
Naiirita ang Babaeng Ito sa Pagtatanim ng Kaniyang Ina sa Bakuran; Hindi Niya Akalaing Malaki Pala ang Maitutulong Nito sa Kanila
“Nanay naman eh, ang sukal-sukal na nga ng bakuran natin, wala ka pa ring tigil sa kakatanim? Dadami ang lamok niyan. Mahirap pa naman magka-dengue ngayon! Hindi ko malaman kung bakit tuwang-tuwa kayo sa mga halaman na iyan, eh nariyan lang naman sila sa paligid!”
Hindi mapigilan ni Carlota ang kaniyang bibig. Naiinis talaga siya kapag nagtatanim ang kaniyang inang si Aling Rominda. Ayaw niya kasi sa mga halaman. Ngunit gustong-gusto naman ito ng kaniyang ina. Sa katunayan, sa tuwing nagpupunta ito sa bayan, hindi ito umuuwi hangga’t walang dala-dalang binhi o paso ng mga ornamental na halaman, na maipandidisplay sa labas.
“Hayaan mo na ako, anak. Ito na lang kasi ang libangan ko. Saka alam mo naman… ito na lamang ang bagay na nakapagpapaalala sa akin sa Tatay mo,” malungkot na saad ni Aling Rominda.
Naalala na naman ni Carlota ang kaniyang Tatay Ismael. Isang magsasaka ang kaniyang ama, at nasawi ito dahil sa pakikipaglaban sa lupang sakahan, matapos ang panggigipit ng haciendero.
Palagay niya, isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang makakita ng mga halaman. Nang mga umuusbong at namumukadkad na bulaklak. Kabaligtaran kasi sa nangyari sa kaniyang amang mapagmahal sa kalikasan.
“Ah basta… sana tigilan na ninyo ang mga patanim-tanim na iyan. Baka mamaya maging gubat na tayo, ‘Nay, sa dami ng mga halaman dito sa bakuran,” muling paalala ni Carlota.
Bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay, nahagip ng kaniyang mga mata ang mga tanim na orkidyas ng kaniyang yumaong ama, na kay gaganda na. May naramdaman siyang kurot sa kaniyang puso. Sana, kapiling pa nila ang kaniyang ama. Sana, maraming sana…
Isang araw, dumating ang isang malakas na bagyo. Sa takot ni Aling Rominda na masira ang mga tanim niyang halaman, lalo na ang mga orkidyas, kahit nababasa ang kaniyang likod ay nagawa niyang ipasok sa loob ng bahay ang mga ito. Ang iba namang mga halaman na nakatanim sa mismong lupa ay tuluyang nasira.
Matapos ang ilang araw, nagkasakit si Aling Rominda. Marahil, natrangkaso dahil sa pagkakabasa sa ulan. Alalang-alala si Carlota lalo’t hindi niya alam kung saan kukuha ng pera upang maipagamot ang kaniyang ina, dahil sinabi ng doktor na nagkaroon din ng pneumonia ang kaniyang ina. Hindi malaki ang sinusuweldo niya sa pabrika, kaya hindi niya alam ang gagawin niya.
Kung kani-kanino na siya nangutang upang maipagpatuloy ang gamutan ng kaniyang ina. May mga nakapagpahiram, at may mga hindi naman.
“Diyos ko, anong gagawin ko? Saan naman ako kukuha ng pera? Tulungan po Ninyo ako. Nawala na po sa amin si Tatay, huwag naman po sana si Nanay. Hindi ko na po kakayanin,” umiiyak na panalangin ni Carlota sa Diyos.
Maya-maya, isang kapitbahay ang lumapit sa kaniya. Napansin nito ang isa sa mga tanim na halaman sa kanilang bakuran. Binili nito ang halaman sa halagang 500 piso bilang tulong na lamang din daw para sa kaniya, matapos nitong mabalitaan ang nangyari sa kaniyang ina.
“Bakit hindi ka magbenta ng mga halaman sa social media? Ang ganda ng mga tanim ninyo. Makadaragdag din iyan sa mga pangangailangan ng iyong ina,” mungkahi ng kanilang kapitbahay.
“Oo nga ‘no?” naisaloob ni Carlota. Magandang ideya nga iyan. Subalit kailangan niya sigurong magpaalam muna sa kaniyang ina. Kaya lang, naisip niya, baka hindi ito pumayag. Kailangang-kailangan na niya ng pera para maipambayad sa ospital, at makabili ng mga gamot para sa kaniya.
Kaya naman isang desisyon ang ginawa niya. Nagsagawa siya ng online live selling ng mga halaman at bulaklak na tanim nila sa bakuran. Marami naman ang natuwa rito, lalo’t naging bukas siya sa kaniyang mga customers, na ang kapupuntahan ng kaniyang mga kita ay pampagamot sa kaniyang mahal na ina. Mas dumagsa tuloy ang kaniyang mga buyers.
Nakaipon nang sapat si Carlota mula sa pagtitinda ng mga halaman at bulaklak. Hanggang sa gumaling na nga si Aling Rominda. Inakala ni Carlota na magagalit ang ina sa kaniyang ginawa.
“Okay lang iyan, anak. Tinulungan na naman tayo ng Tatay mo. Kahit na wala na siya, alam kong ginabayan niya tayo sa pagtitinda mo ng mga halaman,” naiiyak na sabi ni Aling Rominda.
“Nanay, mabuti na lamang at naging libangan mo ang pagtatanim, kung hindi ay wala tayong maibebenta,” pagpapasalamat ni Carlota.
“Salamat sa alaala ng Tatay mo, anak. Tinuruan niya akong maging mapagmahal sa mga halaman, maging mapagmahal sa kalikasan, natuto akong magtanim nang dahil sa kaniya.”
Simula noon, magkasama nang nagtatanim ang mag-ina. Ipinagpatuloy na nila ang kanilang panibagong negosyo—ang pagbebenta ng mga halaman sa pamamagitan ng online selling.

Pinapalayas na ang Modistang Ito Dahil Hindi na Siya Nakababayad sa Upa ng Kaniyang Shop; Ano Kayang Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?
