Inday TrendingInday Trending
Pinapalayas na ang Modistang Ito Dahil Hindi na Siya Nakababayad sa Upa ng Kaniyang Shop; Ano Kayang Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?

Pinapalayas na ang Modistang Ito Dahil Hindi na Siya Nakababayad sa Upa ng Kaniyang Shop; Ano Kayang Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?

“Hay naku Annita, sayang ang puwestong ito kung hindi ako kikita. Kung sa iba ko pa napaupahan ito, baka hindi ako nagkakaproblema ngayon sa pera!”

Hiyang-hiya si Aling Annita, 56 na taong gulang, sa may-ari ng maliit na shop na kaniyang inuupahan, dahil naniningil na ito sa kaniya ng paupa. Kaya lang, wala pa siyang maibayad dahil inuna muna niyang pasahurin ang kaniyang mga katuwang na modista at sastre na puro pamilyado na. Si Aling Annita ay isang modista. Buong buhay ay inilaan niya sa pananahi ng mga damit.

“Bigyan mo lamang ako ng maikling palugit at hahanap ako nang paraan para makahanap ng maibabayad sa iyo,” naiiyak na pangako ni Aling Annita sa kasera.

Pinagbigyan naman siya nito. Isang linggo. Isang linggong palugit upang mabayaran niya ang utang niyang tatlong buwang renta sa shop na iyon. Sa totoo lamang, gusto na niyang magsara dahil hindi na kakayanin ng kaniyang kakaunting pera ang pagpapasuweldo sa kaniyang mga tauhan. Alam niyang siya lamang ang inaasahan nila. Subalit kailangan na niyang magdesisyon. Walang-wala na siyang maipangsasahod sa kanila.

Humina nang humina ang mga nagpapagawa sa kanila ng damit, dahil ano nga naman ba ang laban nila sa ready-to-wear, o kaya sa mga ukay-ukay na hindi hamak na mas mura?

Walang nagawa si Aling Annita kundi ang pulungin ang kaniyang anim na tauhang modista at sastre.

“Wala na akong maipasasahod sa inyo. Malaya kayong makahahanap ng bago ninyong trabaho kung may iba kayong mapupuntahan. Ang kaya ko na lamang na maibigay sa inyo ay ang huling suweldo ninyo. Maraming salamat sa serbisyo ninyo sa akin sa loob ng maraming mga taon.” naiiyak na pagpapaalam ni Aling Annita sa kaniyang mga tauhan.

“Ma’am naman… sinusukuan na po ba ninyo kami?” nangingilid ang luhang tanong ng isa sa mga modista na si Lorelei, 25 taong gulang. Noon, payat lamang ito subalit mukhang nahiyang sa pagtatrabaho.

“Hindi naman sa ganoon. Kaya lang siyempre kayo ang iniisip ko. May mga pamilya kayong dapat suportahan. Sino ba naman ako para pigilan kayo? Kung nais ninyong manatili rito, habambuhay kong tatanawing utang na loob at walang hanggang pasasalamat. Subalit kung aalis kayo at hahanap ng ibang mapapasukan, maniwala kayo sa akin, ayos na ayos lamang sa akin. Isang linggo na lamang ang shop na ito, at baka isarado ko na ang gawaing ito.”

Inihanda na ni Aling Annita ang kaniyang sarili sa posibilidad na iwanan nga siya ng kaniyang mga staff. Nauunawaan naman niya na kailangan din nilang magtrabaho para sa kani-kanilang mga pamilya at sarili. Kaya naman, maluwag sa dibdib niya nang magpaalam sa kaniya ang limang modista at sastre niya upang humanap na nga ng ibang mapapasukan. Walang masamang tinapay sa kanila.

“Nauunawaan ko, huwag kayong mag-aalala. Kapag nagbukas ulit ako ng shop ko, maaari kayong bumalik. Alam ko naman ang mga kalibre ninyo,” nakangiting sabi ni Aling Annita, ngunit ang totoo, nadudurog ang puso niya. Ayaw niya sanang gawin ito ngunit kailangan.

Si Lorelei lamang ang naiwan.

“Sigurado ka ba?” tanong niya kay Lorelei.

“Oo naman, Ate. Ikaw ang naging dahilan kung bakit naging maayos ang buhay ko. Naalala mo noon, dalawa kaming tinulungan mong palaboy-laboy. Muntik ka na naming pagnakawan, pero sa halip na magalit ka, binigyan mo pa kami ng pera at makakain. Tapos tinuruan mo akong manahi, kasi sabi mo mas masarap sa pakiramdam kapag sa marangal na paraan kumita ng pera,” paliwanag ni Lorelei.

“Maraming salamat, Lorelei. Tingnan mo naman ngayon, isa ka nang magaling na modista! Sayang kang bata ka kung naging palaboy-laboy ka noon!” hindi na napigilan pa ni Aling Annita ang pagluha ng kaniyang mga mata.

“Kaya malaki po ang utang na loob ko sa inyo. Kaya lang, wala na tayong balita kay Nerissa. Kumusta na kaya siya?” naitanong ni Lorelei sa kaniyang sarili.

Napabuntung-hininga si Aling Annita. Si Nerissa ang batang palaboy na kasa-kasama ni Lorelei noon. Bigla na lamang itong naglayas sa kaniyang poder, at makalipas ang napakaraming taon, wala pa rin silang balita tungkol dito. Nasaan na kaya ang batang iyon? Nasa maayos kayang kalagayan?

Hindi na hinintay pa ni Aling Annita na palayasin siya ng kaniyang kasera. Wala pa mang isang linggo, nakapag-impake na sila ni Lorelei. Mabigat man sa kaniyang kalooban ang lahat, ganoon talaga. Isang buwan lamang ang kaya niyang bayaran sa pagkakautang niya rito kaya mag-aalsa-balutan na talaga siya.

Nagulat siya nang sa kalagitnaan ng kanilang pagliligpit at pag-iimpake, biglang dumating ang kasera.

“Nagliligpit na ho kami,” saad ni Lorelei.

“Ay kahit hindi na. Bayad na ang utang ni Annita. Puwede na ulit kayong manatili rito. May nagbayad na sa utang mo, Annita. May utang din sa iyo.”

Napamulagat naman sina Aling Annita at Lorelei.

“S-Sino ho?”

Pupunta raw siya rito eh, may dinaanan lang. Oh, hayan na pala ang kotse niya.”

Napalingon sina Aling Annita at Lorelei sa magarang kotseng dumating. Nanlaki ang mga mata nila.

“N-Nerissa? Nerissa? Ikaw nga!” gulat na gulat na bulalas ni Aling Annita kay Nerissa, na matagal na niyang inaalala kung saang dako na ng kapalaran napadpad.

“Opo, ako nga po. Heto na po ako. Naging matagumpay na po ako sa buhay. Matagal ko na po kayong sinusubaybayan at alam ko po ang mga nangyayari sa inyo. Binayaran ko na po ang mga utang ninyo, at hindi na po kayo rito pupuwesto. May sarili na po akong gusali, doon na po kayo magtayo ng shop,” sabi ni Nerissa.

At habang nasa kotse ni Nerissa sina Aling Annita at Lorelei ay isinalaysay niya ang mga nangyari sa kaniya. Matapos ngang maglayas ni Nerissa sa poder ni Aling Annita, hinanap pala niya ang tunay niyang mga magulang. Nakapangasawa pala ang kaniyang ina ng isang mayamang dayuhan, at itinuring siyang tila isang tunay na anak.

Kaya naman, tumatanaw ngayon ng utang na loob si Nerissa kay Aling Annita dahil sa ginawa nitong pag-aaruga sa kaniya noong palaboy-laboy pa siya sa lansangan.

Naitayo ulit ni Aling Annita ang kaniyang shop sa gusaling pagmamay-ari ni Nerissa; bukod doon, naging investor din ito sa kaniya. Lumaki nang lumaki ang shop ni Aling Annita at nagsimula na nga itong maging supplier sa department stores ng dalawang sikat na mall.

Tunay ngang kapag nagtanim ka ng kabutihan sa kapwa, aanihin mo rin ito sa takdang panahon!

Advertisement