May Kumuha raw na Pedicab Drayber sa Asawa ng Lalaking Ito; Saan Naman Kaya Nito Dinala ang Kaniyang Misis?

“Hoy, Kaloy! Kanina ka pa ba rito? Nakita ko ‘yong asawa mo, ngayon-ngayon lang, eh. Sinakay siya ng isang pedicab drayber sa pedicab. Hindi ko alam kung ano’ng nangyayari, pero sigaw nang sigaw ‘yong asawa mo,” balita ni Jerome sa kumpare, isang gabi nang natataranta niyang sadyain ito sa isang bar. 

“Ha? Totoo ba ‘yang pinagsasasabi mo? Nasa bahay lang namin ang asawa ko. Kakaalis ko lang sa’min, eh, wala pa akong isang oras dito,” giit ni Kaloy, saka agad na ininom ang alak na binili niya.

“Totoo! Sigurado akong asawa mo ‘yon! Nagdadalantao ang asawa mo, hindi ba? Naunahan lang talaga ako ng takot na baka may patalim ‘yon kaya napatakbo ako rito. Alam ko kasing nandito ka,” sambit pa nito na bahagya na niyang ikinakaba. 

“Jerome, ha, huwag mo akong takutin nang gan’yan! Mag-ina ko ang pinag-uusapan natin dito!” galit na niyang sigaw dito.

“Kumilos ka na riyan at habulin mo na ‘yon! Ayokong makialam doon dahil ayokong mawalan ng tatay ang mga anak ko kung sakaling may patalim ‘yon!” tugon nito dahilan para agad na siyang lumabas sa naturang bar upang hanapin ang pedicab na iyon.

Kahit nagdadalantao ang asawa ng padre de pamilyang si Kaloy, palagi pa rin siyang umaalis tuwing gabi sa kanilang bahay para lamang magpunta sa tambayan niya at doon mag-inom ng alak upang magpaantok. 

Kung minsan, pinagbibigyan niya ang asawa niya sa tuwing naglalambing ito na huwag siyang umalis, ngunit kapag sila ay may pagtatalo, kahit napakaliit lamang, kahit ayaw siya nitong paalisin, aalis pa rin siya at hindi ito inintindihin. Nang gabing iyon, bahagya silang nagtalo ng kaniyang asawa tungkol sa kaniyang paninigarilyo. Katatapos lang nila noon kumain nang bigla siyang manigarilyo sa tabi nito, at dahil nga ito’y buntis at ayaw na makaamoy nang ganoong klaseng usok na masama sa sanggol, pinagsabihan siya nitong lumayo.

Ngunit minasama niya ito at sinabi sa kaniyang asawa, “Huwag ka ngang mag-inarte riyan! Usok lang naman ang nalalanghap niyo!” na labis nitong ikinagalit.

Advertisement

At dahil nga naiinis na rin siya, hindi pa man niya nauubos ang sigarilyo, agad na siyang umalis upang magpunta sa bar na ito at mag-inom nang mag-isa. 

Kaya nang sabihan siya ng kumpare niya tungkol sa nakitang pangyayari, hindi siya agad naniwala. Pero nang makita niya ang kaba sa mukha nito, roon na siya nagpasiyang tumakbo kung saan man para lamang mahagilap ang pedicab na iyon.

Habang siya’y tumatakbo, naisipan niyang tawagan ang selpon ng asawa at halos mabunutan siya ng tinik ng may sumagot sa kabilang linya.

“Mahal, nasaan ka? Totoo bang may kumuha sa’yong pedicab driver?” natataranta niyang tanong. “Magandang gabi, sir, nandito na po si ma’am sa ospital. Baka pupwede pong…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi ng naturang nars at agad na siyang humangos sa naturang ospital.

Agad niyang nakita roon ang naturang pedicab drayber, naghihintay ito sa operating room ng ospital. Agad niya itong hinawakan sa kwelyo at tinanong, “Anong balak mo sa asawa ko?” 

Agad naman siyang inawat ng nars na nakakita.

“Kumalma po kayo, sir, kung hindi dahil sa kaniya, baka wala na ang mag-ina niyo. Dapat hindi niyo iniiwang mag-isa si misis, lalo na’t kabuwanan niya ngayon,” sambit ng nars na ikinatigil niya. 

Doon niya nalamang pagkaalis niya pala sa kanilang bahay, bigla nang humilab ang tiyan ng kaniyang asawa. Pumutok na rin ang panubigan nito at dahil nga wala itong kasama, lumabas ito ng kanilang bahay upang humingi ng tulong.

Advertisement

Doon na ito nakita ng naturang pedicab drayber. Binuhat nito ang kaniyang asawa dahil nakalabas na ang ulo ng bata!

Halos manlambot siya sa kahihiyan at pangongonsenya matapos siyang kwentuhan ng naturang nars.

“Huwag po kayong mag-alala, ayos na po ang mag-ina niyo ngayon,” nakangiti nitong wika saka na siya iniwan.

Nakatungo lang sa kaniyang tapat ang naturang pedicab driver. Nang makita nitong inilabas na sa operating room ang asawa niya, agad na itong nagtangkang umalis.

“Saglit lang, manong, salamat po. Malaki ang utang na loob ko sa inyo. Ikaw ang nagligtas sa mag-ina ko,” wika niya rito saka niya ito mahigpit na niyakap.

Simula noon hanggang sa maiuwi sa bahay nila ang kaniyang mag-ina, kahit isang minuto’y hindi siya umalis sa tabi ng mga ito. Tawagin man siya ng alak, pinipigilan niya ito para sa kaniyang mag-ina. 

Ikinuwento niya ito sa kaniyang kumpare at labis itong humingi ng tawad sa kaniya sa pagbabalita nang hindi tama. Nagpasalamat pa rin siya rito dahil kung hindi nito nakita ang pangyayari, hindi niya malalamang manganganak na ang asawa niya.

Hinanap din nilang mag-asawa ang pedicab drayber na iyon makalipas ang isang buwan at ito ay binigyan nila ng kaunting tulong bilang kapalit sa mabuti at matulungin nitong puso.