Inday TrendingInday Trending
Nakikigamit Lamang ng Cellphone ang Batang Ito sa Kaniyang Kalaro; Kailan Kaya Siya Magkakaroon ng Sarili Niya?

Nakikigamit Lamang ng Cellphone ang Batang Ito sa Kaniyang Kalaro; Kailan Kaya Siya Magkakaroon ng Sarili Niya?

Buhos na buhos ang atensyon ni Tonton sa hawak na gadget, malapit na siyang manalo sa nilalaro niyang online game.

“Tonton, akin na ang cellphone ko, nariyan na si Nanay!” bulong ng kalaro niyang si Jacob. Subalit hindi na nagawa pang maiabot ni Tonton ang hiniram na gadget sa kalaro, huli na. Nakita na sila ni Aling Bebang.

“Jacob! Umuwi ka na! Kakain na!” matiim na saad nito.

Malungkot na nagkatitigan sina Tonton at Jacob. Kinuha na ni Jacob ang kaniyang cellphone.

“Sa susunod na lang, Ton. Kapag nakalabas ulit ako,” saad ni Jacob. Marahan namang tumango si Tonton at iniabot sa kalaro ang cellphone nito na hiniram lamang niya.

Narinig ni Tonton ang mga sinabi ni Aling Bebang habang naglalakad na sila ni Jacob pabalik sa kanilang bahay.

“Ang kulit mong bata ka, hindi ba sinabi ko na sa iyo huwag na huwag mong pahahawakan sa iba ang cellphone mo at baka masira pa nila iyan, o baka mamaya biglang nakawin! Mahal ang presyo niyan! Lagot ka sa Tatay mo!”

Malungkot na tinanaw na lamang ni Tonton ang kaniyang kalaro at ang nanay nitong hindi niya alam kung bakit mabigat ang dugo sa kaniya. Napabuntung-hininga na lamang si Tonton. Napurnada pa ang kaniyang paglalaro, kung kailan malapit na siyang manalo.

Kinuha na ni Tonton ang tray na kinalalagyan ng kaniyang mga panindang lumpiang shanghai na tuwing umaga at hapon niyang inilalako. Mahina ang benta niya ngayong araw na ito. Kailangan niyang maglako upang makatulong sa kaniyang pamilya, 10 taong gulang lamang siya ay namulat na siya sa hirap ng kanilang sitwasyon.

Sa araw-araw na kaniyang pagtitinda, walang ibang iniisip si Tonton kundi ang makaipon. Gusto niyang makabili ng sarili niyang cellphone para makapaglaro din siya ng mga online game na gusto niya. Isa pa, magagamit din niya ito sa kaniyang pag-aaral. Sa ngayon ay modular ang pinili niyang moda sa pagkatuto dahil nga wala siyang sariling gadget upang masuportahan ito.

Nakikita ni Tonton ang kaniyang sarili na darating ang panahong sa halip na tray ng inilalakong mga lumpiang shanghai ang nakasunong sa kaniyang ulo, ay sumbrerong madalas na ginagamit ng mga magtatapos sa pag-aaral. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na magtatapos siya ng pag-aaral upang mabili ang gadgets na gusto niya. Para maiahon sa kahirapan ang pamilya niya.

Kaya naman, araw-araw siyang nagsisipag, ayaw na niyang manghiram ng gadget kay Jacob, lalo na kapag naaalala niya ang matalim na tingin sa kaniya ni Aling Bebang, gayundin ang mga sinasabi nito patungkol sa kaniya. Nasasaktan siya sa mga sinasabi nito. Kahit naman mahirap sila, hindi naman sumagi sa isipan niya ang kumuha ng mga bagay na hindi niya pag-aari.

Isang araw, isang matandang babae ang nadulas habang naglalakad sa palengke. Agad itong dinaluhan ni Tonton, ngunit sa kaniyang pagtulong ay natapon ang kaniyang mga panindang lumpiang shanghai.

“Naku, iho, maraming salamat sa pagtulong mo. Paano ang mga paninda mo?” tanong ng matandang babaeng nadulas at tinulungan ni Tonton.

“Oo nga po eh, hayaan na po ninyo iyan…” malungkot na sabi ni Tonton habang tinitingnan ang mga nagkalat na lumpiang pinaghirapang lutuin ng kaniyang ina.

“Kay bata-bata mo pa’y nagtitinda ka na at masipag. Matulungin ka pa. Buweno, maraming salamat talaga sa pagtulong mo sa akin ha? Nagmamadali ka ba? Maaari mo bang samahan akong magmeryenda?” alok ng matandang babae.

Nagpaunlak naman si Tonton, at dinala siya ng matandang babae sa fast food chain na talaga namang paborito ni Tonton, subalit isang beses pa lamang yata siyang nakakain doon. Pinaorder ng matandang babae sa kaniya ang lahat ng mga pagkaing gusto niya. Ito ang nagbayad ng lahat. Habang kumakain, maraming mga tanong ang matandang babae hinggil sa kaniya, na inosente namang sinasagot ni Tonton.

Pagkatapos kumain, dumating na ang sundo ng matandang babae. Isang magarang kotse! Mayaman pala talaga ito. Pinasakay siya nito sa kotse. Hindi ito pumayag na hindi siya maihatid sa kanilang bahay. Isa pa, nais raw nitong makausap ang kaniyang ina.

Kinabukasan…

“Anak, binigyan ka ni Mrs. Choi, yung tinulungan mo, ng cellphone at laptop para daw magamit mo sa pag-aaral. Hindi pa iyan ang supresa niya sa atin. Kinukuha niya akong kasambahay sa kanilang mansyon, at siya na raw ang bahala sa pag-aaral mo,” naiiyak na saad ng kaniyang ina.

Kaya naman, tuwang-tuwa si Tonton sa biyayang natamo niya mula sa taos-pusong pagtulong sa isang nangangailangan. Si Mrs. Choi na nga ang nagpaaral kay Tonton at binigyan pa ng trabaho ang kaniyang ina. Tunay ngang dumarating ang mga biyaya sa mga taong karapat-dapat!

Advertisement