Inday TrendingInday Trending
Nagtampo ang Ginang na Ito Dahil Mumurahin Lamang ang Singsing na Ibinigay ng Kaniyang Mister sa Kaniya sa Kanilang Kasal; Paano Kung Bumalik ang Dati Niyang Kasintahan?

Nagtampo ang Ginang na Ito Dahil Mumurahin Lamang ang Singsing na Ibinigay ng Kaniyang Mister sa Kaniya sa Kanilang Kasal; Paano Kung Bumalik ang Dati Niyang Kasintahan?

Dismayadong-dismayado si Agnes dahil sa singsing na ibinigay sa kaniya ng mister na Peter. Bagong kasal lamang sila. Inaasahan niyang bibigyan siya ng mamahaling singsing na may diyamante ngunit hindi naman niya akalain na puwet ng baso lamang ang ibinigay sa kaniya. Bagama’t hindi naman siya nagsasabi ng pagkadismaya, ibinulalas niya ito sa kaniyang kaibigang si Normita.

“Nakakainis si Peter. Pangarap ko pa naman na magkaroon ng mamahaling singsing kapag ikinasal ako. Akala ko naman ibibigay niya dahil may sorpresa raw siya sa akin. Heto nga, nasorpresa nga ako,” inis na inis na sabi Agnes.

“Ikaw naman… baka naman nagtitipid lang ang asawa mo. S’yempre, iba na ang buhay ninyo ngayon. Ang mahalaga naman ay naikasal kayo kahit sa huwes lamang,” saad naman ni Normita sa kaniyang kaibigan.

“Ah basta! Siguro nga dapat nakinig na lang ako sa sinasabi ng iba, na masyadong kuripot iyang si Peter. Nasanay lang siguro ako sa mga naging ex-boyfriend ko. Palibhasa mga may kaya, mayayaman, kaya kayang-kaya nilang ibigay ang mga gusto ko. Lalo na yung bago ko makilala si Peter, si…”

Napahinto sa kaniyang pagsasalita si Agnes nang makita niya mismo sa loob ng coffee shop ang kaniyang ex-boyfriend na nais niya talagang banggitin, si Ernesto. Mas lalo itong naging guwapo at simpatiko. Mukhang mayamang-mayaman na ito sa hitsura pa lamang. Nagulat din ito nang makita siya.

“A-Agnes…?”

“E-Ernesto…”

“K-Kumusta ka na? Kababalik ko lang mula sa States, at mananatili na ulit ako rito sa Pilipinas para sa bagong branch ng negosyo ko. Puwede ba akong makiupo sa inyo ni Normita?”

Hindi na nakahuma pa si Agnes dahil umupo na sa kanila si Ernesto. Parang lumundo ang puso ni Agnes. Nagkahiwalay sila ni Ernesto dahil nagtungo nga ito sa ibang bansa para sa negosyo ng kanilang pamilya. Iyon ang naging dahilan kung bakit pinili na lamang nilang maghiwalay, kaysa ipagpatuloy pa ang kanilang relasyon. Ayaw kasi ni Ernesto sa long distance relationship.

Upang makapag-usap pa sila nang sarilinan, nagpaalam na rin si Normita dahil may gagawin pa raw ito. Nasolo nina Agnes at Ernesto ang isa’t isa.

“Nabalitaan ko na ikinasal ka na raw?” tanong ni Ernesto kay Agnes.

“Oo, Kailan lang…” tipid na sagot ni Agnes.

“Hindi ka na nakapaghintay sa akin…”

Hindi naman nakasagot si Agnes. Lalo na nang hawakan ni Ernesto ang kaniyang kamay. Mariin. Pinisil-pisil ito. Kagaya ng dati nitong ginagawa.

“Kung sumama ka sa akin noon, mas maginhawa na sana ang buhay mo ngayon. Mahal na mahal pa rin kita, Agnes. Alam ko mahal mo pa rin ako. Kahit naman may asawa ka na, matatanggap ko. Paano kung ayain kitang sumama sa akin sa Amerika…”

Agad na binawi ni Agnes ang kaniyang kamay.

“Sandali… sandali Ernesto… medyo nagiging mabilis ka yata. Mahal kita? Paano ka nakakasiguro na mahal pa nga kita? Hindi ba’t alam mo naman na kakakasal ko lang, at hindi naman ako magpapakasal sa asawa ko ngayon kung hindi ko siya mahal. Tapos na tayo, Ernesto.”

Tumayo na si Agnes at napamaang naman si Ernesto sa kaniyang mga sinabi. Nagpaalam na si Agnes na kailangan na niyang umuwi dahil naghihintay na ang kaniyang mister na si Peter sa kanila.

Habang nasa taxi pauwi, bumalik sa kukote ni Agnes ang mga sinabi ni Ernesto. Muling bumalik sa kaniyang alaala ang mga panahong magkasama sila. Oo, kanina ay nabanggit at naalala niya ang mga mayayamang ex-boyfriend niya na nagbibigay sa kaniya ng mga kapritso niya, subalit hindi naman ibig sabihin niyon na hindi na niya mahal si Peter.

Pagkauwi niya, nagulat siya dahil may sorpresa sa kaniya si Peter. Ibinigay nito sa kaniya ang isang kahita na naglalaman ng isang susi. Ito ay susi ng bahay!

“Iyan pala yung sorpresa ko sa iyo. Pasensya na, Mahal, medyo na-delay lang ang pagkaka-turn over. Hinihintay kita para mapuntahan natin ngayon.”

At pinuntahan na nga nila ang sorpresa ni Peter. Nanlaki ang mga mata ni Agnes nang makita ang mala-mansyong bahay sa isang ekslusibong village.

“S-Sa atin ba talaga ito?” naluluhang tanong ni Agnes.

“Oo, Mahal. Matagal ko nang nakuha ang bahay na ito. Hinulug-hulugan ko habang tayo pa. Kaya kung mapapansin mo, matipid ako sa mga panahong nagde-date pa tayo. Pagpasensyahan mo na rin dahil hindi magara ang singsing na ibinigay ko sa iyo sa araw ng kasal natin. Dito kasi sa bahay na ito napunta ang mga pera ko,” paliwanag ni Peter.

Hindi na napigilan ni Agnes ang kaniyang pagluha, dahil nakonsensya siya sa mga sinabi niya patungkol sa kaniyang mister.

“Patawarin mo ako, Mahal… ang totoo niyan, nagtampo ako sa iyo dahil hindi ko inaasahang puwet ng baso ang singsing na ibinigay mo sa akin sa kasal natin, inisip ko tuloy na wala kang pagpapahalaga sa akin. Iyon pala, may mas praktikal at mas maganda ka palang sorpresa. Mahal na mahal kita,” pahayag ni Agnes sa kaniyang mister.

Napagtanto ni Agnes na mahal na mahal niya ang kaniyang asawa, at hindi siya dapat maging materyalistikong tao.

Advertisement