Inday TrendingInday Trending
Idolo at Pinagtatakpan Pa ng Lalaking Ito ang Kaniyang Kaibigang Babaero; Magsisi pa Kaya Siya sa Kaniyang Pagsuporta Rito?

Idolo at Pinagtatakpan Pa ng Lalaking Ito ang Kaniyang Kaibigang Babaero; Magsisi pa Kaya Siya sa Kaniyang Pagsuporta Rito?

“Hoy pare nakita kita kagabi, huwag na huwag kang magkakaila. Hindi si Mareng Maila ang kasama mo sa restaurant.”

Natawa na lamang si Ariel sa mga pahayag ni Geoffrey, ang kaniyang kaibigan, sa mga sinabi nito. Kasalukuyan silang nasa ‘boys night out’ ng mga magbabarkada. Lahat sila ay may mga asawa na at magkakaibigan din ang kanilang mga misis. Sila-sila rin ang mga ninong at ninang ng kani-kanilang mga anak.

“Alam mo naman tayo, pare… ganoon talaga tayong mga lalaki. Hindi dapat tayo nakokontento sa isa. Dapat marami tayong mga options para naman hindi kaagad tayo magsawa sa mga misis natin,” natatawang pagtatanggol ni Geoffrey sa kaniyang sarili habang iniinom ang nakalalasing na inumin.

“Bilib na talaga ako sa iyo, pare. Simula noong mga binata pa tayo, gan’yan ka na. Ilang mga babae na ang pinagsabay-sabay mo, at hindi ka man lang nabuko ni isang beses. Idol! Idol!” papuri ni Ariel sa kaniyang kaibigan. Kunwari ay nagpatirapa pa siya sa harapan nito.

“Sira ka! Pero s’yempre, dapat maingat ka rin. Kaya ako, tatlo ang cellphone ko, at hindi alam ni Maila na may tatlo akong cellphone kasi lagi lang iyang nakalagay sa sikretong taguan sa kotse ko. Alam mo, kailangan nating tumikim ng ibang ulam o putahe kasi kung pare-parehong pagkain ang kinakain mo, nakakasawa rin,” sagot ni Geoffrey.

“Iba ka talaga, pare. Ako, hindi ko kayang gawin iyan kay Lira. Loyal na loyal ako sa misis ko,” saad ni Ariel.

“Seryoso ka? Ni minsan hindi ka tumingin sa ibang babae? Hindi ka man lang tumikim ng ibang pagkain?” tanong ni Geoffrey.

“Oo. Wala akong alam sa gan’yan. Turuan mo nga ako,” pagbibiro ni Ariel sa kaibigan.

Natawa naman si Geoffrey. “Mahina ka pala p’re. Magandang lalaki ka naman at may kaya. Madali ka lang makakahanap ng chikas diyan. Alam mo, normal lang na magkaroon ng maraming babae ang lalaki. Patriyarkal ang mundo. Gusto mo turuan kita kung paano mambabae nang hindi nahuhuli ni misis?”

“Siraulo ka talaga, Geoffrey! Wala akong balak na gawin iyan kay Mareng Lira mo, pero huwag kang mag-alala, hindi naman kita isusumbong kay Mareng Maila. Nasa iyo ang loyalty ko p’re. Gawin mo lang ang magpapasaya sa iyo,” tugon ni Ariel.

“Mukhang masaya kayo ni Mareng Lira ah,” maya-maya ay si Geoffrey naman ang nangumusta kina Ariel at Lira. Medyo sumeryoso na ang tono ni Geoffrey.

“Ah oo naman. Mabait ang misis ko at alam kong mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya, kaya hindi ko siya sasaktan,” tugon naman ni Ariel. Hindi naman kumibo si Geoffrey. Tumango-tango lamang ito.

“Pero alam mo pare, minsan may mga sumpong din si misis. Minsan parang masungit siya at lagi niya akong inaaway. Kapag nangangalabit ako sa kaniya, parang lagi siyang pagod.”

Tumango-tango lamang si Geoffrey. “Alam mo ba pare, may dalawa akong kabit ngayon?”

“Grabe ka talaga! Saludo talaga ako sa iyo. May iba ka pa bukod sa chika babe na nakita kong kasama mo kagabi?”

“Oo. Wala eh… ganoon ako kaguwapo…”

“Ikaw na talaga p’re! Cheers to that!” natatawang turan ni Ariel. Itinaas niya ang kaniyang hawak na alak.

Naputol na ang sasabihin ni Geoffrey nang magsidatingan na ang iba pa nilang mga kabarkada na nakipagsayaw sa dance floor.

Isang araw, binalak ni Ariel na sorpresahin ang kaniyang asawa sa trabaho nito. Bumili siya ng paborito nitong bulaklak, at nagpa-reserba sa isang mamahaling restaurant. Baka kaya sinusungitan na siya nito ay dahil kulang na siya sa karinyo. Baka kaya hindi na siya pinagbibigyan kapag nangangalabit siya ay dahil hindi na sila nagde-date.

Matapos niyang maihimpil ang kaniyang kotse sa parking lot ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang misis, isang pamilyar na mukha ang nakita niyang lumabas ng kotse nito. Si Geoffrey.

“Anong ginagawa niya rito? Huwag niyang sabihin sa aking may babae rin siya rito? Astig ka talaga kumpare!” nakangiti at napapailing na lamang na saad ni Ariel.

Subalit agad na naglaho ang kaniyang mga ngiti. Kitang-kita ng dalawa niyang mga mata ang pagdating ng kaniyang misis na si Lira, at sinalubong si Geoffrey. Naghalikan ang dalawa at agad na pumasok si Lira sa kotse ng kaniyang kaibigan.

Tila ilang minutong tulala si Ariel. Napakabilis ng mga pangyayari at lahat ng iyon ay nasaksihan niya. Naalala niya ang pagbibida sa kaniya ni Geoffrey na dalawa ang kabit nito.

Kaya pala sinusungitan na siya ni Lira…

Kaya pala hindi na ito pumapayag sa tuwing nangangalabit siya…

Kinabukasan, basag na basag ang mukha ni Geoffrey sa suntok na mula sa mukha ni Ariel gayundin sa misis nitong si Maila.

“Hayop ka Geoffrey. Mali ako sa ginawa kong pagtolerate ko sa iyo sa pambabae mo. Demonyo ka! Pati asawa ko na kumare mo, pinatos mo!” galit na galit na sumbat ni Ariel sa kaniyang kaibigan.

Tinanggap naman ni Geoffrey ang mga suntok at sapok nina Ariel at maging ng kaniyang sariling misis na si Maila. Siya naman ang may kasalanan nang lahat. Subalit hiniwalayan na siya nang tuluyan ni Maila. Matagal na raw nitong alam ang mga pambababae ng mister, subalit umabot na ito sa sukdulan ngayon.

Samantala, buong-pusong humingi naman ng tawad si Lira kay Ariel. Natukso lamang daw siya sa makarinyong si Geoffrey. Dahil mahal na mahal ni Ariel ang misis, binigyan pa niya ito ng isa pang pagkakataon. Nagtino naman si Lira at hindi na ito naulit pa. Ipinakita niya kay Ariel na karapat-dapat siyang bigyan ng pangalawang pagkakataon.

Napagtanto ni Ariel na hindi kailanman dapat kunsintihin, pagbigyan, o pagtakpan ang maling gawain ng kaibigan. Baka mamaya, ito na pala ang ahas na siyang pupulupot sa iyong leeg.

Advertisement