
Nagtataka ang Binatang Ito sa Pangungulit ng Kinakasama Tungkol sa Kanilang Pagpapakasal; May Nakakaluhang Dahilan Pala ang Babae
“Mahal, magpakasal na kaya tayo bukas? Tutal, may sapat na naman tayong ipon at nasa tamang edad na tayo,” biglaang sambit ni Chloe habang nanunuod sila ng telebisyon ng kaniyang kinakasama.
“Anong pumasok sa isip mo at bigla mo ‘yang nasabi, ha? Hindi biro ang magpakasal, mahal, hindi pupwedeng biglaan ‘yon dahil maraming bagay at dokumentong aayusin,” gulat na gulat na sagot ni Ben habang titig na titig sa dalagang nasa tabi niya.
“Wala lang, gusto ko lang na makapagpakasal tayo bago ako bumalik sa kampo sa isang linggo,” nakangusong tugon nito na labis niyang ikinatawa..
“Mga naiisip mo talaga! Hayaan mo, habang nasa kampo ka, aayusin ko na ang mga kailangan nating dokumento para pag-uwi mo ulit, pupwede na tayong magpakasal!” nakangiti niyang wika saka agad niyang kinuha ang kaniyang selpon upang hanapin ang mga kailangan nilang dokumento para rito.
“Hindi ba talaga pupwedeng ngayong linggo tayo magpakasal?” pangungulit nito na ikinatawa niyang muli.
“Hindi nga pupwede, mahal! Bukod pa roon, may trabaho rin ako bukas! Halika nga rito, yayakapin kita nang mahigpit para huwag ka nang mangulit!” sambit niya habang patawa-tawa saka agad na niyakap ang nakangusong dalaga.
Labis na nagtataka ang binatang si Ben sa palagiang pagyayakag na magpasakal ng kinakasama niyang dalagang sundalo. Unang kita pa lang nito sa kaniya matapos makalabas sa kampong pinamamalagian nito, agad na nitong sinabing, “Magpakasal na tayo?” na agad naman niyang ikinatawa.
Kahit anong pinag-uusapan nilang dalawa o ginagawa, bigla na lang itong magyayakag na magpakasal na tinatawanan niya lang dahil alam niyang maloko ito. Pakiwari niya kasi, nagbibiro lang ito at nais lang nitong mag-propose na siya ng kasal bago pa ito bumalik sa kampo sa isang linggo.
Ngunit dahil nga hindi pa siya gaanong handa sa panibagong yugto ng kanilang buhay, ang bawat paangungulit ng dalagang ito ay tinatawanan niya lamang hanggang sa tuluyan na itong bumalik sa kampo.
“Pagkauwi ko ulit, magpapakasal na tayo, ha?” wika pa nito, ilang minuto bago ito umalis ng kanilang bahay.
“Oo, naman! Bukas na bukas, lalakarin ko ang mga papeles natin, mahal!” sagot niya na labis na ikinangiti nito.
Kinabukasan, maaga siyang tinawagan ng dalaga upang ipaalala sa kaniya ang mga dokumentong kailangan niyang lakarin. Ramdam na ramdam niya sa boses nito ang kagustuhang ikasal sa kaniya dahilan para siya’y mapilitang magdesisyon na ituloy na ito.
Agad na siyang nagbihis pagkatapos nilang mag-usap at nagpunta na sa kanilang munisipyo upang magparehistro. Ilang oras din siyang pumila at naghintay doon hanggang sa sumapit ang tanghali kung kailan niya tuluyang nakuha ang dokumentong kailangan niya.
Tatawagan niya sana ang dalaga upang ibalita ito at itanong ang susunod niyang gagawin, kaya lang, hindi na ito sumasagot.
Naisip niyang baka abala na ito sa pagsasanay dahilan para hindi na niya ito muling tawagan at agad na rin siyang umuwi.
Pagkauwi niya sa kanilang bahay, agad niyang binuksan ang telebisyon upang manuod habang nagpapahinga. Kaya lang, pagkabukas na pagkabukas niya, halos nanghina ang tuhod niya nang malamang may isang grupo ng mga teror*sta ang sumugod sa kampong tinitigilan ng kaniyang kinakasama.
Kahit na alalang-alala siya, wala siyang maggawa kung hindi ang maghintay sa balita mula sa heneral nito at ilang oras pa nga ang lumipas, binalita sa kaniyang nasa ospital ang dalaga at maaaring maputulan ng paa dahil sa natamong tama.
Tumigil ang mundo niya nang oras na iyon. Napasandal na lang siya sa upuan habang iniisip ang dalagang minamahal.
Ilang araw pa ang lumipas, nang masigurado nang ligtas ang kalagayan nito, tuluyan na niya itong nadalaw sa ospital. Agad itong humagulgol nang makita siya.
“Hindi na ako makakapaglakad sa altar, mahal, pangarap ko pa naman ‘yon!” bungad na iyak nito na labis na ring nagpaiyak sa kaniya.
“Kaya pala gustong-gusto mo na magpakasal, gan’yan pala ang mangyayari sa’yo, mahal, patawarin mo ako,” hagulgol niya rin nang may pagsisi sa kagustuhan ng dalagang hindi niya napagbigyan.
Tanging pag-iyak ang nagawa nilang dalawa nang mga oras na iyon. Magkayakap lamang sila dinadama ang lungkot ng bawat isa.
Kahit na ganoon ang lungkot na nararamdaman niya para sa kinakasama, hindi siya pinanghinaan ng loob. Tinuloy niya pa rin ang paglalakad ng kanilang mga papeles habang nagpapagaling ang dalaga.
“Kahit naka-wheel chair kang dadaan sa altar, hihintayin pa rin kita roon,” nakangiti niyang wika rito na ikinaiyak nito.
Ilang linggo pa ang lumipas, tuluyan na nga silang nagpakasal. Hindi na niya hahayaang may ibang masamang mangyari pa bago niya pakasalan ang dalagang nagbigay ng kulay sa buhay niya.
“Pangakong, aalagaan at mamahalin ka, habambuhay,” pangako niya rito saka niya ito hinalikan sa harap ng kanilang mga kaanak.