Inday TrendingInday Trending
Nakakakita ng Maiiksing Liham sa Bulsa ng Pantalon ng Amo ang Kasambahay; Magugulat Siya sa Katotohanang Lalabas

Nakakakita ng Maiiksing Liham sa Bulsa ng Pantalon ng Amo ang Kasambahay; Magugulat Siya sa Katotohanang Lalabas

Anim na taon nang namamasukan bilang kasambahay si Nelia sa pamilyang Cruz. Para sa kaniya ay maswerte siya sa kaniyang mga naging amo dahil bukod sa mataas itong magpasahod ay mababait pa ang mga ito. Hindi nga niya maramdaman na iba siya sa bahay dahil pamilya na rin ang turing sa kaniya.

Hanga rin siya sa pagsasama ng mag-asawang amo na sina Christoph at Madellyn. Kahit kasi sampung taon nang kasal ang mga ito ay ni isang beses ay hindi niya ito nakitang nag-away. Tila larawan talaga sila ng perpekto at masayang pamilya.

Hanggang sa isang araw habang naglalaba si Aling Nelia ay may nakapa siya sa bulsa ng kaniyang among lalaki.

Babe, masaya ako na nagkita tayo. Sana makasama kitang muli sa susunod na linggo.

Ito ang nakalagay sa isang kapirasong papel.

Bigla na lamang siyang kinabahan dahil alam niyang hindi “babe” ang tawagan ng kaniyang mga amo kung hindi “mahal”. Natatakot siyang itanong sa kaniyang mga amo sapagkat kapag nagkataon ay maaari itong magsiklab ng isang matinding away.

Ngunit makalipas muli ang ilang araw ay ganito na naman ang natagpuan niya sa bulsa ng among lalaki. Isang kapirasong papel na mayroong maikling liham.

Babe, sana hanggang pagtulog ay kasama kita. Gusto kong maramdaman muli ang mga yapos mo.

Malaki na ang pagdududa ni Aling Nelia na nambababae ang among si Christoph. Sa pagkakataong ito ay kinuha na niya ang sulat at itinabi. Ngunit pilit pa rin niyang iwinawaksi sa kaniyang isipan ang masamang naiisip tungkol sa kaniyang lalaking amo.

Ngunit ang lahat ay naging malinaw kay Aling Nelia nang sa sumunod na linggo na siya ay maglalaba ay nakitaan na naman niya muli ng kapirasong papel ang maliit na bulsa ng pantalon ni Christoph.

Iwan mo na ang asawa mo. Handa akong maghintay basta sabihin mo lang na sa akin ka na uuwi isang araw.

Habang binabasa niya ang maiksing liham ay napatingin siya sa loob ng bahay. Lubos ang kaniyang pagtataka kung paanong nagagawa ni Christoph na makipagtawanan pa sa kaniyang asawa gayong may ginagawa pala itong hindi maganda.

Nais sana niyang kumprontahin ang kaniyang among lalaki ngunit hindi niya alam kung paano. Isa pa, may karapatan nga ba siyang makialam sa nangyayari sa kanilang dalawa?

Nagdaan ang mga araw at patuloy na nakakakuha ng maiksing liham si Aling Nelia sa bulsa ng pantalon ng among lalaki. Unti-unti siyang nahahabag kay Madellyn sapagkat wala itong kaalam-alam sa ginagawa sa kaniya ng kaniyang asawa. Ang akala nito ay matino si Christoph at siya lamang ang mahal nito.

Dahan-dahan na inusig si Aling Nelia ng kaniyang konsensiya hanggang sa hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili at kinausap na si Christoph.

“Alam ko ang ginagawa mo kay Madellyn. Bago pa man siya masaktan ay itigil mo na ‘yan. Kung mahal mo talaga siya ay hindi mo siya lolokohin, Christoph,” deretsong sambit ni Aling Nelia sa amo.

“Ano bang sinasabi niyo, Manang Nelia? Anong ibig niyong sabihin na niloloko ko si Madellyn? Hinding-hindi ko magagawa sa asawa ko iyan,” saad naman ng ginoo.

“Huwag mo nang itanggi, Christoph. Sa tuwing maglalaba ako ng mga damit niyo ay nakikitaan kita ng kapirasong papel sa maliit na bulsa ng iyong pantalon.

Alam mo ba ang naiisip ko? Talagang sinasadya ng babae mo na malaman ni Madellyn ang tungkol sa inyo. Nag-iiwan siya ng sulat upang matagpuan ito ng asawa mo. Buong akala ni Madellyn ay ayos ang pagsasama niyo ngunit heto ka at niloloko mo siya,” muling saad ng kasambahay.

Napayuko na lamang si Christoph.

“Nagkakamali po kayo sa iniisip niyo, Manang Nelia,” nangingilid ang luha ni Christoph habang sinasabi ito sa ginang.

“Hindi po ako ang tunay na nagtataksil. Hindi ako ang tunay na may iba rito,” dagdag pa ng ginoo.

“A-anong ibig mong sabihin? Sa bulsa mismo ng pantalon mo, doon ko nakikita ang mga maiiksing liham,” pagtataka ni Mang Nelia.

“Kay Madellyn po ang lahat ng iyan. Ang maiiksing sulat ay para sa kaniya at hindi ito galing sa akin. Hindi siguro alam ni Madellyn ngunit natatagpuan ko iyan sa bulsa ng kaniyang bag. Nagsimula ang lahat nang maghanap ako ng susi sa bag niya. Doon nga ay nakita ko ang maiksing liham. Sa tingin ko rin ay tama kayo na sindaya iyang ilagay kung nasaan man siya upang makita ko para magalit ako at tuluyan ko ng palayain ang asawa ko.

Pero hindi ko kaya. Sa tuwing nakakatagpo ako ng liham na iyan ay inilalagay ko ito sa pinakamaliit na bulsa ng aking pantalon sapagkat ayaw kong matagpuan niya ito. Araw-araw na naghihinanakit ang kalooban ko dahil alam ko ang katotohanan na may mahal na siyang iba.

Kaya kahit na masakit ay pilit kong pinapakita sa kaniya na mahal ko siya. Gustong maalala niya ang mga nakalipas at ang dahilan kung bakit kami nagpakasal,” malungkot na pahayag ni Christoph.

Nagulat si Aling Nelia sa pag-amin na ito ng kaniyang amo. Hindi niya akalain ang ginagawa ni Christoph upang maibalik lang ang pagmamahal ni Madellyn.

“Nanghihinayang ako sa inyong relasyon. Nakita ko kung paano kayo nagmahalan sa loob ng mga taong kasama ko kayo. Kailangang malaman ni Madellyn ang lahat ng ito at kailangan niyang malaman na alam mo ang lahat ng nangyayari. Nang sa gayon ay maayos niyo pa ito. Lalo na kung matatanggap mo naman siyang muli sa kabila ng kaniyang kamalian,” wika ni Aling Nelia.

Sinunod ni Christoph ang payo ni Aling Nelia. Kinausap niya nang masinsinan si Madellyn at sinabi niya rito na alam niya na ang lahat.

“Hindi ko rin alam kung bakit nagawa ko ang bagay na iyan. Pero maniwala ka sa akin, mahal, nag-uumpisa pa lamang akong mahulog sa kaniya ay pilit ko na agad itong pinutol dahil alam kong mali ito.

Ngunit tinatakot niya ako. Ang sabi niya ay sasabihin niya raw sa iyo ang lahat kapag umiwas ako sa kaniya. Nais niyang maging magkaibigan kami kahit labag ito sa aking kalooban. Siguro nga ay inilalagay niya ang mga sulat na iyan upang makita mo at iwan mo na ako,” malungkot na paliwanag ni Madellyn.

“Ngunit alam ng Diyos kung gaano na ako nagsisisi. Ngayong alam mo na ang lahat ay tila nawalan na ako ng tinik sa aking dibdib, Pero alam ko rin na hindi ganoong kadali na mapatawad ako at pagkatiwalaan mo akong muli,” naiiyak pa nitong sambit.

“Hindi ka pa man humihingi ng kapatawaran ay pinatawad na kita. Masaya ako na muli ka nang magbabalik sa akin. Mahal na mahal kita Madellyn at kaya kitang mahalin nang buong-buo. Pangako ko sa iyo na kahit kailan ay hindi ko isusumbat ang iyong pagkakamali,” saad ni Christoph sa asawa habang tuluyan na niya itong hinagkan.

Bumalik muli ang tamis ng pag-ibig nina Christoph at Madellyn. Sa pagkakataong ito ay itinama na ng misis ang kaniyang pagkakamali at buong pusong isinuko ang sarili niya sa kaniyang mister.

Lubos namang nagpasalamat ang dalawa sa kanilang kasambahay. Naging daan si Aling Nelia upang mabunyag ang lahat at mapag-usapan ng mag-asawa ang lahat ng namamagitan sa kanila.

Advertisement