
Nais nang Tuldukan ng Lalaking Ito ang Lahat ng Sakit na Nararamdaman sa Pagkawala ng Kaniyang Misis, Ito Rin kaya ang Nais ng Yumao Niyang Asawa?
“Pare, kumusta ka? Nakikiramay ako,” sambit ni Jose sa kaniyang matalik na kaibigan, isang gabi nang dumalaw siya sa lamay ng asawa nito.
“Hindi ako ayos, pare, parang gusto na ring sumunod sa asawa ko,” nakatulalang sagot ni Kier habang nangingilid ang luha sa mga mata.
“Naku, ‘yan ang huwag na huwag mong gagawin, pare. Kawawa na ang mga anak mo, kawawa ka pa sa susunod na buhay. Hindi mo ba alam na kasalanan ‘yang iniisip mo?” pangongonsenya nito sa kaniya saka naupo sa tabi niya.
“Paanong gagawin ko? Sobrang hirap para sa akin ng nangyaring ‘to! Alam mong ang asawa ko ang buhay ko. Siya lang ang sinasandalan ko sa mundong ‘to. Ngayong wala na siya, paano na lang ako?!” wika niya, roon na tuluyang tumulo ang luha niya dahilan para akbayan siya ng kaniyang kaibigan.
“Pare, alam kong wala ako sa posisyon mo para sabihin kung anong dapat mong gawin, pero magpakatatag ka para sa asawa mong tiyak, nais na gustong alagaan mo ang mga naiwan niyang bata,” wika pa nito habang siya’y tinatapik-tapik sa balikat.
“Hindi ko na alam, pare,” hikbi niya.
“Nandito lang ako, tutulungan ka namin ng asawa ko,” tugon nito saka siya niyakap nang mahigpit.
Ang asawa ng padre de pamilyang si Kier ang kauna-unahang babaeng minahal niya sa mundong ito na labis niya kinaiinisan. Ito lang ang tanging babaeng nakapagbigay kulay sa mundo niyang tila wala nang pag-asa dahil sa mga ginawa niyang kasalanan, hindi lang sa kaniyang mga magulang kung hindi pati na rin sa Poong Maykapal.
Dati siyang lulong sa bisyo, palaging nakikipagrambulan, nangungupit sa kaniyang mga magulang, at higit sa lahat, nagawa niyang manaksak ng taong pinag-uutangan ng kaniyang mga magulang.
Sa lahat ng kasalanan niyang ito, hindi niya lubos maisip kung bakit nagawa pa rin siyang biyayaan ng isang maganda at mabait na dalagang talaga nga namang nakapagpabago ng buhay niya nang hindi niya namamalayan.
Kaya naman nang tuluyan na siyang ikasal dito at sila’y nakabuo ng sariling pamilya, wala nang mas sasaya pa sa kaniya. Roon niya pinangako na tuluyan na siyang magbabago para sa kaniyang mag-iina.
Ngunit ngayong bigla namang binawi ng Diyos sa kaniya ang babaeng ito, sampung taon lang matapos silang ikasal, muli na namang dumilim ang mundo niya at kung anu-anong bagay ang pumapasok sa isip niya.
Hindi niya alam kung makakaya niya bang tugunan ang pangangailangan ng kaniyang dalawang anak na pawang mga bata pa, kung paano siya kikita ng pera at kung paano niya tatanggapin ang pagkawala nito sa kaniya nang biglaan.
Nang araw na ‘yon, kahit na siya’y kinausap at pinangakuan na ng tulong ng kaniyang kaibigan, desidido pa rin siyang tapusin ang buhay niya.
Pagkaalis nito, agad siyang nagpunta sa silid nila ng kaniyang asawa, pinagmasdan niya ang magandang mukha nito sa kanilang litrato saka sinabing, “Susunod na ako riyan, ha, hintayin mo ako, mahal ko,” saka niya agad na kinuha ang tali sa kanilang likod bahay at ito’y itinali sa pundasyon ng kanilang kwarto.
Tumuntong na siya sa upuan at handa nang isukbit ang kaniyang ulo sa buhol na kaniyang ginawa nang bigla na lang siyang katukin ng kaniyang bunsong anak.
“Papa? Papa ko? Hinahanap ka po ni mama!” sambit nito dahilan para siya’y magtaka at dali-daling binuksan ang pintuan.
“Ano’ng ibig mong sabihin, anak?” pagtataka niya.
“Tulog po ako, papa, eh, tapos narinig ko lang bigla si mama, sabi niya sa akin, katukin daw kita at sabihing alagaan mo kami. Siguro po gising na si mama, ‘no? Tingnan po natin kaya siya sa baba? Baka gusto na niya po kumain,” wika ng walang muwang na apat na taong gulang na bata dahilan para siya’y mapayakap dito at humagulgol.
Doon niya labis na napagtantong ayaw talaga siyang paalisin ng kaniyang asawa sa mundong ito para sa kanilang mga anak.
“Pasensya ka na, mahal, naging mahina ako at sarili ko lang ang inisip ko. Pangako, simula ngayon, magpapakatatag ako para sa’yo at sa dalawa nating anak na ako lang ang tanging pag-asa,” hikbi niya habang sabay nilang tinitingnan ng kaniyang bunsong anak ang maganda niyang asawang lulan ng isang kabaong.
Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang inilibing ang kaniyang asawa at kahit hindi na niya makita ang mukha nito, siya’y nagpatuloy pa rin sa buhay.
Nagbanat siya ng buto para kumita habang ang kumpare niyang si Jose at ang asawa nitong wala pang anak ang nag-aalaga sa kaniyang mga anak.
Mahirap mang tanggapin ang maikling panahong binigay sa kaniya para makasama ang kaniyang minamahal, unti-unti niya itong tinatanggap dahil may iniwan naman itong dalawang bibo at masisiyahing bata. Kaya’t ngayon ay gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya, tatatagan ang kaniyang loob, upang mabigyan ng masaya at maginhawang buhay ang dalawang batang bunga ng kanilang pagmamahalan ng namayapang asawa.