Inday TrendingInday Trending
Walang Konsiderasyon ang Propesor na Ito sa Kaniyang mga Estudyante, Isang Binata ang Nagbigay ng Aral sa Kaniya

Walang Konsiderasyon ang Propesor na Ito sa Kaniyang mga Estudyante, Isang Binata ang Nagbigay ng Aral sa Kaniya

“Sir, baka po pupwedeng humingi ng isang araw na palugit para matapos ko po itong proyekto ko. Sinugod po kasi sa ospital ang tatay ko at ako po ang naghanap ng trabaho para may maipangbayad sa mga bayarin sa ospital,” daing ni Arnesto sa kaniyang propesor, isang umaga nang sadyain niya ito sa opisina nito upang makiusap.

“Huwag mo akong idaan sa mga dahilan mo, Arnesto. Ako nga noong nasa kolehiyo pa ako, hindi ako dumalo sa libing ng nanay ko para lang matapos ko ang thesis ko. Tapos ngayon, idadahilan mo sa akin ‘yang pagkaospital ng tatay mo?” masungit na sagot ni Sir Julio habang patuloy sa pagpirma ng mga proyektong pinasa ng ibang estudyante.

“Sir, pasensiya na po. Pakiusap po, hayaan niyo akong matapos ‘tong proyekto ko. Kailangan ko pong makapagtapos, sir, para matulungan ko po ang pamilya ko. Ako na lang po ang pag-asa nila, sir,” pagmamakaawa nito saka lumuhod sa harapan niya. Umiiling-iling siya at bubuntong-hininga.

“Edi sana, inuna mong tapusin ang proyektong ‘yan bago ka nagbanat ng buto. Ang isang estudyanteng karapat-dapat na makapatapos ng pag-aaral, alam ang mga prayoridad niya. Umulit ka na lang ng isang taon, Arnesto. Wala na akong magagawa sa proyekto mo,” malamig niyang tugon dito saka agad na itong pinalabas ng naturang silid.

“Propesor na walang konsiderasyon”

“Mahigpit na propesor”

“Walang pusong guro”

Ilan lang ‘yan sa mga salitang agad na maiisip ng mga estudyante kapag narinig na ang pangalan ng propesor na si Julio. Kahit na anong dahilang binibigay ng kaniyang mga estudyante kapag hindi nakakapagpasa sa oras ng proyekto, takdang-aralin, o kung ano pa mang pinapagawa niya, agad niyang ibabagsak ang mga ito.

Katwiran niya kasi, “Kung gusto talaga ng mga batang ‘yan na makapasa, gagawin nila ang mga pinapagawa ko,” dahilan para ganoon na lang talaga siya maghigpit sa mga estudyanteng hawak niya.

Lagi niya pang kinukumpara ang mga paghihirap niya noong nasa kolehiyo rin siya para lamang makapagtapos siya. Nais niyang maging katulad niya ang mga estudyanteng hinahawak niya.

Nang araw na ‘yon, kahit na kitang-kita niya sa mukha nang naturang estudyante ang lungkot, pagod, at kagustuhang makapasa, hindi niya pa rin ito pinagbigyan.

Pagkaalis ng naturang estudyante sa opisina niya, agad niyang sinimulan ang pagsasala ng mga proyektong pinasa sa kaniya ng ibang estudyante at halos mamuti ang buhok niya sa inis dahil sa hindi kaaya-ayang kalidad ng proyektong natanggap niya.

Lahat ng mga proyektong ito ay balak niyang sunugin sa harapan ng mga estudyante niya bukas dahilan para siya’y maghanap na ng isang malaking basurahan kung saan niya susunugin ang mga ito.

“Wala ba silang mga utak para malamang walang kwenta ang pinaggagagawa nila?” wika niya habang naglilibot sa paaralan.

Kaya lang, habang siya’y palakad-lakad, nakuha ng ilang estudyanteng nagsisigawan ang atensyon niya. Ikinainis niya ito dahil nakakaabala ang ingay na ginagawa ng mga ito sa ibang mga estudyanteng nasa klase.

“Ano bang problema niyo?” sigaw niya mula sa malayo.

“Si-sir, iligtas niyo po si Arnesto! Nasa roof top po siya at mukhang nais na tumalon!” balita ng dalagang sumisigaw saka itinuro sa kaniya ang binatang nasa itaas ng kanilang gusali.

Agad dumaloy sa kaniya ang kaba at takot na baka ituloy ito ng naturang binata dahilan para agad siyang tumawag ng tulong sa ibang propesor.

Pinuntahan niya sa naturang roof top ang binata. Sinubukan niya itong lapitan ngunit wika nito, “Subukan mong lumapit, tatalon talaga ako rito!” na kaniyang ikinatakot.

“Arnesto, hindi ba’t ikaw ang pag-asa ng pamilya mo, bakit mo ito gagawin?” tanong niya rito upang kumalma ito ngunit, lalo pa itong nagalit.

“Hindi ba’t pinutol mo na ang pag-asang ‘yon? Hindi naman ako makakapagtapos ng pag-aaral ngayong taon dahil sa proyektong pinapagawa mo, bakit ko pa ipagpapatuloy ang buhay na ito? Pagod na pagod na akong makitang umiiyak ang mga kapatid ko sa gutom, ang nanay kong naglalaba ng damit ng iba kahit buto’t balat na, at ang tatay kong alam ko, malapit nang sumalangit! Ako ang pag-asa nila, Sir Julio, ako lang!” sigaw nito habang naiyak.

“Pag-usapan natin ‘to, Arnesto, hindi pa huli ang lahat,” pangungumbinsi niya rito habang dahan-dahan niya itong nilalapitan.

Nang matantiya niyang malapit na siya rito, agad niya itong niyakap at binuhat pababa.

Labis itong humagulgol sa dibdib niya na nakapagpaiyak na rin sa kaniya.

“Patawarin mo ako, hijo, patawarin mo ako!” paulit-ulit niyang sigaw habang mariing na niyayakap ang binatang humagulgol.

Naging aral sa kaniya ang pangyayaring iyon dahilan upang maging sensitibo siya sa lahat ng ginagawa niya sa mga estudyante niya.

“Ngayon, naiintindihan ko nang may mga problema pa silang kinakaharap bukod sa mga proyektong binibigay ko,” wika niya habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng hawak niya na niyayakap at pinapakalma ang binatang si Arnesto.

Simula noon, natutuhan niyang maging isang mabuting propesor. Nagbibigay na siya ng konsiderasyon sa mga estudyanteng may mahigpit na pangangailangan at ginagawa na niya ang lahat upang matulungan ang mga ito na talaga nga namang ikinasaya ng mga estudyanteng hawak niya.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan nang nakapagtapos si Arnesto na labis niyang ikinasaya. “Kamuntikan nang mawala ang binatang ito nang dahil sa akin, salamat, Panginoon, hindi Mo siya binawi agad,” dasal niya matapos tawagin ang pangalan nito sa entablado. Ngayon ay sigurado siyang simula na ng pag-igi ng buhay ng binata at ng pamilya nito.

Advertisement