumpanya. Halos lahat na yata ng kasabay niya sa trabaho ay nagsialisan na. Marami ang humahanga sa kaniyang pasensiya at determinasyon. Siya lamang ata ang kaisa-isang may ngiti tuwing papasok ng opisina.

Isang araw ay nais sanang magpaalam ni Rex sa kaniyang amo upang makadalo ng pagtatapos ng kaniyang anak.

“Graduation po kasi niya at tatanggap siya ng medalya. Naipangako ko po sa kaniya na ako ang magsasabit nito,” saad ni Rex sa matandang amo.

“Alam mong may trabaho ka sa araw na iyon, bakit ka nangangako sa anak mo? Hindi ba may asawa ka pa naman. Siya na lang ang pagsabitin mo ng medalya. Hindi ka pwedeng lumiban dahil marami tayong trabaho!” galit na sambit ni Rodrigo.

“P-pero, natapos ko naman na po ang trabaho para sa linggong ito. Ilang beses po akong nag overtime para matapos ko. Sa loob ng ilang taon, sir, ngayon pa lamang po ako magpapaalam na hindi ako makakapasok. Sana naman po ay mapagbigyan niyo ako,” saad muli ng ginoo.

“Hindi naman importante ang ganiyang pangyayari. Sasabitan lang ng medalya ay bakit lahat pa kayo? Tapos na ang usapang ito, hindi ka liliban!” wika pa ng amo.

Hindi alam ni Rex ang kaniyang mararamdaman. Sa loob ng apat na taong tapat na pagtatrabaho ay wala siyang hiningi sa kaniyang amo. Ngayon lamang siya hihingi ng pabor at hindi pa ito napagbigyan. Sa katunayan nga ay karapatan niya ito.

Kinabusakan ay nais sana ni Rex na muling makiusap sa kaniyang amo. Baka kasi sa pagkakataong ito ay maliwanagan na ang matanda at payagan na siya.

Ngunit pagpasok pa lang niya sa opisina nito ay inunahan na siya ni Rodrigo.

“Kung magpapaalam ka muli sa akin ay ‘wag mo nang tangkain. Kung gusto mo ay tulad ng ibang mga kasamahan mo ay mag-resign ka na lang kung hindi mo nagugustuhan ang pamamalakad ko,” saad ng amo.

“Naiintindihan ko po. Nagbabakasakali lamang po ako,” tugon naman ni Rex.

Palabas na sana siya ng tanggapan ng matanda nang bigla na lamang itong nabuwal.

“Sir! Sir! Gumising po kayo!” sambit ni rex habang pinipilit niyang buhatin mula sa sahig ang matandang amo.

Agad siyang tumawag ng ambulansya upang madala ito sa ospital.

Nang makarating sila sa ospital ay hindi ito iniwan ni Rex.

“Wala ba siyang kamag-anak man lamang na narito? Kailangan kasi naming makausap ang asawa niya o kahit mga anak niya,” saad ng doktor.

“Malubha ang kalagayan ni Ginoong Rodrigo. Na-stroke siya at hanggang ngayon ay walang malay. May nakakabit nang makina sa kaniya upang tulungan siyang huminga,” paliwanag pa nito.

Agad na tinawagan ni Rex ang mga anak ng matanda dahil matagal nang sumakabilang buhay ang asawa nito. Ngunit pagdating nila ay tila wala man lamang silang simpatya sa kalagayan ng matanda.

“Ano po ang balak niyo kay Ginoong Rodrigo? Kailangan po namin kayong makausap para sa malaman niyo ang tunay niyang kalagayan. Kailangan niyo rin pong malaman ang dapat gawin sa kaniya at magiging gastos dito sa ospital,” saad pa ng doktor.

Maya-maya pa ay nagtalo na ang tatlong mga anak ni Ginoong Rodrigo.

“Hindi ko kayang magbantay dito sa daddy! Kayo na lang ang gumawa niyan!” saad ng panganay na anak.

“May pera naman siya ‘di ba? ‘Yung sa kumpanya niya. Gastusin na lang kaya natin lahat dito?” saad ng isa pa ng anak.

“Basta, bahala na kayong magdesisyon riyan. Matanda na rin naman ang daddy. Baka pwedeng hindi na natin pahirapan pa ang isa’t isa,” wika naman ng bunso.

Labis na nabahala si Rex sa kaniyang mga narinig. Bigla siyang nakaramdaman ng habag sa kaniyang sa kaniyang amo. Ngayon niya naunawaan na baka kaya ganito ang ugali nito ay hindi kasi siya masaya sa kaniyang pamilya.

“Ako na po ang magbabantay sa kaniya,” saad ni Rex.

“May mga darating naman pong pera sa kumpanya baka pwede pong iyon muna ang gamitin ko para maipagamot ang daddy niyo,” wika pa ng ginoo.

“Ikaw ang bahala. Pero kung ano man ang mangyari sa daddy ay huwag kang maghabol ng kahit anong bayad dahil siya ang amo mo at hindi kami. Siya ang dapat na magpasweldo sa iyo,” saad ng panganay na anak.

Simula noon ay naging matiyaga si Rex sa pagbabantay sa kaniyang amo. Makalipas ang tatlong araw ay himalang nagising ito.

Nang makita ni Rex na gising na ang amo ay agad niya itong nilapitan.

“Pasensiya na po kayo at hindi po ako nakapasok sa opisina. Naiwanan ko na po ang mga trabaho ko. Kailangan ko po kasing masiguro na ayos kayo rito,” pahayag ni Rex.

Bigla na lamang tumulo ang luha ng matanda.

“Narinig ko ang lahat ng usapan ninyo ng aking mga anak. Hindi ako makapaniwala na sa kabila ng lahat ng masasamang ipinakita ko sa iyo ay ganito pa rin ang gagawin mo sa akin,” sambit ni Ginoong Rodrigo.

“Mabuti ka pa, may pagtingin ka sa akin. Ang mga anak ko simula nang magkaroon na sila ng kani-kaniyang mga buhay ay hindi na ako naalala. Ang tingin na lamang nila sa akin ay problema. Kaya kahit matanda na ako ay hindi pa rin ako tumitigil sa pagtatrabaho dahil alam kong pagdating ng araw ay wala akong mapapala sa kanila,” wika naman ng matanda.

“Alam ko po na sa loob ninyo ay may tinatago kayong kabutihan. Pinagtatakpan niyo lamang po ang inyong lungkot kaya kayo nagkaganiyan,” saad naman ni Rex.

Nahihiya man ay lubos ang pasasalamat ni Ginoong Rodrigo sa ginoo. Si Rex ang nag-alaga sa kaniya hanggang sa tuluyan itong gumaling at makabalik sa trabaho.

Bilang pasasalamat sa ginoo ay pinayagan niya na itong lumiban sa araw ng graduation ng kaniyang anak upang makapiling din ang kaniyang pamilya.

Pinaanyayahan naman ni Rex ang kaniyang boss na sumama sa kanila.

Mula noon ay naging mabuting magkaibigan na ang dalawa. Nang mamayapa si Ginoong Rodrigo ay ipinamana nito ang kumpanya sa pinakamabuti at pinakamatiyaga niyang empleyado na si Rex.

Advertisement